Maging Masigasig para kay Cristo
Masigasig tayo para kay Cristo kapag tayo ay naglilingkod nang tapat, mapagpakumbabang tumatanggap, marangal na nagtitiis, taimtim na nananalangin, at karapat-dapat na nakikibahagi sa sakramento.
Mahal kong mga kapatid, magsasalita ako ngayon sa mga kabataan ng Simbahan pati na rin sa ating masisipag na missionary. Magiliw ko ring inaanyayahan ang mga mas nakatatanda na makinig.
Noong Agosto 21, inilaan ni Pangulong Russell M. Nelson ang magandang Sapporo Temple—ang ikatlong templo sa Japan. Ang Sapporo Temple ay itinayo sa hilagang Japan sa isang lugar na tinatawag na Hokkaido. Tulad sa Utah, nanirahan sa Hokkaido ang masisipag at masisikap na pioneer.
Noong 1876, inanyayahan ang isang kilalang educator na nagngangalang Dr. William Clark1 na magpunta sa Hokkaido upang magturo. Siya ay nanirahan sa Japan nang walong buwan lamang, ngunit ang kanyang ugaling Kristiyano ay nag-iwan ng panghabambuhay na impresyon sa kanyang mga kabataang estudyante na hindi Kristiyano. Bago umalis, binigyan niya ang kanyang mga estudyante ng isang mensahe ng pamamaalam na napanatili sa tansong estatwang ito.2 Sinabi niya, “Mga bata, maging masigasig!”—“Maging masigasig para kay Cristo.”3 Ang kanyang payo na “maging masigasig para kay Cristo” ay gagabay araw-araw sa mga pasiya ng mga Banal sa mga Huling Araw sa panahong ito.
Ano ang ibig sabihin ng “maging masigasig para kay Cristo”? Ang pagiging masigasig para kay Cristo ay nangangahulugang pagiging masikap, nakatuon, at tapat sa Kanyang gawain. Ang pagiging masigasig para kay Cristo ay bihirang mangahulugan na mapipili tayong parangalan ng publiko. Ang pagiging masigasig para kay Cristo ay nangangahulugang naglilingkod tayo nang tapat at nang buong sipag sa ating ward at branch nang walang reklamo at nang may masayang puso.
Ang mga missionary natin na naglilingkod sa iba’t ibang dako ng mundo ay magandang halimbawa ng mga taong tunay na masigasig para kay Cristo. Ilang taon na ang nakalipas, kami ni Sister Yamashita ay naglingkod sa Japan Nagoya Mission. Ang aming mga missionary ay napakamasigasig para kay Cristo. Isa sa mga missionary na ito ay isang binatang nagngangalang Elder Cowan.
Naputol ang kanang binti ni Elder Cowan sa isang aksidente sa bisikleta noong siya ay bata pa. Pagkaraan ng ilang linggo sa mission, nakatanggap ako ng tawag sa telepono mula sa kanyang kompanyon. Nasira ang prosthetic leg ni Elder Cowan habang siya ay nagbibisikleta. Dinala namin siya sa mahusay na pasilidad na mag-aayos nito, at doon sa pribadong silid, nakita ko ang kanyang binti sa unang pagkakataon. Nalaman ko kung gaano kasakit ang nadarama niya. Naayos ang kanyang prosthetic leg, at bumalik na siya sa kanyang area.
Gayunman, sa pagdaan ng mga linggo, paulit-ulit na nasira ang kanyang prosthetic leg. Inirekomenda ng area medical adviser na pauwiin si Elder Cowan para sa posibleng mission reassignment. Hindi ako pumayag sa mungkahing ito dahil si Elder Cowan ay isang mahusay na missionary, at gustung-gusto niyang manatili sa Japan. Unti-unti, halos nasasagad na ang pisikal na lakas ni Elder Cowan. Sa kabila nito, hindi siya nagreklamo.
Muling iminungkahi sa akin na pahintulutan si Elder Cowan na maglingkod sa isang lugar na hindi niya kakailanganing magbisikleta. Pinag-isipan kong mabuti ang sitwasyong ito. Inisip kong mabuti si Elder Cowan at ang kanyang kinabukasan, at nanalangin para dito. Nakadama ako ng impresyon, oo, dapat pauwiin si Elder Cowan at maghintay ng reassignment. Tinawagan ko siya sa telepono at ipinahayag ang aking pagmamahal at malasakit at sinabi sa kanya ang aking desisyon. Wala siyang sinabing anuman. Ang narinig ko lang ay ang kanyang pag-iyak. Sinabi ko, “Elder Cowan, huwag mo muna akong sagutin ngayon. Tatawagan kita bukas. Pag-isipan mo ang rekomendasyon ko nang may taimtim na panalangin.”
Nang tawagan ko siya kinabukasan, mapagkumbaba niyang sinabi na susundin niya ang payo ko.
Sa huling interbyu ko sa kanya, ganito ang itinanong ko sa kanya: “Elder Cowan, inilagay mo ba sa iyong missionary application na ipadala ka sa mission na hindi mo kailangang magbisikleta?”
