Mga Sugo sa Simbahan
Hinihiling namin sa inyo bilang mga home teacher na maging mga sugo ng Diyos sa Kanyang mga anak, na mahalin at pangalagaan at ipagdasal ang mga taong nasa inyong pangangalaga.
Kamakailan lang, isang sister na walang asawa, na tatawagin kong Molly, ang umuwi sa kanyang tahanan mula sa trabaho at natuklasang pinasok ang kanyang buong basement ng tubig na umabot ng dalawang pulgada (5 cm) ang taas. Natanto niya agad na ang mga kapitbahay niya, dahil sa iisa ang daluyan nila ng tubig, ay maaaring napasobra ng paglalaba at paliligo kaya sa basement niya napunta ang umapaw na tubig.
Matapos tawagan ni Molly ang isang kaibigan na pumunta at tulungan siya, nagsimula silang dalawa na maglimas ng tubig at maglampaso. Maya-maya ay tumunog ang doorbell. Sinabi ng kaibigan niya, “Mga home teacher mo iyan!”
Natawa si Molly. “Ngayon ang huling araw ng buwan,” sagot niya, “pero tinitiyak ko sa iyo na hindi iyan ang mga home teacher ko.”
Habang nakayapak, basa ang pantalon, nakatali ang buhok, at may suot na napakagandang latex na guwantes, lumapit si Molly sa pinto. Ngunit ang kakaiba niyang hitsura ay hindi maitutulad sa kakaibang nakita niya. Ang mga home teacher nga niya ang dumating!
“Sobrang gulat ko!” ang sabi niya sa akin kalaunan. “Isa itong himala ng home teaching—tulad ng sinasabi ng mga Kapatid sa mga mensahe nila sa pangkalahatang kumperensya!” Sinabi pa niya: “At noong iniisip ko kung hahalikan ko ba sila o bibigyan ng panlampaso, sinabi nilang, ‘Oh, Molly, pasensya na. Nakikita naming marami kang ginagawa. Ayaw naming abalahin ka, kaya babalik na lang kami sa ibang araw.’ At umalis sila.”
“Sino iyon?” tanong ng kaibigan niya mula sa basement.
“Gusto kong sabihing, ‘Siguradong hindi ang Tatlong Nephita,’” pag-amin ni Molly, “pero nagpigil ako at mahinahong sinabi, ‘Home teachers ko iyon, pero nadama nilang hindi tamang oras ngayon para mag-iwan sila ng mensahe.’”1
Mga kapatid, nawa’y suriin natin sandali ang tungkulin ng priesthood na inilarawan bilang “unang pagmumulan ng tulong ng Simbahan” para sa mga miyembro at mga pamilya nito.2 Ang buong kakahuyan ay isinakripisyo para may magamit tayong mga papel para sa paglalathala ng mga nabuo at mas pinahusay na materyal sa home teaching. Napakaraming mensaheng ibinigay na humihikayat na gawin ito. Tiyak na walang Freudian travel agency saanman na makapagbibigay ng guilt trip o makapagpapakonsiyensya sa isang tao gaya ng home teaching. Gayunpaman nahihirapan pa rin tayong maisagawa ang anuman na masasabing katanggap-tanggap na hinggil sa utos ng Panginoon na “pangalagaan ang simbahan tuwina”3 sa pamamagitan ng priesthood home teaching.
Bahagi ng hamon na kinakaharap natin ang pagbabago ng demograpiko ng Simbahan. Dahil ang mga miyembro natin ay nasa mahigit 30,000 mga ward at branch, na matatagpuan sa mga 188 bansa at teritoryo, mas mahirap ngayon na bisitahin ang tahanan ng ating mga kapatid kaysa noong bago pa lang ang Simbahan kung saan nagtuturo ang isang kapitbahay sa kanyang kapitbahay na tinatawag na “block teaching.”
Bukod pa rito, sa maraming unit ng Simbahan, kakaunti ang bilang ng mga mayhawak ng priesthood na maaaring mag-home teach, nabibigyan sila ng 18 o 20 pamilya—o higit pa—na kanilang bibisitahin at pangangalagaan. Maaaring problema rin ang layo ng mga bahay na bibisitahin, mahal na pamasahe at madalang na masasakyan, at ang pinahabang oras ng pagtatrabaho kada araw at kada linggo. Idagdag pa sa mga ito ang ilang bagay na ipinagbabawal sa ilang kultura tulad ng hindi ka maaaring bumisita nang walang pasabi at mga usaping pangkaligtasan sa maraming komunidad sa mundo—kaya, nakikita na natin na masalimuot ang problema.
