Sinasabi sa atin ng mga banal na kasulatan na maging ganap. Paano ko magagawa iyon?
Ano ang iniuutos sa atin ng Tagapagligtas nang sabihin Niyang, “Anupa’t nais ko na kayo ay maging ganap na katulad ko, o ng inyong Ama na nasa langit ay ganap”? (3 Nephi 12:48).
Sa mga banal na kasulatan, ang ibig sabihin ng ganap ay “husto, buo, at lubos na umunlad; lubos na matwid. … Ang mga tunay na tagasunod ni Cristo ay maaaring maging ganap sa pamamagitan ng kanyang biyaya at pagbabayad-sala.”1
Itinuro ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang pagiging ganap sa buhay na ito ay “makakamit kapag sinikap nating gampanan ang bawat tungkulin [at] sinunod natin ang lahat ng batas. … Kung gagawin natin ang lahat ng makakaya natin, pagpapalain tayo ng Panginoon ayon sa ating mga gawa at naisin ng ating puso.”2
Ngayon, hindi sinabi ng Tagapagligtas na ang ibig sabihin ng pagiging ganap ay huwag magkamali kahit kailan. Hindi rin Niya sinabi na kapag nagkamali ay imposible nang maging ganap. Maaari tayong magsisi.
Ayon kay Pangulong Lorenzo Snow (1814–1901), ang susi sa pagiging ganap sa buhay na ito ay “maging mas mabuti ngayon kaysa kahapon. … Patuloy na bumuti nang unti-unti bawat araw.”3