Biyaya at ang Pagbabayad-Sala ni Jesucristo
Maaari tayong tumanggap ng lakas na makagawa ng higit pa kaysa inaakala natin.
Noong tag-init ng 2012, katatapos lang ni Palakiko C. sa high school sa Hawaii, USA, at inasam niyang makapag-aral sa Brigham Young University at makapagmisyon. Marami nang nagawa si Palakiko sa paghahanda para sa kanyang misyon—tatlong beses na niyang nasamahan ang mga full-time missionary sa buong maghapon, at madalas niya silang samahan sa pagbisita at pagtuturo ng ebanghelyo sa mga pamilya.
Isang gabi sinimulang turuan ni Palakiko at ng mga missionary ang isang pamilyang hindi lahat ay miyembro na may limang anak, edad 8 hanggang 14, na hindi pa nabibinyagan.
“Tinuruan namin sila sa loob ng anim na linggo,” sabi ni Palakiko. “Bawat linggo, nakita kong nadaragdagan ang kanilang pananampalataya habang itinuturo namin sa kanila ang mga alituntunin ng doktrina na tutulong sa kanila na matanggap ang buhay na walang hanggan.”
Hindi nagtagal ay tinanggap ng limang bata ang paanyayang magpabinyag at hiniling na si Palakiko ang magbinyag sa kanila. Masaya siyang pumayag. Isang pribilehiyo at karangalan ang binyagan sila. Ngunit para kay Palakiko, may mas mahirap na hamon: hiniling din nilang magsalita siya tungkol sa Espiritu Santo sa araw ng binyag.
Talagang kinabahan si Palakiko. “Paano ako magbibigay ng mensahe sa isang araw na hindi nila malilimutan sa buong buhay nila?” tanong niya. “Ano ang sasabihin ko?”
Kahit kinakabahan, alam ni Palakiko na dapat niyang gawin ito, at sinimulan na niyang ihanda ang kanyang mensahe para sa araw na iyon.
“Ginawa ko ang lahat sa abot ng aking makakaya upang matiyak na magiging maayos ang lahat,” sabi niya. Nanalangin siya, nagbasa ng mga banal na kasulatan para sa patnubay at kapanatagan, at inensayo ang panalangin para sa binyag sa kanyang isipan. Sa araw ng binyag, naging maayos ang lahat. At nang ibigay niya ang kanyang mensahe at sinikap na mapasakanya ang Espiritu, nadama niyang ginabayan siya sa dapat niyang sabihin.
“Noon ko lang nadama nang gayon katindi ang Espiritu nang ibigay ko ang mensaheng iyon,” sabi ni Palakiko. “Natutuwa ako na naging kasangkapan ako sa mga kamay ng Panginoon.”
Nagawa ni Palakiko ang kinailangan niyang gawin dahil pinalakas siya ng biyaya, o nagbibigay-kakayahang kapangyarihan, ng Pagbabayad-Sala ng Tagapagligtas.
Ano ang Nagbibigay-Kakayahang Kapangyarihan ni Jesucristo?
Dahil lahat tayo ay nagkakasala, kailangan nating matutuhan at ipamuhay ang mga alituntunin ng pagsisisi, isang napakahalagang bahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo. Kung hindi sa sakripisyo ng Tagapagligtas, walang isa man sa atin na makadaraig sa kasalanan at makababalik sa piling ng ating Ama.
Ang pagtulong sa atin na madaig ang kasalanan ay isang bahagi ng biyaya ng Tagapagligtas. Ngunit may isa pa. Ang biyaya ay inilarawan bilang “dakilang tulong o lakas … [na ibinibigay] sa pamamagitan ng awa at pag-ibig ng Diyos.”1 Sa pamamagitan ng biyaya ni Jesucristo, mapapalakas tayo upang “gumawa ng mabuti at maging mabuti at maglingkod nang higit pa sa sarili nating hangarin at likas na kakayahan.”2 Tulad ng ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang salitang biyaya ay madalas gamitin sa mga banal na kasulatan upang magpahiwatig sa kapangyarihang nagpapalakas o nagbibigay-kakayahan.”3
Si Palakiko ay pinagpala ng biyaya ng Tagapagligtas na maisakatuparan ang isang bagay na alam niyang hindi niya kakayaning mag-isa. Ang kapangyarihang iyon ay makakatulong sa ating lahat kapwa sa maliliit at malalaking paraan.
Paano Natin Matatamo ang Biyaya ng Tagapagligtas?
