Walang Hihigit sa Kagalakan na Malaman na Kilala Nila [ang Tagapagligtas]
Hindi ko alam kung mayroong bagay sa mundong ito na makapagdadala ng kaligayahan at kagalakan na hihigit pa kaysa sa malaman na kilala ng ating mga anak ang Tagapagligtas.
Mga kapatid, pinag-iisipan kong mabuti kamakailan ang tanong na ito: “Kung sa inyo lang nanggaling ang lahat ng nalalaman ng inyong mga anak sa ebanghelyo, gaano karami ang nalalaman nila?” Ang tanong na ito ay angkop sa lahat ng nagmamahal, nagtuturo, at nakakaimpluwensya sa mga kabataan.
May regalo ba tayong maibibigay sa ating mga anak na hihigit pa sa pagtatanim natin sa kanilang mga puso ng alaalang alam natin na buhay ang Manunubos? Nalalaman ba nilang alam natin? At ang mas importante, nalaman na ba nila sa kanilang mga sarili na Siya ay buhay?
Noong ako’y bata pa, ako ang pinakamahirap alagaan sa mga anak ni inay. Labis-labis ang aking enerhiya. Sinasabi sa akin ni inay na ang kinatatakutan niya sa lahat ay baka hindi ko na abutin ang pagtanda. Talagang sobrang aktibo ko.
Naaalala ko na nakaupo ako noon sa sacrament meeting kasama ng aking pamilya. Katatanggap lang ng nanay ko ng bagong set ng mga banal na kasulatan. Ang lahat ng pamantayang banal na kasulatan ay pinagsama-sama sa edisyong ito at sa pinakagitna nito ay may mga papel na may mga guhit para masulatan ng mga tala.
Habang nagmimiting, tinanong ko kung maaari ko bang hawakan ang kanyang mga banal na kasulatan. Dahil umaasa na makakatulong ito na maging tahimik ako, inilagay niya ito sa bangko. Nang buklatin ko ang kanyang mga banal na kasulatan, napansin kong may isinulat siyang mithiin sa sulatan ng mga tala. Para bigyan kayo ng konteksto sa kanyang mithiin, kailangang sabihin ko sa inyo na ako ang ikalawa sa anim na magkakapatid at ang pangalan ko ay Brett. Gamit ang pulang tinta, isinulat ni inay ang nag-iisang mithiin: “Magpasensya kay Brett!”
Para matulungan kayong mas maunawaan ang hamon na hinarap ng aking mga magulang sa pagtataguyod ng aming pamilya, hayaan ninyong ilahad ko sa inyo ang aming pagbabasa ng mga banal na kasulatan bilang pamilya. Tuwing umaga, binabasahan kami ni inay ng Aklat ni Mormon habang nag-aagahan. Sa mga oras na ito, ako at ang nakatatanda kong kapatid na si Dave ay nauupo ngunit naglilikot. Sa totoo lang, hindi kami nakikinig. Binabasa namin ang nakasulat sa kahon ng cereals.
Sa wakas, isang umaga, nagpasiya akong harapin si inay. Ibinulalas ko, “Inay, bakit po ninyo ito ginagawa sa amin? Bakit po ninyo binabasa ang Aklat ni Mormon kada umaga?” Pagkatapos ay sinabi ko ang isang bagay na nahihiya akong aminin na nasabi ko. Sa katunayan, hindi ako makapaniwalang nasabi ko ito. Sinabi ko sa kanya, “Inay, hindi po ako nakikinig!”
Ang mapagmahal niyang tugon ang nagpabago sa aking buhay. Sinabi niya, “Anak, nasa miting ako kung saan itinuro ni Pangulong Marion G. Romney ang tungkol sa pagpapala ng pagbabasa ng mga banal na kasulatan. Sa miting na iyon, nakatanggap ako ng pangako na kung babasahan ko ng Aklat ni Mormon ang aking mga anak araw-araw, hindi sila mawawala sa akin.” Tinitigan niya ang aking mga mata at sinabi nang may lubos na pagpupunyagi, “At hindi ko hahayaang mawala ka sa akin!”
