Huwag Palagpasin ang Tawag sa Telepono
Sa bawat pangkalahatang kumperensya, tiyak na may mensahe na para lang sa iyo. Huwag itong palagpasin!
Ipalagay nang may inaasahan kang napakahalagang tawag sa telepono. Halimbawa, kunwari’y nag-aplay ka sa maraming kolehiyo at gusto kang tawagan ng pinakagusto mong kolehiyo sa Huwebes ng gabi para ipaalam sa iyo kung tanggap ka. Pero sa isang kundisyon: napakarami nilang tatawagan at otomatiko ka nilang buburahin sa listahan kung hindi ka nila makausap tungkol sa mga detalye.
Kung matagal ka pang mag-aaral sa kolehiyo, mag-isip ka na lang ng ibang bagay na matagal mo nang hinihintay. Siguro may tatawag sa iyo para ipaalam kung natanggap ka sa isang sports team, dance class, o school musical—anumang talagang mahalaga sa iyo.
Ngayon, narito ang tanong: tatabihan mo ba ang telepono para sa inaasahan mong tawag na iyon?
Malamang, kung mahalaga nga iyon sa iyo, hindi mo gugustuhing lumayo sa telepono dahil baka hindi mo marinig ito! Hindi mo gugustuhing palagpasin ang tawag na iyon.
Gayundin, tuwing ikaanim na buwan may napakahalagang mensahe para sa sarili mong buhay na naghihintay mismo sa iyo. Pero may isa ring kundisyon: kailangan mo munang magpakita para makatanggap ka ng mensahe.
Pagbuhos ng Paghahayag
Ang pangkalahatang kumperensya ay panahon para mapasigla, mabigyang-inspirasyon, at mapalakas sa espirituwal. Napakahalagang pagkakataon din nito para makahanap ng mga sagot sa personal na mga tanong.
Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang pangkalahatang kumperensya ng Simbahang ito ay tunay na isang pambihirang pagkakataon—matibay nitong ipinapahayag na ang kalangitan ay bukas, na talagang may banal na patnubay ngayon na katulad noon sa sinaunang sambahayan ni Israel, na mahal tayo ng ating Diyos Ama sa Langit at inihahayag Niya ang Kanyang kalooban sa pamamagitan ng isang buhay na propeta.”1
Kung may mga tanong ka na matagal mo nang ipinagdarasal, maaaring sa pangkalahatang kumperensya mo mahanap ang mga sagot sa mga tanong na iyon. Kahit wala kang partikular na mga tanong sa iyong puso, malay mo kung aling mensahe o mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya ang kailangan mo mismong marinig. Kadalasan, ang pinakamahalagang inspirasyong natatanggap natin ang nagpapaalam sa atin kung paano mas mapaglilingkuran ang iba.
Nang magsalita siya sa pangkalahatang kumperensya tungkol sa pangkalahatang kumperensya, sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson:
“Nagpupulong tayo kada anim na buwan upang patatagin ang isa’t isa, upang manghikayat, magdulot ng kapanatagan, palakasin ang pananampalataya. Narito tayo para matuto. Ang ilan sa inyo ay maaaring naghahanap ng mga sagot sa mga tanong at hamon na nararanasan ninyo sa buhay. Ang ilan ay hirap na nakikibaka sa kalungkutan at pagkawala [ng mahal sa buhay]. Bawat isa ay mabibigyan ng kaliwanagan at mapasisigla at maaalo kapag nadama ang Espiritu ng Panginoon.”2
Ang mga mensaheng ibinibigay sa pangkalahatang kumperensya ay parang banal na kasulatan sa ating panahon. Sabi nga ng Panginoon, “Maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa” (D at T 1:38).
Kung espirituwal mong ihahanda ang iyong sarili para sa kumperensya at lalo na kung pakikinggan mong mabuti ang mga mensahe, makikita at mahahanap mo ang mga tagubilin at inspirasyong nauukol sa iyo—anuman ang iyong sitwasyon.
Maghandang Mabigyang-Inspirasyon
Laging nakakatulong na mag-ukol ng oras na makapaghandang tumanggap ng paghahayag bago mag-kumperensya. Ipinayo sa atin ng Panginoon na maghangad ng paghahayag: “Kung kayo ay hihingi, kayo ay makatatanggap ng paghahayag sa paghahayag, ng kaalaman sa kaalaman, upang inyong malaman ang mga hiwaga at mapayapang bagay—yaon na nagdadala ng kagalakan, yaon na nagdadala ng buhay na walang hanggan” (D at T 42:61).
Bagama’t posibleng makatanggap ng personal na paghahayag saanman, anumang oras, hindi ito dapat maging dahilan para hindi natin pag-aralang mabuti ang pangkalahatang kumperensya. Sa pangkalahatang kumperensya lamang natin mapapakinggan ang ating mga propeta, apostol, at iba pang lider ng Simbahan nang gayon kasagana.
Sa pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2013, itinuro ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Sa mga batang miyembro ng Simbahan, nangangako ako na kung makikinig kayo, madarama ninyo ang Espiritu na nag-uumapaw sa inyong kalooban. Sasabihin ng Panginoon sa inyo ang nais Niyang gawin ninyo.”3
Mahalaga ang Bawat Sesyon
Balikan natin ang mahalagang tawag na iyon sa telepono. Kung alam mong darating ang tawag na iyon, malamang na hindi ka lumayo sa telepono mo maliban kung talagang kailangan. Sa pangkalahatang kumperensya, kung gayon, makatuturan bang hindi makinig sa isa o dalawang sesyon dahil may ibang mga bagay kang mas gustong gawin sa katapusan ng linggo? Paano kung nagpasiya kang mag-hiking sa Sabado ng umaga—at unang sesyon “lang” ang hindi mo napakinggan—pero iyon pala ang mismong sesyon na kailangang-kailangan mong marinig?
Nakatira ka man sa isang bahagi ng mundo kung saan mapapanood mo nang live ang brodkast ng pangkalahatang kumperensya o kailangan mong maghintay nang kaunting panahon bago ito umabot sa inyong lugar, laging sulit ang panahon at pagsisikap na makinig na mabuti sa bawat mensahe sa sandaling magkaroon nito sa inyo.
Isiping magpasiya ngayon na dadalo ka na handa at maluwag sa loob na makinig sa bawat mensahe, na nakatuon sa inspirasyong kailangang-kailangan mong marinig.
Tutal, hindi mo alam kung kailan tutunog ang telepono.