Manatiling Maingat
Marami akong pinagsisihan sa nakaraang apat na taon ng buhay ko. Lumaki ako sa Simbahan, at maraming miyembro ng pamilya at kaibigan ang nagpakita ng mabuting halimbawa sa akin. Sa kabila ng mga pagpapalang ito, hindi ako naging maingat, kaya nagkasunud-sunod ang mga problema ko sa buhay.
Nagsimula ito noong mga 13 taong gulang ako at nalulong ako sa media. Walang tigil ang panonood ko ng TV at parang mamamatay ako kapag hindi ako nakapaglaro ng mga video game. Ang pagkalulong ko sa media ay humantong sa ibang problema: wala akong mabubuting kaibigan dahil hindi ako nagtiyagang makipagkaibigan sa mga batang lalaki sa korum namin. Sa pagtatangkang magkaroon ng mga kaibigan, naghanap ako sa mga maling lugar at nakabilang sa isang online chat group. Sa grupong ito may mga taong nag-post ng pornograpiya. Dahil sa kahinaang dulot ng iba ko pang mga problema, madali akong nabitag sa pornograpiya.
Sinikap kong pangatwiranan ang asal ko sa pamamagitan ng pagdadahilan: wala namang nasasaktan; hindi naman ito napakasama. Nasusuklam akong tumingin sa pornograpiya mula nang una kong makita ito, pero nalulong ako rito. Gusto kong maging mabuting miyembro ng Simbahan, pero sunud-sunod na ang mga pagkakamaling nagawa ko at hindi ko iwinasto ang mga ito sa tamang paraan sa mahabang panahon.
Isa’t kalahating taon ang lumipas bago ako nakipagkita sa bishop ko. Tinulungan niya akong paglabanan ang pagnanasa kong tumingin sa pornograpiya. Sa paglipas ng panahon nagsimula rin akong makipagkaibigan sa mga tao sa aking ward, stake, at seminary class. Ngayo’y 17 taong gulang na ako, at kamakailan ko lang naramdaman na malaya na ako. Nito lang huling ilang buwan ako nakawala nang lubusan sa pagkalulong sa media, nananalangin nang taimtim araw-araw, at regular na nagbabasa ng mga banal na kasulatan.
Huwag hayaang mag-ugat sa puso ninyo ang alinman sa mga problemang ito. Pinatototohanan ko na talagang pinapatawad ng Panginoon ang mga nagkasala. Pero hindi gaanong magiging masaklap ang buhay ninyo kung hindi na kayo kailangang magsisi na katulad ko. Nakikiusap ako sa inyo na iligtas ang inyong sarili sa pagdurusa hangga’t maaari sa pag-alam sa mga bunga ng kasalanan sa paraang katatakutan at iiwasan ninyo ito. Sinasabi ko ito dahil pinapatay ng kasalanan ang kaluluwa, at kung magkakasala kayo, madarama ninyo ang pait. Kinamumuhian tayo ng diyablo, gusto niyang maging miserable tayo, at may kapangyarihan siyang impluwensyahan tayo kung hahayaan natin siya. Ngunit pinatototohanan ko na makasusumpong tayo ng biyaya, pagmamahal, kabaitan, at kaligtasan sa Pagbabayad-Sala ni Jesucristo.