Mga kapatid, sa pinakamaayos na kalagayan at sa mga sitwasyong magagawa ito, ang buwanang pagbisita sa bawat tahanan ang pinakamainam pa ring magagawa ng Simbahan. Ngunit dahil napag-alaman namin na hindi posible sa maraming lugar sa buong mundo ang mas mainam na paraang ito ng pagho-home teaching at tila naipadama namin sa mga kapatid na iyon na nabigo sila nang ipagawa namin ang hindi nila talagang magagawa, ang Unang Panguluhan ay sumulat sa mga lider ng priesthood ng Simbahan noong Disyembre 2001, at ibinigay ang inspirado at makatutulong na payo na ito: “May mga lugar sa Simbahan,” isinulat nila, “na … ang home teaching sa bawat tahanan kada buwan ay maaaring hindi posible dahil sa kakulangan ng bilang ng mga aktibong kapatid sa priesthood at iba pang problema sa lugar.” Nabanggit namin ang ilan sa mga ito. “Kapag ganito ang mga sitwasyon,” sabi nila, “dapat gawin ng mga lider ang lahat ng kanilang makakaya para magamit ang resources na mayroon sila para mapangalagaan at mapalakas ang bawat miyembro.”4
Mga kapatid, kung nararanasan ko sa aking ward o branch ang ganitong mahihirap na sitwasyon, susundin namin ng Aaronic Priesthood companion ko ang payo ng Unang Panguluhan (na ngayo’y tuntunin na sa handbook) sa ganitong paraan: Una, kahit maraming buwan pa ang abutin para matapos ito, pagsisikapan naming sundin ang utos sa banal na kasulatan na “dumalaw sa bahay ng bawat miyembro,”5 gagawa kami ng iskedyul na posible at praktikal para mabisita namin nang regular ang mga tahanang iyon. Ilalagay namin sa iskedyul na iyon ang pagpaprayoridad ng aming oras at dalas ng pagbisita sa mga lubhang nangangailangan sa amin—mga investigator na tinuturuan ng mga missionary, mga bagong binyag, mga maysakit, mga nalulumbay, mga hindi gaanong aktibo, mga pamilya ng nagsosolong magulang na may mga anak na kasama pa sa tahanan, at iba pa.
Habang iniisa-isa namin ang aming iskedyul ng pagbisita sa lahat ng tahanan, na maaaring abutin ng ilang buwan bago matapos, gagawa kami ng iba pang paraan para makontak ang mga indibiduwal at mga pamilya na nasa aming listahan sa pamamagitan ng anumang paraan na inilaan ng Panginoon. Tiyak na mapangangalagaan namin ang aming mga pamilya sa simbahan at, tulad ng sinasabi ng banal na kasulatan, ay “maki[ki]pag-usap sa bawat isa hinggil sa kapakanan ng kanilang mga kaluluwa.”6 Dagdag pa rito, kami ay tatawag sa telepono, magpapadala ng mga email at text message, at magpapadala ng pagbati sa pamamagitan ng isa sa maraming uri ng social media na magagamit namin. Upang makatulong sa pagtugon sa mga pangangailangan, maaaring magpadala rin kami ng isang scripture verse o pahayag mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya o Mormon Message mula sa maraming materyal sa LDS.org. Tulad ng sinabi ng Unang Panguluhan, gagawin namin ang pinakamabuting magagawa namin sa kalagayang kinakaharap namin gamit ang resources na mayroon kami.
Mga kapatid, ang panawagan ko sa inyo ngayong gabi ay lalo pa ninyong unawain ang home teaching. Sana, sa mas bago at mas mabuting paraan, makita ninyo ang inyong sarili bilang mga sugo ng Panginoon sa Kanyang mga anak. Ang ibig sabihin niyan ay baguhin ang nakaugalian, na parang batas ni Moises–na kailangang makumpleto ang pagbisita bago matapos ang buwan, nagmamadaling magbigay ng mensahe mula sa mga magasin ng Simbahan na nabasa na ng pamilya. Sa halip na ganito ang gawin, umaasa kami na magagawa ninyong maipadama ang tunay na malasakit sa mga miyembro, nangangalaga at nag-aalala sa isa’t isa, tinutugon ang mga espirituwal at temporal na pangangailangan sa anumang paraan na makatutulong.
