2014
Pagpapahilom ng Malalalim na Sugat ng Pang-aabuso
Marso 2014


Pagpapahilom ng Malalalim na Sugat ng Pang-aabuso

Mula sa mga mensahe ni Elder Scott sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 1992 at Abril 2008. Pinagpare-pareho ang pagpapalaki ng mga titik at pagbabantas.

Elder Richard G. Scott

Maaari kayong maiwang sugatan ng pang-aabuso, ngunit ang mga sugat na iyon ay hindi kailangang maging permanente.

A young man sitting on the ground with his head in his hands. photo of young man covering head

Paglalarawan mula sa iStockphoto/Thinkstock

Nangungusap ako mula sa kaibuturan ng aking puso sa bawat isa sa inyo na nasugatan sa kasamaan ng pagkakasalang pang-aabuso.

Maliban kung pinaghilom ng Panginoon, ang mental, pisikal, o seksuwal na pang-aabuso ay maaaring makaapekto sa inyo nang malubha at sa napakatagal na panahon. Bilang biktima naranasan na ninyo ang ilan sa mga ito. Kabilang dito ang pangamba, kalungkutan, kasalanan, pagkamuhi sa sarili, pagkawala ng pagpapahalaga sa sarili, at paglayo sa normal na pakikipag-ugnayan ng mga tao. Kapag pinalala ng patuloy na pang-aabuso, nakakaramdam kayo ng mas matinding paghihimagsik, galit, at pagkamuhi. Ang mga damdaming ito ay kadalasang laban sa sarili, sa iba, sa buhay mismo, at maging sa Ama sa Langit. Ang bigong pagtatangkang makaganti ay maaaring mauwi sa pagkalulong sa droga, imoralidad, pag-iwan sa pamilya, at, ang pinakamalungkot, sa pagpapakamatay. Kung hindi itatama, ang mga damdaming ito ay hahantong sa kawalang-pag-asa, di-pagkakasundo ng mag-asawa, at ang dating biktima ay magiging taga-abuso. Ang isang kakila-kilabot na resulta ay ang tumitinding kawalan ng tiwala sa iba, na nagiging hadlang sa paggaling.

Para matulungan, kailangan ninyong maunawaan ang ilang bagay tungkol sa walang-hanggang batas. Ang pang-aabuso sa inyo ay resulta ng masamang pagwasak ng ibang tao sa inyong kalayaan. Dahil nagtatamasa ng kalayaan ang lahat ng anak ng Ama sa Langit, maaaring may ilan na pinipiling sadyang labagin ang mga utos at saktan kayo. Pansamantalang nililimitahan ng gayong mga kilos ang inyong kalayaan. Sa katarungan, at para matumbasan, naglaan ng paraan ang Panginoon para madaig ninyo ang mga mapanirang epektong ginawa ng iba na labag sa inyong kalooban. Ang tulong na iyan ay nagmumula sa pamumuhay ng mga walang-hanggang katotohanan sa tulong ng priesthood.

Dapat ninyong malaman na ang masamang pagpili ng iba ay hindi lubusang sisira sa inyong kalayaan maliban kung payagan ninyo. Maaaring magdulot ng sakit, dalamhati, maging ng pisikal na kapahamakan ang kanilang mga ginawa, ngunit hindi nila kayang sirain ang inyong walang-hanggang potensyal sa maikli ngunit mahalagang buhay na ito sa lupa. Kailangan ninyong maunawaan na malaya kayong magpasiyang daigin ang mapaminsalang mga epekto ng pang-aabuso. Makokontrol ng inyong pag-uugali ang nakabubuting pagbabago sa inyong buhay. Tinutulutan kayo nitong tumanggap ng tulong na nilayon ng Panginoon na ibigay sa inyo. Walang sinumang makapag-aalis sa inyo ng mga pagkakataong lubha ninyong kailangan kapag naunawaan at naipamuhay ninyo ang mga walang-hanggang batas. Ginawang posible ng mga batas ng inyong Ama sa Langit at ng Pagbabayad-sala ng Panginoon na hindi kayo manakawan ng mga pagkakataong dumarating sa mga anak ng Diyos.

