2014
Dalisay na mga Puso at Malilinis na Katawan
Marso 2014


Para sa Lakas ng mga Kabataan

Dalisay na mga Puso at Malilinis na Katawan

Neill F. Marriott

Iniutos ng Panginoon, “Ihanda ang inyong sarili, … oo, dalisayin ang inyong mga puso … upang akin kayong gawing malinis” (D at T 88:74).

A family dressed in Sunday clothes walking on the grounds of the Buenos Aires Argentina Temple.

Paglalarawan ni Matthew Reier

“Kayong mga kabataan ay lumalaki sa teritoryo ng kaaway,” sabi ni Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol.1 Tunay ngang ang mga pamantayang moral ng matatapat na Banal sa mga Huling Araw ay winawasak! Handa ba kayong labanan ang anumang marumi o masamang kaisipang maaaring ilagay ni Satanas, ng Internet, at ng mundo sa inyong puso o isipan?

Ihanda ang Inyong Sarili

Madalas bago mag-alas-5:00 n.u., madilim pa ay nakapila na ang karapat-dapat na mga kabataan sa may pintuan ng Salt Lake Temple, na handang pumasok sa bautismuhan. Humahakbang sila mula sa kadiliman ng mundo tungo sa liwanag ng templo. Matapos magsuot ng puting damit, tahimik silang tumutuloy sa napakaringal na bautismuhan, kung saan sila binibinyagan para sa mga patay. Pag-ahon nila mula sa dalisay at nagpapasariwang tubig ng bautismuhan, napatitibay ang mga kabataang ito, batid na nakibahagi sila sa walang-hanggang gawain para sa iba.

Bumabalik sila sa labas na madilim-dilim pa, at nagmamadaling pumasok sa paaralan—ngunit hindi na sila tulad ng dati, dahil hahayo sila na nasasakbitan ng kapangyarihan at kaluwalhatian (tingnan sa D at T 109:22–23). Taglay ang liwanag at kadalisayan ng templo sa kanilang puso, handa na silang hawiin ang kadiliman nitong “teritoryo ng kaaway” at manatiling malinis ang moralidad. Hindi lang sa Salt Lake Temple makikita ang ganitong tagpo—madalas mangyari ito kapag nililisan ng mga kabataan sa iba’t ibang panig ng mundo ang kadiliman ng teritoryo ng kaaway at ipinapasiyang mamuhay nang marapat at pumapasok sa liwanag ng templo.

Halimbawa, isang magkapatid na babae at lalaki na taga-Colorado, USA, ang nabinyagan para sa mahigit 50 sa kanilang mga ninuno nitong nakaraang taon at nadama ang kadalisayan ng templo. Sabi ng lalaki, “Masaya at espirituwal ang pakiramdam ko kapag nasa templo ako. Pagkatapos, kapag naharap ako sa mga tukso, naaalala ko ang pakiramdam na iyon at natutulungan ako nito.” Sa pagsisikap na mamuhay nang marapat sa pagdalo sa templo, isinulat naman ng babae sa journal niya ang kanyang gagawin at hindi gagawin kapag naharap sa tukso. Nanindigan siya, at ipinakita pa niya ang listahan sa kanyang mga magulang at kaibigan para matulungan nila siya. Ang dalawang kabataang ito ay nakagawa ng mabisang proteksyon para sa kanilang puso, isipan, at katawan.

Dalisayin ang Inyong Puso

Maliban sa malinis na mga gawain, malinis din ba ang inyong mga hangarin?

