Mensahe sa Visiting Teaching
Ang Banal na Misyon ni Jesucristo: Ilaw ng Sanlibutan
Mapanalanging pag-aralan ang materyal na ito at hangaring malaman kung ano ang ibabahagi. Paano pag-iibayuhin ng pag-unawa sa buhay at misyon ng Tagapagligtas ang iyong pananampalataya sa Kanya at pagpapalain ang mga pinangangalagaan mo sa pamamagitan ng visiting teaching? Para sa karagdagang impormasyon, magpunta sa reliefsociety.lds.org.
Kapag naunawaan natin na si Jesucristo ang Ilaw ng Sanlibutan, mag-iibayo ang ating pananampalataya sa Kanya at magiging tanglaw tayo sa iba. Pinatotohanan ni Cristo ang Kanyang tungkulin bilang “tunay na ilaw na nagbibigay-liwanag sa bawat [lalaki at babae] na dumarating sa daigdig” (D at T 93:2) at hiniling na “itaas [natin] ang [Kanyang] ilawan upang ito ay magliwanag sa sanlibutan” (3 Nephi 18:24).
Pinatotohanan din ng ating mga propeta ang Liwanag ni Cristo. Sabi ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Sa tuwing pipiliin ninyong sikaping mamuhay nang higit na katulad ng Tagapagligtas ay lalakas ang inyong patotoo. Darating kayo sa puntong malalaman ninyo na Siya ang Ilaw ng Sanglibutan. … Maipapakita ninyo sa iba ang [L]iwanag ni Cristo sa inyong buhay.”1
Sinabi ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa ating pagiging liwanag sa mundo: “Kailangan nating protektahan ang ating mga pamilya at manguna kasama ang lahat ng taong may mabuting layon sa paggawa ng lahat ng magagawa natin upang maingatan ang liwanag, pag-asa, at moralidad sa ating komunidad.”2
Mula sa mga Banal na Kasulatan
Mula sa Ating Kasaysayan
Ang mga babaeng Banal sa mga Huling Araw ngayon ay patuloy na itinataas ang kanilang ilawan.
Sa ika-80 palapag ng isang mataas na gusali sa Hong Kong, China, isang babaeng walang asawa na may kapansanan—ang tanging Banal sa mga Huling Araw sa kanyang pamilya—ang bumuo ng isang tahanan na naging kanlungan kung saan madarama niya at ng mga bisita ang impluwensya ng Espiritu. Itinabi niya ang kanyang mga banal na kasulatan, manwal sa Relief Society, at himnaryo sa malapit. Nagpunta siya sa templo para magsagawa ng mga ordenansa para sa kanyang mga ninuno.3
Sa Brazil pinalaki ng isang matwid na ina ang kanyang mga anak sa liwanag ng ebanghelyo. Mga awitin sa Primary ang pumuno sa paligid ng kanyang tahanang yari sa pulang laryo, at tadtad ng mga larawan ng templo, mga propeta ng Diyos, at Tagapagligtas mula sa Liahona ang mga dingding. Nagsakripisyo sila ng kanyang asawa upang mabuklod sa templo upang maisilang ang kanilang mga anak sa loob ng tipan. Ang palagi niyang dasal ay tulungan siya ng Panginoon na palakihin ang kanyang mga anak sa liwanag, katotohanan, at kalakasan ng ebanghelyo.4