Tumimo sa puso ko ang sinabi niya. Sa kabila ng aking mga pagkakamali, mahalagang iligtas ako! Itinuro niya sa akin ang walang hanggang katotohanan na ako ay anak ng isang mapagmahal na Ama sa Langit. Nalaman ko na kahit ano man ang mangyari, mahalaga ako. Perpektong sandali ito para sa isang hindi perpektong batang lalaki.
Walang katapusan ang aking pagpapasalamat sa anghel kong ina at sa lahat ng mga anghel na nagmamahal sa mga bata sa perpektong paraan kahit na hindi sila perpekto. Matibay ang aking paniniwala na ang lahat ng mga kapatid na babae—tatawagin ko silang “mga anghel”—ay mga ina sa Sion, may-asawa man sila o wala, o nagkaanak man o hindi sa buhay na ito.
Ilang taon na ang nakalipas ay inihayag ng Unang Panguluhan: “Ang pagiging ina ay malapit sa kabanalan. Ito ang pinakamataas at pinakabanal na paglilingkod na magagawa ng sangkatauhan. Ang babaing gumagalang sa banal na tungkulin at paglilingkod na ito ay pumapangalawa sa mga anghel.”1
Nagpapasalamat ako sa mga anghel sa buong Simbahan na matapang at mapagmahal na inihahayag ang walang hanggang katotohanan sa mga anak ng Ama sa Langit.
Nagpapasalamat ako sa regalo o kaloob na Aklat ni Mormon. Alam kong ito ay totoo! Naglalaman ito ng kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Wala akong kilala na masipag magbasa ng Aklat ni Mormon araw-araw nang may malinis na layunin at may pananampalataya kay Cristo na nawalan ng patotoo o naligaw. Nakapaloob sa pangako ng propetang si Moroni ang susi kung paano malaman ang katotohanan ng lahat ng bagay—kabilang na ang kakayahan na mahiwatigan at maiwasan ang mga panlilinlang ng kaaway. (Tingnan sa Moroni 10:4–5.)
Nagpapasalamat din ako para sa isang mapagmahal na Ama sa Langit at para sa Kanyang Anak na si Jesucristo. Ibinigay ng Tagapagligtas ang perpektong halimbawa kung paano mamuhay sa hindi perpekto at hindi patas na mundo. “Tayo’y nagsisiibig, sapagka’t siya’y unang umibig sa atin” (1 Juan 4:19). Di-masusukat ang Kanyang pag-ibig sa atin. Siya ang ating pinaka-totoong kaibigan. Ang Kanyang pawis ay “naging gaya ng malalaking patak ng dugo” para sa inyo at para rin sa akin (Lucas 22:44). Pinatawad Niya ang mga tila hindi mapapatawad. Minahal niya ang mga mahirap mahalin. Ginawa Niya ang hindi magagawa ng kahit sinong tao: isinagawa Niya ang Pagbabayad-sala para mapagtagumpayan ang mga kasalanan, pasakit, at mga karamdaman ng buong sangkatauhan.
Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, maaari tayong mabuhay sa pangakong kahit ano man ang ating mga pagsubok, magkakaroon tayo palagi ng pag-asa sa Kanya, “na makapangyarihang magligtas” (2 Nephi 31:19). Dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala, maaari tayong magkaroon ng kagalakan, kapayapaan, kaligayahan, at buhay na walang hanggan.