Si David, ang mang-aawit, ay nananalangin sa Mga Awit 139:23–24: “Siyasatin mo ako, Oh Dios, at alamin mo ang aking puso; subukin mo ako, at alamin mo ang aking mga pagiisip: at tingnan mo kung may anomang lakad ng kasamaan sa akin.” Patungkol sa mga talatang ito, ipinayo ni Pangulong Lorenzo Snow (1814–1901): “Iminumungkahi ko na sundin [ng bawat tao] ang panalanging ito ni David . … Marami ang nabibigong sumunod sa pamantayang ito ng kahusayan dahil palihim silang gumagawa ng mga bagay … na maaaring … maglayo sa kanila sa makapangyarihang Diyos.”2

Ang paghiling sa Ama sa Langit na gawing malinis ang inyong puso ay pagpapakita ng pananampalataya. Taglay Niya ang lahat ng kapangyarihan; manalangin sa Kanya nang madalas at mapagpakumbabang hilingin ang Kanyang banal na tulong na panatilihing dalisay ang inyong kalooban—maging ang inyong seksuwalidad.

“Magsilakad kayo ayon sa Espiritu, at hindi ninyo gagawin ang mga pita ng laman” (Mga Taga Galacia 5:16). Malaking lakas ang sasainyo kapag nagsilakad kayo ayon sa Espiritu! Bawat Linggo sa pakikibahagi ninyo ng sakramento, sumasaksi kayo na handa kayong alalahanin si Jesucristo sa tuwina (tingnan sa D at T 20:77, 79). Ang pag-alaala sa Tagapagligtas ay magbibigay sa inyo ng espirituwal na lakas na talikuran ang maruming bagay.

Maging Malinis sa Harapan ng Diyos

Bakit isang kautusan ang kadalisayan ng puri? Dahil ibinigay ng Ama sa Langit ang kapangyarihang magkaanak sa loob ng kasal para sa mga banal na layunin lamang. Sinabi ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang damdamin natin at paggamit sa banal na kapangyarihang ito ang magiging batayan ng ating kaligayahan sa mortalidad at sa ating tadhana sa kawalang-hanggan.”3

Ang seksuwal na intimasiya ay nagdudulot ng magiliw na pagkakaisa ng damdamin ng mag-asawa. Gayunman, nagbabala si Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang gayong intimasiya ay ipinagbabawal ng Panginoon sa mga hindi pa nabibigkis ng kasal dahil pinarurupok nito ang Kanyang mga layunin. … Nagdudulot ito ng matinding kapahamakan sa damdamin at espirituwalidad. Kahit hindi alam ng mga gumagawa nito na nangyayari ito ngayon, malalaman din nila kalaunan. Ang seksuwal na imoralidad ay hadlang sa impluwensya ng Banal na Espiritu.”4

Ang seksuwal na intimasiya ay hindi ibinigay upang bigyang-kasiyahan ang pagnanasa, popularidad, o pag-uusisa. Ang gayong makasariling paggamit ng kaloob na ito ng Diyos ay laging magdudulot ng kalungkutan at hahadlang sa inyong espirituwal na pag-unlad.

Habang inihahanda at pinadadalisay ninyo ang inyong puso, gagawin at tutulungan kayong manatiling malinis ng Panginoon. Kung kayo ay binabagabag ng inyong budhi o nahihiya, hangarin ang bisa ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala. Ang nagbabayad-salang sakripisyo lamang ni Jesucristo ang makapaglilinis sa atin. Magsisi at tapat na manalangin na mapatawad. Magpunta sa inyong bishop o branch president kung kailangan. Maaari ba kayong maging malinis at manatiling malinis sa isang maruming daigdig? Oo, kaya ninyo! Alam ninyo ang katotohanan at tutulungan kayo ng Espiritu Santo, ng mga magulang, ng mga lider, at ng buhay na propeta. Kapag umasa kayo kay Jesucristo, makakaya ninyo at mananatili kayong malinis sa Kanyang harapan.

Mga Tala

  1. Boyd K. Packer, “Payo sa Kabataan,” Liahona, Nob. 2011, 16.

  2. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Lorenzo Snow (2012), 135.

  3. David A. Bednar, “Naniniwala Kami sa Pagiging Malinis,” Liahona, Mayo 2013, 42.

  4. Richard G. Scott, “Making the Right Choices, Ensign, Nob. 1994, 38.