2016
Mga Alituntunin at Pangako
November 2016


Mga Alituntunin at Pangako

Mga kapatid, nawa’y pangalagaan natin ang ating katawan at isipan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga alituntuning itinakda sa Word of Wisdom, isang planong inilaan ng langit.

Ngayong gabi, mga kapatid, ipinagdarasal ko na patnubayan ako ng ating Ama sa Langit habang ibinabahagi ko ang aking mensahe sa inyo.

Noong 1883 inihayag ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith ang isang plano para sa malusog na pamumuhay. Ang planong iyan ay matatagpuan sa ika-89 na bahagi ng Doktrina at mga Tipan at kilala bilang Word of Wisdom. Nagbibigay ito ng partikular na utos tungkol sa pagkaing kinakain natin, at ipinagbabawal nito ang paggamit ng mga sangkap na nakakasama sa ating katawan.

Yaong mga sumusunod sa mga utos ng Panginoon at tapat na sumusunod sa Word of Wisdom ay pinangakuan ng partikular na mga pagpapala, kasama na rito ang mabuting kalusugan at dagdag na lakas ng katawan.1

Kamakailan ay nabasa ko ang tunay na salaysay ng isang nakaaantig na pagpapakita ng mga pangakong ito. Si John A. Larsen, isang matapat na miyembro ng Simbahan, ay naglingkod noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa United States Coast Guard sa barkong USS Cambria. Habang nasa isang labanan sa Pilipinas, dumating ang balita na may paparating na grupo ng mga eroplanong pambomba at mga kamikaze fighter plane. Nagbigay ng utos na agaran silang lumikas. Nang wala na ang USS Cambria, tinipon ni John at ng tatlo niyang kasama ang kanilang gamit at nagmamadaling nagtungo sila sa pampang, na umaasang makasampa sa isa sa paalis na mga barko. Mabuti na lang, sinundo sila ng isang landing craft at mabilis itong lumipad patungo sa huling barkong paalis ng look. Ang kalalakihan sa paalis na barkong iyon, sa pagsisikap na makalikas kaagad, ay abala sa kubyerta at may sapat na panahon lamang para maghagis ng mga tali sa apat na lalaki, para makaakyat sila sa kubyerta.

Nakalambitin si John, na may nakataling mabigat na radyo sa kanyang likod, sa dulo ng isang apatnapung-talampakang (12 m) tali, sa gilid ng isang barkong patungo sa malawak na karagatan. Sinimulan niyang hilahin ang kanyang sarili pataas, gamit ang kanyang mga kamay, batid na kung makabitaw siya, halos siguradong mamamatay siya. Matapos makaakyat nang sangkatlo lamang ng tali, namitig sa sakit ang mga braso niya. Hinang-hina na siya kaya nadama niya na hindi na niya kayang kumapit pa.

Halos wala nang lakas, habang iniisip niya ang malagim na kasasapitan niya, tahimik siyang nanalangin sa Diyos, at sinabi sa Kanya na noon pa man ay sinunod na niya ang Word of Wisdom at malinis ang kanyang pamumuhay—at ngayo’y kailangang-kailangan niya ang ipinangakong mga pagpapala.

Sinabi ni John kalaunan na nang matapos ang kanyang panalangin, nadama niya ang pagbugso ng kanyang lakas. Muli siyang umakyat at mabilis na nakaakyat sa tali. Nang makasampa siya sa kubyerta, normal ang kanyang paghinga at hindi man lang humingal. Ang mga pagpapala ng dagdag na kalusugan at lakas na ipinangako sa Word of Wisdom ay napasakanya. Nagpasalamat siya sa kanyang Ama sa Langit noon, at habang nabubuhay siya, dahil sa sagot sa kanyang desperadong paghingi ng tulong sa panalangin.2

Mga kapatid, nawa’y pangalagaan natin ang ating katawan at isipan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga alituntuning itinakda sa Word of Wisdom, isang planong inilaan ng langit. Buong puso’t kaluluwa kong pinapatotohanan ang maluwalhating mga pagpapalang naghihintay sa atin kapag ginawa natin ito. Nawa’y mangyari ito, sa pangalan ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 89:18–21.

  2. Tingnan sa John A. Larsen, sa Robert C. Freeman and Dennis A. Wright, comps., Saints at War: Experiences of Latter-day Saints in World War II (2001), 350–51; ginamit nang may pahintulot.