Maaari kayong makadama ng takot sa isang taong makapangyarihan o may kontrol sa inyo. Maaari ninyong madama na nabitag kayo at hindi na kayo makatakas. Maniwala sana na ayaw ng inyong Ama sa Langit na mabihag kayo ng masamang impluwensya, ng takot na baka paghigantihan kayo, o matakot sa masamang epekto nito sa kapamilyang nang-aabuso sa inyo. Magtiwala na aakayin kayo ng Panginoon sa isang solusyon. Humiling nang may pananampalataya, nang walang pag-aalinlangan. (Tingnan sa Santiago 1:6; Enos 1:15; Moroni 7:26; D at T 8:10; 18:18.)

Taimtim kong pinatototohanan na kapag lubha kayong nasaktan sa karahasan, kabuktutan, o pang-aabuso ng sariling kadugo, nang labag sa inyong kalooban, hindi kayo mananagot at hindi kayo kailangang makonsiyensya. Maaari kayong masugatan ng pang-aabuso, ngunit ang mga sugat na iyon ay hindi kailangang maging permanente. Sa walang hanggang plano, sa panahon ng Panginoon, maitatama ang mga pinsalang iyon kapag ginawa ninyo ang inyong bahagi. Narito ang magagawa ninyo ngayon.

Humingi ng Tulong

Kung inaabuso kayo ngayon o inabuso noon, humingi na ng tulong ngayon. Marahil wala kayong tiwala sa iba at nadarama ninyo na walang maaasahang tulong kahit saan. Magsimula sa inyong Amang Walang Hanggan at sa Kanyang pinakamamahal na Anak, na inyong Tagapagligtas. Sikaping unawain ang Kanilang mga utos at sundin ang mga ito. Aakayin nila Kayo sa iba pa na magpapalakas at maghihikayat sa inyo. Mayroon kayong lider ng priesthood, na karaniwan ay isang bishop, o kung minsan ay miyembro ng stake presidency. Makagagawa sila ng paraan upang higit kayong makaunawa at gumaling. Itinuro ni Joseph Smith: “Walang magagawa ang tao para sa kanyang sarili maliban kung patnubayan siya ng Diyos sa tamang daan; at iyan ang layunin ng priesthood” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 128).

Kausapin nang may tiwala ang inyong bishop o branch president. Dahil sa kanyang tungkulin kumikilos siya bilang kasangkapan ng Panginoon para sa inyo. Makapagbibigay siya ng isang pundasyong ayon sa doktrina na gagabay sa inyong paggaling. Ang pag-unawa at pagsasabuhay ng walang-hanggang batas ay magpapagaling sa inyo. Siya ay may karapatang tumanggap ng inspirasyon mula sa Panginoon para sa inyong kapakanan. Magagamit niya ang priesthood upang basbasan kayo.

Matutulungan kayo ng inyong bishop na tukuyin ang mapagkakatiwalaang mga kaibigan na susuporta sa inyo. Tutulungan niya kayong maibalik ang tiwala at pagpapahalaga ninyo sa inyong sarili upang masimulan ang proseso ng pagbabago. Kapag matindi ang pang-aabuso, matutulungan niya kayong tukuyin ang angkop na proteksyon at pagpapagamot sa mga propesyonal na naaayon sa mga turo ng Tagapagligtas.

Mga Alituntunin ng Paggaling

Narito ang ilan sa mga alituntunin ng paggaling na mauunawaan ninyo nang mas lubusan:

Unawain na kayo ay pinakamamahal na anak ng inyong Ama sa Langit. Lubos ang pagmamahal Niya sa inyo at matutulungan kayo nang higit kaysa makakaya ng inyong magulang, asawa, o tapat na kaibigan. Ibinigay ng Kanyang Anak ang Kanyang buhay upang sa pananalig sa Kanya at pagsunod sa Kanyang mga turo, kayo ay gumaling. Siya ang ganap o perpektong tagapagpagaling.

Magtiwala sa pagmamahal at habag ng inyong nakatatandang kapatid na si Jesucristo sa pamamagitan ng pagninilay sa mga banal na kasulatan. Tulad sa mga Nephita, sinasabi Niya sa inyo, “Ako ay nahahabag sa inyo; ang aking sisidlan ay puspos ng awa. … Nakikita ko na sapat ang inyong pananampalataya upang kayo ay pagalingin ko” (3 Nephi 17:7–8).

