2014
Ang Pamantayan ng Panginoon Ukol sa Moralidad
Marso 2014


Ang Pamantayan ng Panginoon Ukol sa Moralidad

Mula sa isang mensahe sa debosyonal na ibinigay sa Brigham Young University–Idaho noong Enero 22, 2013. Para sa buong teksto sa Ingles, bisitahin ang web.byui.edu/devotionalsandspeeches.

Elder Tad R. Callister

Malaki ang epekto ng ating pasiya na sundin o suwayin ang pamantayan ng Diyos ukol sa moralidad sa kaligayahan natin sa buhay.

Ilang taon na ang nakararaan nilitis ng aking ama, na isang abugado, ang isang kaso. Para mapalakas ang kanyang panig, isang kaso lang ang binanggit niya—ang kasong inilabas ng California Supreme Court maraming taon na ang nakararaan. Binanggit ng kanyang kalaban ang ilang mas bagong desisyon ng mas mababang hukuman.

Sabi ng hukom sa aking ama, “Mr. Callister, wala ka bang mas bagong kaso kaysa rito?”

Tumingin sa hukom ang aking ama at sumagot, “Kagalang-galang na Hukom, ipinapaalala ko po sa inyo na kapag nagsalita ang korte suprema tungkol sa isang kaso, minsan lang ito kailangang magsalita.” Tumango ang hukom sa pagsang-ayon. Naipaalala sa kanya na nangingibabaw ang desisyon ng korte suprema sa lahat ng desisyon ng mas mababang hukuman, gaano man karami o kabago ang mga ito.

Gayon din sa ating Diyos Ama—minsan lang Siya kailangang magsalita tungkol sa isyu ng moralidad, at nangingibabaw ang pahayag na iyan sa lahat ng opinyon ng mga mas mababang hukuman, sinambit man ito ng mga psychologist, tagapayo, pulitiko, kaibigan, magulang, o moralista ng panahon.

Halos hindi kapani-paniwalang isipin na ibinigay ng Diyos sa Kanyang mga anak ang kapangyarihang katangi-tangi at sagrado sa Kanya—ang kapangyarihang lumikha ng buhay. Dahil ibinigay sa atin ng Diyos ang kapangyarihang ito, Siya, at Siya lamang, ang may karapatang magsabi kung paano ito dapat gamitin.

Salungat sa opinyon ng maraming tao, walang negatibo o mahigpit sa mga pamantayang moral ng Diyos. Sa halip, ang mga ito ay positibo, nagpapasigla, at nagpapalaya. Ang mga ito ay bumubuo ng mga ugnayan na may pagtitiwala, nagdaragdag sa pagpapahalaga sa sarili, pinagyayaman ang malinis na budhi, at inaanyayahan ang Espiritu ng Panginoon na pagpalain ang buhay ng bawat tao at ng mag-asawa. Subok na ang mga pamantayang ito sa pagkakaroon ng maligayang pagsasama ng mag-asawa at matatag na mga komunidad.

Ano, kung gayon, ang pamantayan ng Panginoon sa paggamit ng sagradong kapangyarihang magkaanak—ang Kanyang pamantayan ukol sa moralidad? Ang totoo, ang pamantayan ng Panginoon ukol sa moralidad ay hindi listahan ng mga dapat gawin at hindi dapat gawin kundi isang alituntunin, na maaaring ipahayag nang ganito: Ang kapangyarihang magkaanak ay dapat gamitin ng isang mag-asawang kasal dahil sa dalawang mahalagang dahilan: (1) para bigkisin at palakasin ang ugnayan ng mag-asawa at (2) para magdala ng mga kaluluwa sa mundo. Ang mga paggamit na ito ay may basbas at pagsang-ayon ng Panginoon.

Sa kabilang banda, ang kapangyarihang magkaanak ay hindi dapat gamitin ng lalaki at babaeng hindi kasal. Alinsunod dito, anumang sadyang pinag-isipan o kusang ginawa na pumukaw o humantong sa paggamit ng kapangyarihang magkaanak ng lalaki at babaeng hindi kasal ay hindi sinasang-ayunan ng Panginoon.

Ngayon ay babanggitin ko ang ilan sa mga pamantayan ng Panginoon ukol sa moralidad para hindi magkaroon ng maling pagkaunawa o kalabuan.