Ngayon, hinggil sa kung ano ang “mahalagang” gawin sa home teaching, lahat ng mabuting bagay na ginagawa ninyo ay “mahalaga,” kaya ireport ito lahat! Sa katunayan, ang pinakamahalagang report ay kung paano ninyo pinagpala at pinangalagaan ang mga taong nasa inyong pangangalaga, na walang anumang kinalaman sa isang partikular na iskedyul o lugar. Ang mahalaga ay mahal ninyo ang mga taong nakatoka sa inyo at sinusunod ang utos na “pangalagaan ang simbahan tuwina.”7
Noong Mayo 30 ng nakalipas na taon, dahan-dahang inilabas ng kaibigan kong si Troy Russell ang kanyang pickup truck mula sa kanyang garahe patungo sa lokal na Deseret Industries para magbigay ng donasyong mga produkto. Nadama niyang may nagulungan ang hulihang gulong niya. Sa pag-aakalang may bagay na nalaglag mula sa kanyang truck, lumabas siya para lang makita ang kanyang pinakamamahal na siyam-na-taong gulang na anak, si Austen, na nakadapa sa semento. Ang mga iyakan, basbas ng priesthood, mga paramedic, at mga doktor sa ospital—sa sitwasyong ito, ay walang nagawa. Wala na si Austen.
Hindi makatulog at hindi mapanatag, hindi maalo si Troy. Sinabi niya na hindi niya ito kaya at hindi na niya kayang magpatuloy pa sa buhay. Subalit sa panahong iyon ng matinding pagdurusa ay dumating ang tatlong tulong.
Una ay ang pagmamahal at nagbibigay-katiyakang diwa ng ating Ama sa Langit, isang presensya na ipinaabot sa pamamagitan ng Espiritu Santo na nagbigay ng kapanatagan kay Troy, na nagturo sa kanya, nagmahal sa kanya, at bumulong na alam ng Diyos ang lahat tungkol sa pagkawala ng isang mabait at perpektong Anak. Ang pangalawa ay ang kanyang asawa, si Deedra, na niyakap at minahal si Troy at nagpaalala sa kanya na nawalan din siya ng anak at hindi na papayag na mawalan din ng asawa. Pangatlo sa kuwentong ito si John Manning, isang pambihirang home teacher.
Hindi ko alam kung kailan bumisita si John at ang kanyang junior companion sa tahanan ng mga Russell, o kung anong mensahe ang ibinigay nila nang bumisita sila roon, o kung paano nila iniulat ang kanilang karanasan. Ang alam ko lang ay na noong huling tagsibol, tinulungan ni Brother Manning si Troy Russell na makabangon mula sa trahedyang naganap sa garaheng iyon na parang binubuhat din niya ang maliit na si Austen. Tulad ng dapat gawin ng isang home teacher o bantay o kapatid sa ebanghelyo, pinangalagaan at pinagmalasakitan ni John si Troy Russell. Nagsimula siya sa pagsasabing, “Troy, gusto ni Austen na magpatuloy ka sa buhay—pati sa paglalaro ng basketball—kaya pupunta ako rito tuwing alas-5:15 n.u. Maghanda ka dahil hindi ko gustong pumasok sa bahay ninyo at gisingin ka—at alam kong hindi rin iyon magugustuhan ni Deedra.”
“Ayokong pumunta,” sinabi sa akin kalaunan ni Troy, “dahil palagi kong isinasama si Austen sa mga umagang tulad noon at alam ko na maaalala ko siya at napakasakit niyon sa akin. Pero nagpumilit si John, kaya pumunta ako. Simula noong unang araw na iyon, nag-usap kami—o para lalong maliwanag ako ang nagsalita at nakinig si John. Nagkuwento ako buong biyahe papunta sa simbahan at hanggang pauwi. Minsan ay nagkukuwento ako habang nakaparada kami sa labas ng garahe at pinanonood ang pagsikat ng araw sa Las Vegas. Noong una ay mahirap, ngunit nadama ko sa paglipas ng panahon na nanumbalik ang aking lakas dahil sa isang hindi marunong na 6-foot-2-inch (1.88 m) na basketbolista ng Simbahan, na kakatwa ang jump shot, pero minahal ako at nakinig sa akin hanggang sa sumikat muli ang araw sa aking buhay.”8
Mga kapatid ko sa banal na priesthood, kapag nag-uusap tayo tungkol sa home teaching o sa pangangalaga o personal na paglilingkod sa priesthood—anuman ang gusto ninyong itawag dito—ito ang pinag-uusapan natin. Hinihiling namin sa inyo bilang mga home teacher na maging mga sugo ng Diyos sa Kanyang mga anak, na mahalin at pangalagaan at ipagdasal ang mga tao na nasa inyong pangangalaga, tulad ng pagmamahal at pangangalaga at pagdarasal namin para sa inyo. Nawa’y maging masigasig kayo sa pangangalaga sa kawan ng Diyos sa mga paraang naaayon sa inyong sitwasyon, ang dalangin ko, sa pangalan ng Mabuting Pastol nating lahat, na pinatototohanan ko, maging ang Panginoong Jesucristo, amen.