Higit na nagsisimula ang paggaling sa taimtin na pagdarasal at paghingi ninyo ng tulong sa inyong Ama sa Langit. Ang paggamit ng inyong kalayaan ay nagtutulot sa langit na tulungan kayo. Kapag itinulot ninyo ito, palalambutin ng pagmamahal ng Tagapagligtas ang inyong puso at puputulin Niya ang paulit-ulit na pang-aabuso na maaaring humantong sa pang-aabuso ng dating biktima. Ang paghihirap, kahit sadyang ginawa ng di-mapigil na pagnanasa ng iba, ay maaaring pagmulan ng pag-unlad kapag tiningnan ayon sa pananaw ng walang hanggang alituntunin (tingnan sa D at T 122:7).

Bilang biktima, huwag magsayang ng panahon na paghigantihan o parusahan ang nang-abuso sa inyo. Magtuon sa inyong responsibilidad na gawin ang lahat ng makakaya ninyo para itama ang mga bagay-bagay. Ipaubaya sa mga maykapangyarihan sa pamahalaan at sa Simbahan ang pagpaparusa sa maysala. Anuman ang gawin nila, sa huli ay haharap ang may kasalanan sa Sakdal na Hukom. Sa huli, ang hindi nagsising mang-aabuso ay parurusahan ng makatarungang Diyos. Ang mga maninila na nambibiktima ng walang-malay at pinangangatwiranan ang tiwali nilang buhay sa pag-akit sa iba na sundin ang kanilang masasamang paraan ay pananagutin. Nagbabala ang Panginoon sa mga tulad nila: “Datapuwa’t sinomang magbigay ng ikatitisod sa isa sa maliliit na ito na nagsisisampalataya sa akin, ay may pakikinabangin pa siya kung bitinan ang kaniyang leeg ng isang malaking batong gilingan, at siya’y ilubog sa kailaliman ng dagat” (Mateo 18:6).

Unawain na ang pagpapagaling ay maaaring abutin ng mahabang panahon. Ang paggaling ay karaniwang nangyayari nang paunti-unti. Bumibilis iyon kapag nagpapasalamat sa Panginoon para sa bawat kaunting napansing pagbabago.

Kapatawaran

A young woman sitting on a concrete wall looking out over the ocean. photo of a blond girl looking out toward the sea

Sa matagal na paggaling mula sa maselang operasyon, matiyagang hinihintay ng pasyente ang lubos na paggaling, na nagtitiwala sa pangangalaga ng iba. Hindi niya laging nauunawaan ang kahalagahan ng panggagamot na iminungkahi, ngunit bumibilis ang kanyang paggaling kapag sumusunod siya. Ganito rin sa inyo na nagsisikap na gumaling sa mga sugat ng pang-aabuso. Ang kapatawaran, halimbawa, ay maaaring mahirap unawain, at mas mahirap pang ibigay. Magsimula sa pagpipigil na manghusga. Hindi ninyo alam kung ano ang maaaring dinanas na hirap ng mga mang-aabuso noong sila pa ang mga inaabuso. Ang daan tungo sa pagsisisi ay kailangang manatiling bukas para sa kanila. Ipaubaya sa iba ang pagpaparusa sa mga mang-aabuso. Kapag naranasan ninyong gumaan ang sarili ninyong pasakit, mas madaling darating ang lubos na kapatawaran.

Hindi ninyo malilimutan ang nangyari, ngunit maaari kayong magpatawad (tingnan sa D at T 64:10). Ang pagpapatawad ay nagpapahilom ng napakasakit at malalalim na sugat, dahil tinutulutan nitong pawiin ng pagmamahal ng Diyos ang galit sa inyong puso’t isipan. Inaalis nito sa inyong isipan ang hangaring maghiganti. Nagbibigay-puwang ito sa nagpapadalisay, nagpapagaling, at nagpapalakas na pagmamahal ng Panginoon.

Ipinayo ng Panginoon, “Mahalin ninyo ang inyong mga kaaway, pagpalain ninyo sila na sumusumpa sa inyo, gawan ninyo ng mabuti sila na napopoot sa inyo, at ipanalangin ninyo sila na may masamang hangarin sa paggamit sa inyo at umuusig sa inyo” (3 Nephi 12:44; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Ang hinanakit at poot ay nakapipinsala. Nagbubunga ito ng labis na kapahamakan. Ipinagpapaliban nito ang ginhawa at pagpapagaling na kinasasabikan ninyo. Sa pamamagitan ng pangangatwiran at awa sa sarili, gagawin nitong mang-aabuso ang isang dating biktima. Hayaang ang Diyos ang humatol—hindi ninyo magagawa ito nang kasinghusay Niya.