Pagtatalik nang Hindi Kasal at Pangangalunya

Ipinagbabawal ng Panginoon ang pagtatalik nang hindi kasal at pangangalunya anuman ang palagay ng mundo tungkol sa ganitong mga kilos. Ang mga kilos na ito ang bumubuo sa sukdulang paggamit ng kapangyarihang magkaanak sa piling ng isang taong iba sa atin ang kasarian na hindi legal na kasal sa atin. Ito ay pagtatalik nang hindi kasal kung pareho silang walang asawa; ito ay pangangalunya kung may asawa ang isa sa kanila o pareho silang may asawa.

Sabi ni Apostol Pablo, “Sapagka’t ito ang kalooban ng Dios, … na kayo’y magsiilag sa pakikiapid” (I Mga Taga Tesalonica 4:3; idinagdag ang pagbibigay-diin). Sinabi rin niya, “Hindi baga ninyo nalalaman na ang mga liko ay hindi magsisipagmana ng kaharian ng Dios? Huwag kayong padaya: kahit ang mga mapakiapid … ni ang mga mangangalunya … ay hindi mangagmamana ng kaharian ng Dios” (I Mga Taga Corinto 6:9–10; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Kung minsan hindi natatanto ng mga tao ang bigat ng mga paglabag na ito o, sa ilang sitwasyon, pinangangatwiranan nila ito. Tila hindi natanto ni Corianton ang bigat ng nagawa niya nang magkasala siya sa piling ng patutot na si Isabel. Ipinaliwanag ito ng kanyang amang si Alma: “Hindi mo ba alam, anak ko, na ang mga bagay na ito ay karumal-dumal sa paningin ng Panginoon?” (Alma 39:5). Binanggit din ni Joseph ang malaking kasamaang ito nang tuksuhin siya ng asawa ni Potiphar: “Paano ngang aking magagawa itong malaking kasamaan, at kasalanan laban sa Dios?” (Genesis 39:9).

Panghihipo

Ang panghihipo ay pumupukaw sa kapangyarihang magkaanak. Alinsunod dito, kapag hindi pa kasal salungat sa pamantayan ng Diyos ukol sa moralidad na hipuin ang mga pribado o sagradong bahagi ng katawan ng ibang tao, may damit man ito o wala.1

Pag-abuso sa Sarili

Tinutuligsa ng Panginoon ang pag-abuso sa sarili. Ang pag-abuso sa sarili ay pagpukaw ng isang tao sa kanyang kapangyarihang magkaanak. Sinabi ni Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Huwag magkasala na pakialaman o laruin ang sagradong kapangyarihang ito ng paglikha. …

“… Hindi ito nakalulugod sa Panginoon, ni sa inyo. Ipadarama nito na kayo’y hindi karapat-dapat o malinis.”2

Ang mga Ugnayan ng Magkaparehong Kasarian

Paniniwalain tayo ng ilan na ang paninindigan ng Simbahan laban sa mga pisikal na ugnayan ng magkaparehong kasarian ay pansamantalang patakaran lamang at hindi isang walang-hanggang doktrina. Ang gayong paniniwala ay hindi naaayon sa mga banal na kasulatan, sa mga salita ng mga makabagong propeta, at sa plano ng kaligtasan, na lahat ay pawang nagtuturo na kailangan ang walang-hanggang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae bilang kundisyon sa kadakilaan. Ang ugnayan ng magkaparehong kasarian ay hindi tugma sa walang-hanggang huwaran ng Diyos na hindi lamang magkaroon ng mga anak ang mga mag-asawa sa mortalidad kundi magkaroon din ng walang-hanggang pag-unlad sa kanilang dinakilang kalagayan.

Nauunawaan natin na lahat ay anak ng Diyos at nararapat ituring na gayon. Lahat tayo ay may mga kakulangan, ang ilan ay hindi natin ginusto. Ngunit naniniwala rin tayo sa walang-hanggang Pagbabayad-sala na may kakayahan sa buhay na ito o sa kabilang-buhay na pagkalooban tayo ng lahat ng kapangyarihang kailangan para maging kalakasan ang ating mga kahinaan at kakulangan. Nangako sa atin ang Panginoon, “Sapagkat kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili sa aking harapan, at magkakaroon ng pananampalataya sa akin, sa gayon ay gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila” (Eter 12:27).