Kapag kailangan natin ng patnubay o tulong o lakas, matutulungan tayo ng Diyos. Ngunit depende rin ito sa atin. Kailangan nating hingin ang Kanyang tulong at maging karapat-dapat dito.
Tulad ng sabi ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Kapag sinunod natin ang mga utos ng Panginoon at pinaglingkuran natin ang Kanyang mga anak nang walang halong kasakiman, ang likas na ibubunga nito ay lakas mula sa Diyos—lakas na magawa ang higit pa sa magagawa nating mag-isa. Ang ating mga kaalaman, talento, at kakayahan ay nadaragdagan dahil tumatanggap tayo ng lakas at kapangyarihan mula sa Panginoon.”4
Ang huwarang ito ay maaaring makita sa buhay ni Jasmine B. ng Washington, USA, na tumanggap ng tulong para makayanan ang kanyang karamdaman. Bago dinapuan ng sakit, siya ay isang malusog na dalagita na napakahusay sa kanyang high school track team at mahilig gumising nang maaga para mag-seminary.
Ngunit nagsimula siyang magkasakit. Mabilis na nabawasan ng 15 libra ang kanyang timbang, at gaano man siya katagal matulog, pahirap nang pahirap sa kanya ang gumising para mag-seminary. Hindi na siya makatakbo nang mabilis tulad nang dati at laging nagugutom, nauuhaw, at nanghihina.
Mahigit isang buwan ang lumipas bago siya nagsimulang manalangin para humingi ng tulong. “Matagal akong nagpaliban,” sabi niya, “dahil inisip ko na ang paghingi ng tulong sa panalangin ay pagsuko, pag-amin na may sakit nga ako. Natakot ako.”
Ngunit dahil nagpakumbaba siya para humingi ng tulong sa Panginoon, nagsimulang dumating ang mga kasagutan. Nagpatingin siya sa doktor, at natuklasan na nagkaroon siya ng type 1 diabetes, na ibig sabihin ay hindi lumilikha ng insulin ang kanyang katawan para magproseso ng asukal sa dugo. Habambuhay ang epekto ng diabetes at kailangang subaybayang mabuti. Kahit may planong ginawa ang mga doktor para tulungan siyang makontrol ang kanyang sakit, nagsimula siyang mag-alala na hindi na siya makakatakbong muli.
“Hindi ako tumigil sa pagdarasal habang pinipilit kong unawain ang bagong buhay ko at labanan ang sakit ko,” sabi niya. “Nagdasal ako na mabigyan ng lakas at pang-unawa at na magawa kong tanggapin ang pagsubok na ito. Hindi ko sana nalagpasan ang mahihirap na araw at linggong iyon kung hindi ako nagdasal.”
Naging mabilis ang paggaling ni Jasmine. Sa loob ng dalawang linggo matapos masuri, muli siyang nagpraktis sa pagtakbo, at kalaunan sa taong iyon ay nanalo siya sa mga kompetisyon sa estado. “Naniniwala ako na biniyayaan ako ng Ama sa Langit ng malakas at malusog na katawan dahil nagsisikap akong maging matatag sa ebanghelyo,” sabi niya. “Hindi dahil may diabetes ako ay katapusan na ng mundo. Sa tulong Niya, alam kong malalagpasan ko ito.”
Sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos at sa pag-asa niya sa Kanya, nakayanan ni Jasmine ang kanyang karamdaman at nagtagumpay siya sa buhay.
Ang Biyaya ay Para sa Lahat
Ang nagpapalakas na kapangyarihang ito, ang biyaya ni Cristo, ay para sa ating lahat. Tuwing madarama ninyo na nag-iisa kayo o nahihirapan o pinanghihinaan ng loob, alalahanin na matatamo ninyo ang biyaya ng Panginoong Jesucristo.
Tulad ng ipinaliwanag ni Elder Craig A. Cardon ng Pitumpu, “Kung nananampalataya tayo sa Panginoong Jesucristo, ang nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala ay nagpapalakassa atin sa sandali ng ating pangangailangan [tingnan sa Jacob 4:7], at ang Kanyang kapangyarihang tumubos ay nagpapabanal sa atin kapag ating ‘[hinubad] ang likas na tao’ [Mosias 3:19]. Nagbibigay ito ng pag-asa sa lahat, lalo na sa mga nag-aakala na ang pabalik-balik na kahinaan ng tao ay lagpas na sa kahandaan ng Tagapagligtas na tumulong at magligtas.”5