Ang mapayuhan na kalimutan na lang ang pang-aabuso ay hindi makatutulong. Kailangan ninyong maunawaan ang mga alituntuning maghahatid ng pagpapagaling. Ang paghilom ay maaaring magsimula sa isang maalalahaning bishop o stake president o mahusay na propesyonal na tagapayo. Kung nabali ang binti ninyo, hindi kayo magpapasiyang ituwid itong mag-isa. Makahihingi rin ng tulong sa mga propesyonal ang nakaranas ng matinding pang-aabuso. Maraming paraan para masimulan ang paggaling, ngunit tandaan na ang ganap na lunas ay nagmumula sa Tagapagligtas, ang Panginoong Jesucristo, ang ating Panginoon at Manunubos. Manampalataya na kaakibat ng inyong pagsisikap, ang Kanyang perpekto, walang-hanggang Pagbabayad-sala ay mapaghihilom ang inyong pagdurusa.

Imposible man sa inyo ngayon, darating ang panahon na dahil sa paghilom na matatanggap ninyo mula sa Tagapagligtas ay tunay ninyong mapapatawad ang nang-abuso. Kapag napatawad ninyo ang nagkasala, luluwag ang dibdib ninyo at mawawala ang sama ng loob na nais ni Satanas na manatili sa inyong buhay sa pamamagitan ng paghikayat sa inyo na kamuhian ang nang-abuso. Bunga nito, makadarama kayo ng higit na kapayapaan. Bagama’t mahalagang bahagi ng pagpapagaling, kung mas pinahihirapan kayo ng kaisipan na magpatawad, isantabi iyan hanggang sa mas maranasan ninyo ang kapangyarihang magpagaling ng Tagapagligtas sa sarili ninyong buhay.

Mag-ingat

Pinapaalalahanan ko kayo na huwag makibahagi sa dalawang masasamang klase ng therapy na mas magpapahamak sa inyo kaysa makakabuti. Ang mga ito ay: Sobrang pag-ungkat sa bawat maliit na detalye ng inyong nakaraang mga karanasan, lalo na kapag may malalalim at detalyadong talakayan sa grupo; at paninisi sa nang-abuso sa bawat paghihirap na dinaranas ninyo sa buhay.

Ang pagpapagaling sa pinsalang ipinadanas ng nang-abuso ay dapat gawin nang lihim at pribado sa isang lider ng priesthood na mapagkakatiwalaan at, kung kailangan, sa kwalipikadong propesyonal na inirekomenda niya. Kailangang may sapat na talakayan tungkol sa karaniwang uri ng pang-aabuso para mabigyan kayo ng angkop na payo at hindi na makagawa ng iba pang karahasan ang nang-abuso. Pagkatapos, sa tulong ng Panginoon, ibaon sa limot ang nakaraan.

Mapagpakumbaba kong pinatototohanan na ang sinabi ko sa inyo ay totoo. Ito ay batay sa mga walang-hanggang alituntunin na nakita kong ginamit ng Panginoon para maibigay ang ganap na kagandahan ng buhay sa mga taong nasugatan ng masamang pang-aabuso.

Kung pakiramdam ninyo ay napakaliit ng pag-asa, maniwala kayo, hindi iyon maliit. Maaaring iyon ay ang walang-patid na kaugnayan sa Panginoon, na nagliligtas sa inyong buhay. Pagagalingin Niya kayo kapag hindi na kayo takot at nagtiwala kayo sa Kanya sa pagsisikap na ipamuhay ang Kanyang mga turo.

Hilingin ngayon na tulungan kayo ng Panginoon (tingnan sa Mormon 9:27; Moroni 7:26, 33). Magpasiya ngayon na kausapin ang inyong bishop. Huwag ninyong tingnan ang lahat ng karanasan ninyo sa buhay na nadidiliman ng mga sugat na dulot ng pang-aabuso. Napakaraming magagandang bagay sa buhay. Buksan ang mga dungawan ng inyong puso at papasukin ang pagmamahal ng Tagapagligtas. At kapag nagbalik sa inyong isipan ang nakaraang masasamang pang-aabuso, alalahanin ang Kanyang pagmamahal at kapangyarihang magpagaling. Ang inyong kalungkutan ay magiging kapayapaan at katiyakan. Isasara ninyo ang isang pangit na kabanata at bubuksan ang mga aklat ng kaligayahan.