Ang mga taong may inklinasyong makipagrelasyon sa kapareho nila ang kasarian ay may tungkuling (1) umiwas sa imoral na pakikipagrelasyon at (2) gawin ang lahat sa abot-kaya nila na makamit ang nakadadalisay at nakasasakdal na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala. Gayunman, pansamantala, ang mga taong may inklinasyong makipagrelasyon sa kapareho nila ang kasarian ngunit hindi ito ginagawa ay karapat-dapat humawak ng mga katungkulan sa Simbahan at tumanggap ng temple recommend.3

Mga Galamay ng Kaaway

Magbabahagi ako ngayon ng ilang tanda ng panganib na nauuna sa ilan sa mga kasalanang nabanggit ko. Sa ilang aspeto, si Satanas ay parang pugitang nagtatangkang bihagin tayo. Kung hindi gumagana ang isang galamay, susubukan niyang gamitin ang isa pa at ang isa pa hanggang sa makakita siya ng galamay na makakabihag. Narito ang ilan sa mga galamay ng masama na nilayon upang labagin natin ang pamantayan ng Diyos ukol sa moralidad.

Pornograpiya

Nais ng Diyos na huwag panoorin ng Kanyang mga anak ang alinmang pelikula o palabas sa TV, magbukas ng alinmang website, o magbasa ng anumang magasin na may pornograpiya. Ang pornograpiya ay anumang retrato o salaysay na nagbibigay-kasiyahan sa pagnanasa ng tao. Ito ay nagtataboy sa Espiritu ng Panginoon.

Walang makapagsasabi na naloko siya ng mga epekto ng pornograpiya, sa paniniwalang may tinatawag na walang malisyang pagsulyap. Ito ay nakalalason, makamandag, at walang patawad na ahas na tutuklaw sa sandaling tumingin kayo sa unang pagkakataon at patuloy na tutuklaw taglay ang lahat ng kamandag sa tuwing titingin kayo pagkatapos niyon.

Kung pinahihirapan kayo ng sakit na ito, kailangan ninyong gawin ang lahat ng makakaya ninyo para labanan ito. Maaaring kailanganin ninyong magtapat, manalangin nang husto, mag-ayuno, magbasa ng mga banal na kasulatan, na gumagawa ng makabuluhang bagay sa halip na maging tamad, magtakda ng hangganan sa paggamit ng Internet, humingi ng payo sa mga propesyonal, at iba pang tulad nito, ngunit malalabanan ninyo ito. Darating ang punto na kakailanganin ninyo ang matinding determinasyon—walang gamot o paraan ng pagpapayo na lulutas sa lahat ng adiksyon.

Mahalay na Pananamit

Ang ating pananamit ay nakakaapekto hindi lamang sa ating isipan at pagkilos kundi maging sa isipan at pagkilos ng iba. Kaya nga, ipinayo ni Apostol Pablo na “ang mga babae ay [dapat] magsigayak ng mahinhing damit” (I Kay Timoteo 2:9).

Ang damit ng isang babae ay may malaking epekto sa isipan at damdamin ng mga lalaki. Kung masyadong mababa ang tabas ng leeg o napakaikli ng laylayan o hapit na hapit ang damit, maaari itong mag-udyok ng masasamang kaisipan, maging sa isipan ng isang binatilyong nagsisikap na maging dalisay.4

Maaaring magmukhang matalino at sunod sa moda ang mga lalaki at babae, at maaari din naman silang maging disente. Maaaring manamit nang disente lalo na ang mga babae at makatutulong ito sa paggalang nila sa sarili at sa kadalisayang moral ng mga lalaki. Sa huli, karamihan sa kababaihan ay nagugustuhan ng mga lalaking gusto ang paraan ng kanilang pananamit.

Maruruming Kaisipan

May nagsabi, “Maaari ninyong pagmasdan ang paglipad ng mga ibon; huwag lang ninyo silang hayaang magpugad sa ulo ninyo.” Hindi mali o masama ang mapansin ang magandang dalagita o makisig na binatilyo sa kanyang pagdaan—normal iyan. Ngunit kung ang mga kaisipang iyan ay mauuwi sa pagnanasa, nagpupugad o tumitindi na ito.

