Isang Sagot sa Kanyang Dalangin
Ang awtor ay naninirahan sa Gauteng, South Africa.
Isang gabi binisita ako ng isang kaibigang iba ang relihiyon. Karaniwan ay mag-isa akong nag-aaral ng aking mga banal na kasulatan, at inihanda ko na ang mga ito nang gabing iyon para pag-aralan. Nadama kong anyayahan siyang samahan ako sa pag-aaral ko ng mga banal na kasulatan, pero natakot ako at sa halip ay nagsimula akong mag-aral na mag-isa. Alam ko na hindi ko pinansin ang pahiwatig ng Espiritu. Pagkaraan ng ilang minuto maingat kong itinanong, “Gusto mo ba akong samahan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan?” Walang pag-aatubiling sumagot ang kaibigan ko, “Oo, sige.”
At nagbasa kami mula sa Aklat ni Mormon. May ilan siyang itinanong, at nadama ko ang paggabay ng Espiritu nang sumagot ako. Ibinigay ko ang aking patotoo sa katotohanan ng Aklat ni Mormon. Matapos kong gawin ito, sinabi niya sa akin, “Maghapon akong umiiyak at natatakot. Katatapos ko lang manalangin sa Diyos para humingi ng tulong nang yayain mo akong basahin natin ang mga banal na kasulatan. Maganda na ang pakiramdam ko ngayon. Salamat.”
Kinasangkapan ako ng Panginoon para sagutin ang isang dalangin at paglingkuran ang isa sa Kanyang mga anak na nangangailangan. Alam ko na ang mga pahiwatig ay mga banal na tagubilin mula sa isang matalino at dakilang Ama. Kapag isinantabi natin ang ating takot, tinutulutan natin Siya na ipakita ang Kanyang kapangyarihan kapag tayo ay sumunod.