2014
Ako si Tendai na Taga-Zimbabwe
Marso 2014


Mga Kaibigan sa Iba’t Ibang Panig ng Mundo

Ako si Tendai na Taga-Zimbabwe

Mhoroi, shamwari! *

Kilalanin si Tendai, na naninirahan sa bansang Zimbabwe. Ang Zimbabwe ay nasa katimugang bahagi ng Africa. Napakaraming hayop sa Africa, tulad ng mga rhino, elepante, Cape buffalo, leon, at giraffe. Pero hindi nakikita ni Tendai ang mga hayop na ito sa paligid ng bahay nila dahil nakatira siya malapit sa Harare, ang pinakamalaking lungsod ng Zimbabwe. Gayunpaman, natutuwa si Tendai na sa bansa niya naninirahan ang magagandang hayop na ito.

Ang paborito kong kuwento sa banal na kasulatan ay nang utusan si Nephi na gumawa ng sasakyang-dagat. Sana lagi akong may lakas ng loob na gawin ang tama, tulad ni Nephi.

Paborito kong aktibidad sa Primary ang pagtatanghal ng Primary. Gusto kong magpatotoo tungkol kay Jesucristo.

Kapag tapos ko na ang homework ko, tinutulungan ko ang ate ko sa mga aralin niya. May ilang problema siya kaya nahihirapan siyang matuto. Gusto ko ring tulungan ang ibang mga bata sa paaralan namin na may mga problema. Pinagtatawanan ng ilang bata ang mga batang ito, pero hinding-hindi ko iyon ginagawa.

Isang araw naglalaro ang ilang kaibigan ko sa bakuran namin. Isa sa kanila ang nagsabi ng masamang salita. Nagtawanan ang iba pang mga bata, pero hindi ako nakisali. Sinabihan ko sila na hindi nakakatawa iyon at na hindi kami dapat magsalita ng masama.

Napakahalaga sa akin ng pamilya ko. May isa akong ate at isang kakambal na babae. Nakatira kami ng dalawa kong kapatid na babae sa aming ina at lola-sa-tuhod, o Gogo. Iyan ang tawag namin sa “lola” sa katutubong wika naming Shona.

  • “Kumusta, mga kaibigan!” sa Shona.