Inihayag ni Pangulong Boyd K. Packer: “Maliban sa iilan na tumalikod tungo sa kapahamakan, walang gawi, walang adiksyon, walang rebelyon, walang paglabag, walang apostasiya, walang krimen na hindi sakop ng ipinangakong lubusang kapatawaran. Iyan ang pangako ng pagbabayad-sala ni Cristo.”2
Isa sa mga pinakapambihirang naganap sa kasaysayan ng tao ay ang pagdalaw ng Tagapagligtas para magministeryo sa mga nanirahan noong unang panahon sa Amerika. Ilarawan sa inyong isip kung ano kaya ang pakiramdam nang nandoon. Sa pag-iisip ko nang mabuti sa Kanyang mapagmahal at magiliw na pag-aalaga sa pangkat ng mga Banal na iyon na nagtipon sa templo, inisip kong mabuti ang bawat bata na mahal ko nang higit pa sa buhay mismo. Sinubukan kong isipin kung ano ang mararamdaman ko kung makita ko ang mga bata, at personal na masaksihan na inaanyayahan ng Tagapagligtas ang bawat bata na lumapit sa Kanya, at makitang nakaunat ang mga bisig ng Tagapagligtas, nakatayo habang ang bawat bata ay isa-isa at marahang hinipo ang mga pilat sa Kanyang mga kamay at paa, at pagkatapos ay makita ang bawat isa sa kanila na tumayo at magpatotoo na Siya ay buhay! (Tingnan sa 3 Nephi 11:14–17; tingnan din sa 17:21; 18:25.) Ang makita ang ating mga anak na lumingon at magsabing, “Inay, itay, Siya po ito!”
Hindi ko alam kung mayroong bagay sa mundong ito na makapagdadala ng kaligayahan at kagalakan na hihigit pa kaysa sa malaman na kilala ng ating mga anak ang Tagapagligtas, ang malaman na alam nila “kung kanino sila aasa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.” Iyan ang dahilan kung bakit bilang mga miyembro ng Simbahan ay “nangangaral tayo tungkol kay Cristo” at nagpapatotoo tayo tungkol kay Cristo (2 Nephi 25:26).
-
Iyan ang dahilan kung bakit tayo nananalangin kasama ng ating mga anak araw-araw.
-
Iyan ang dahilan kung bakit tayo nagbabasa ng mga banal na kasulatan kasama nila araw-araw.
-
Iyan ang dahilan kung bakit tinuturuan natin ang ating mga anak na maglingkod sa iba, upang matanggap nila ang mga pagpapala ng pagliligtas sa kanilang sarili kapag ibinigay nila ang kanilang sarili sa paglilingkod sa iba (tingnan sa Marcos 8:35; Mosias 2:17).
Habang inilalaan natin ang ating sarili sa simpleng huwarang ito ng pagkadisipulo, pinalalakas natin ang ating mga anak dahil sa pagmamahal ng Tagapagligtas at sa banal na patnubay at proteksyon sa pagharap nila sa matitinding tukso ng kaaway.
Ang ebanghelyo ay tunay na tungkol sa bawat isa. Ito ay tungkol sa nawawalang tupa (tingnan sa Lucas 15:3–7); ito ay tungkol sa babaeng Samaritana sa may balon (tingnan sa Juan 4:5–30); ito ay tungkol sa alibughang anak (tingnan sa Lucas 15:11–32).
Ito ay tungkol sa isang batang lalaki na maaaring nagsasabi na hindi siya nakikinig.
Ito ay tungkol sa bawat isa sa atin na bagaman hindi perpekto ay nagiging kaisa ng Tagapagligtas katulad ng pakikiisa Niya sa Kanyang Ama (tingnan sa Juan 17:21).
Pinatototohanan ko na tayo ay may mapagmahal na Ama sa Langit na kilala tayo sa ating pangalan! Pinatototohanan ko na si Jesucristo ang buhay na Anak ng buhay na Diyos. Siya ang Bugtong na Anak at ang ating Tagapamagitan sa Ama. Pinatototohanan ko rin na ang kaligtasan ay nagmumula sa Kanya at sa Kanyang pangalan—at wala nang iba pang paraan.
Dalangin ko na ilalaan natin ang ating mga puso at mga kamay sa pagtulong sa lahat ng mga anak ng Ama sa Langit na makilala Siya at madama ang Kanyang pagmamahal. Kapag ginawa natin ito, ipinapangako Niya sa atin ang walang hanggang kagalakan at kaligayahan sa buhay na ito at sa kabilang-buhay. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.