Hindi natin maiiwasang makita ang lahat ng masasagwang billboard o taong mahalay ang suot, ngunit maaari nating itaboy ang mahalay na kaisipan kapag pumasok ito. Hindi kasalanan ang makakita ng masagwang bagay nang hindi sinasadya; ang kasalanan ay nasa pag-iisip tungkol dito kapag pumasok ito sa isipan. Sinasabi sa atin ng mga banal na kasulatan “Sapagka’t kung ano ang iniisip niya sa loob niya, ay gayon siya” (Mga Kawikaan 23:7).

Ang totoo, mga kaisipan natin ang nagiging binhi ng ating mga ikinikilos. May kapangyarihan tayong kontrolin ang ating buhay at mga iniisip. Hindi maaaring magsabay sa ating isipan ang mabuti at masama tulad din ng hindi sabay na umiiral ang liwanag at dilim sa iisang lugar. Darating ang oras na kakailanganin nating magpasiya kung alin ang papapasukin natin.

Kung gugustuhin natin, maitataboy natin ang lahat ng masamang kaisipan at agad itong mapapalitan ng nagbibigay-inspirasyong awitin o tula o talata sa banal na kasulatan. Tulad ng pagtakas ng kadiliman sa presensya ng liwanag, tumatakas din ang kasamaan sa presensya ng kabutihan.

Mga Tagong Lugar at Nakatutuksong mga Kaibigan

May mga oras at lugar na gaano man tayo katatag ay nahihirapan tayong tumanggi o umiwas. Ang ilan sa pinakamabubuting kalalakihan at kababaihan na nasa pinakamahihirap na sitwasyon ay nagpatangay sa tukso. Nangyari ito kay Haring David nang pagmasdan niya si Bathsheba sa gabi, na noong una ay inakala niyang malayo pa siya sa tukso (tingnan sa II Samuel 11:2–4). Hindi dapat isipin ng sinuman sa atin na napakalakas natin o hindi tayo matitinag. Ang mga tagong lugar, madidilim na gabi, at mahahalay na kaibigan ay napakalakas na impluwensya para mailapit tayo sa mga tukso ni Satanas.

Pangangatwiran

May dalawang pangangatwiran na madalas gamitin para ipagtanggol ang imoralidad. Ang una ay “Minahal ko siya.” Si Satanas ang dakilang manlilinlang. Pinipilit niyang kumbinsihin ang mga tao na ang pagnanasa ay pag-ibig. May isang simpleng pagsubok upang makita ang kaibhan. Ang pag-ibig ay nahihikayat ng pagpipigil sa sarili, pagsunod sa mga batas ng Diyos ukol sa moralidad, paggalang sa kapwa, at pagiging di-makasarili. Sa kabilang banda, ang pagnanasa ay nahihikayat ng pagsuway, pagbibigay-kasiyahan sa sarili, at kawalan ng disiplina.

Ang pangalawang pangangatwiran ay “Walang makakaalam.” Pinawi ng Panginoon ang maling akalang iyan sa maraming pagkakataon. Sinabi niya, “Ang mga mapanghimagsik ay babagabagin ng labis na pighati; sapagkat ang kanilang mga kasamaan ay ipagsisigawan sa mga bubungan, at ang kanilang mga lihim na gawain ay ihahayag” (D at T 1:3; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Walang napakadilim na kabukiran o tagung-tagong sulok na hindi malalaman o matutuklasan ng sinuman. Malalaman ng Diyos, at malalaman ninyo kung nilalabag ninyo ang Kanyang batas ukol sa moralidad.

Pagsisisi

Kung nakagawa tayo ng kasalanang moral sa ating buhay, maaari tayong magsisi dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang una at pangunahing hakbang sa pamumuhay nang malinis ang moralidad para sa hinaharap ay pagsisihan ang nakaraang mga paglabag, palitan ang pundasyong buhangin ng pundasyong bato. Madalas iyang magsimula sa pagtatapat.

Gayunman, ang pagsisisi ay hindi lamang tungkol sa haba ng panahon o pagtalikod sa kasalanan o pagtatapat. Higit sa lahat, ang pagsisisi ay isang tapat na pagbabago ng puso, isang matinding pagpapasiya na mamuhay nang malinis ang moralidad—hindi dahil kailangan kundi dahil nais natin itong gawin.

Nilinaw ng Diyos na hindi natin maaaring labagin ang Kanyang mga pamantayan nang hindi pinagdurusahan ang mga ibubunga nito, ngunit dahil hindi masukat ang Kanyang pagmamahal at habag, ibinigay Niya sa atin ang malaking pag-asang ito:

“Sapagkat ako, ang Panginoon ay hindi makatitingin sa kasalanan nang may pinakamaliit na antas ng pagsasaalang-alang;

Gayon pa man, siya na nagsisisi at sumusunod sa mga kautusan ng Panginoon ay patatawarin” (D at T 1:31–32; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Sa lahat ng tapat na kaluluwang binabago ang kanilang puso at tinatalikuran ang kanilang mga kasalanan, nangako Siya, “Bagaman ang inyong mga kasalanan ay maging tila mapula, ay magiging mapuputi na parang niebe” (Isaias 1:18).

Gayunman, mas mabuti palagi ang manatiling malinis kaysa magkasala at magsisi pagkatapos. Bakit kaya? Dahil maaaring manatili ang ilang masasamang bunga ng kasalanan kahit matapos magsisi, tulad ng karamdaman o isang anak na isinilang sa mga magulang na hindi ikinasal o kaya’y kasiraan sa ating reputasyon. Ang ating mithiin sa buhay ay hindi lamang ang maging malinis kundi ang maging perpekto. Ang hangaring maging perpekto ay nag-iibayo kapag malinis tayo, subalit napipigil ito kapag hindi tayo malinis.

Itinuro ni Alma, “Ang kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan” (Alma 41:10). Hindi tayo maaaring lumabag sa mga batas ng moralidad ng Diyos nang buong laya at lumigaya dahil naglagay ang Diyos, na lumikha sa atin, ng kamalayang moral sa ating kaluluwa na tinatawag na budhi. Anumang oras na labagin natin ang pamantayan ng Diyos ukol sa moralidad, gumagana ang budhing iyon—inuusig tayo nito, ipinadarama nito sa atin na nagkasala tayo at dapat tayong magsisi, at ito ay banal na saksi na nagpapatotoo sa katotohanan ng pamantayang iyon.

Maaari nating subukang balewalain at pigilin ito, ngunit hindi natin ito matatakasan. Hindi maaaring pawalang-saysay ang pamantayan ng Diyos ukol sa moralidad; hindi ito maaaring palabuin o ipagpalit; maaari lamang itong sundin o suwayin. Kalaunan ay lalabanan natin ito o kaya’y tatanggapin. Malaki ang epekto ng ating pasiya sa kaligayahan natin sa buhay.

Mga Pagpapala ng Buhay na may Moralidad

Napakarami ng mga pagpapala ng pamumuhay nang malinis at may moralidad. Ang gayong buhay ay magbibigay ng tiwala at pagpapahalaga sa sarili. Magbubunga ito ng malinis na budhi. Gagawin tayo nitong karapat-dapat para sa isang asawang gayon din kadalisay at gagawing mas matamis at puno ng pagpapala ang paggamit ng kapangyarihang magkaanak sa pagsasama ng mag-asawa dahil inilaan natin ito para sa panahong sinang-ayunan mismo ng Panginoon.

Dahil mahal na mahal tayo ng Panginoon at nais Niya tayong lumigaya, ipinahayag Niya ang Kanyang mga hangarin para sa Kanyang mga anak sa mga huling araw na ito: “Sapagkat ako ay magbabangon sa aking sarili ng mga dalisay na tao, na maglilingkod sa akin sa kabutihan” (D at T 100:16).

Nawa’y maging bahagi ng dalisay na henerasyong iyon ang bawat isa sa atin at tanggapin natin ang pamantayan ng Panginoon ukol sa moralidad.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Richard G. Scott, “The Power of Righteousness,” Liahona, Ene. 1999, 81.

  2. Boyd K. Packer, Para sa mga Kabataang Lalaki Lamang (1976), 4, 5.

  3. Tingnan sa Handbook 2: Administering the Church (2010), 21.4.6.

  4. Tingnan sa Dallin H. Oaks, “Pornograpiya,” Liahona, Mayo 2005, 90.