Sinabi niya, “Opo, President, inilagay ko po.”
Sumagot ako, “Elder Cowan, tinawag ka sa Japan Nagoya Mission kung saan kinakailangang magbisikleta ka. Sinabi mo ba ito sa iyong stake president?”
Nagulat ako sa sagot niya. Sinabi niya, “Hindi po, hindi ko po sinabi. Naisip ko po na kung sa mission na iyan ako tinawag ng Panginoon, pupunta ako sa gym at palalakasin ang aking katawan para makapagbisikleta.”
Sa pagtatapos ng pag-uusap namin, itinanong niya ito nang may luha sa kanyang mga mata, “President Yamashita, bakit ako natawag sa Japan? Bakit ako narito?”
Sinagot ko siya nang walang pag-aatubili, “Elder Cowan, alam ko ang isang dahilan kung bakit ka narito. Nandito ka para makatulong sa akin. Nalaman ko na kahanga-hanga ang isang binatang nakasama ko sa paglilingkod. Mapalad ako at nakilala kita.”
Masaya kong ibinabalita na nakauwi si Elder Cowan at na-reassign sa isang mission kung saan ang gamit niya ay isang sasakyan. Ipinagmamalaki ko hindi lamang si Elder Cowan kundi pati ang lahat ng missionary sa iba’t ibang dako ng mundo na handang maglingkod nang hindi nagrereklamo. Salamat, mga elder at mga sister, sa inyong pananampalataya, katapatan, at inyong matinding pagsusumigasig para kay Jesucristo.
Ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng maraming salaysay tungkol sa mga taong masigasig para kay Cristo. Si Nakababatang Alma noong kanyang kabataan ay inusig ang Simbahan at mga miyembro nito. Kalaunan ay nagkaroon siya ng malaking pagbabago sa kanyang puso at naglingkod bilang isang napakahusay na missionary. Humingi siya ng patnubay sa Panginoon, at napagpala niya ang kanyang mga kasama habang naglilingkod siyang kasama nila. Pinalakas siya ng Panginoon at nakayanan ang mga pagsubok na naranasan niya.
Ganito ang ipinayo ni Alma sa kanyang anak na si Helaman:
“Sino man ang magbibigay ng kanyang tiwala sa Diyos ay tutulungan sa kanilang mga pagsubok, at kanilang mga suliranin, at kanilang mga paghihirap. …
“… Sumunod sa mga kautusan ng Diyos. …
“Makipagsanggunian sa Panginoon sa lahat ng iyong mga gawain, at gagabayan ka niya sa kabutihan.”4
Ang aming pangalawang anak ay namuhay nang malayo sa Simbahan noong kanyang kabataan. Nang siya ay 20 taong gulang na, may naranasan siya na naghikayat sa kanya na baguhin ang kanyang buhay. Dahil sa pagmamahal, mga panalangin, at tulong mula sa kanyang pamilya at mga miyembro ng Simbahan, at higit sa lahat dahil sa awa at biyaya ng Panginoon, bumalik siya sa Simbahan.
Kalaunan ay tinawag siyang maglingkod sa Washington Seattle Mission. Noong una ay nakadama siya ng matinding panghihina ng loob. Gabi-gabi sa loob ng unang tatlong buwan, papasok siya sa banyo at iiyak. Tulad ni Elder Cowan, hinangad niyang makaunawa, “Bakit ako narito?”
Pagkaraan ng isang taon na paglilingkod niya, nakatanggap kami ng email na sagot sa aming mga panalangin. Isinulat niya: “Ngayon ay talagang nadarama ko ang pagmamahal ng Diyos at ni Jesus. Magsisikap akong mabuti na maging katulad ng mga propeta noon. Bagama’t marami din akong nararanasang hirap, talagang masaya ako. Ang paglilingkod kay Jesus ay pinakamasaya sa lahat. Wala nang mas sasaya pa kaysa rito. Napakasaya ko.”
Nadama niya ang nadama ni Alma: “At o, anong galak, at anong kagila-gilalas na liwanag ang namasdan ko; oo, ang kaluluwa ko’y napuspos ng kagalakan na kasingsidhi ng aking pasakit!”5
Sa ating buhay, dumaranas tayo ng mga pagsubok, ngunit kung tayo ay masigasig para kay Cristo, nakapagtutuon tayo sa Kanya at makadarama ng kagalakan sa gitna ng mga pagsubok. Ang ating Manunubos ang pinakamagandang halimbawa. Naunawaan Niya ang Kanyang banal na misyon at naging masunurin sa kalooban ng Diyos Ama. Napakalaking pagpapala ang alalahanin ang Kanyang kahanga-hangang halimbawa kapag tumatanggap tayo ng sakramento bawat linggo.
Mahal kong mga kapatid, masigasig tayo para kay Cristo kapag tayo ay naglilingkod nang tapat, mapagpakumbabang tumatanggap, marangal na nagtitiis, taimtim na nananalangin, at karapat-dapat na nakikibahagi sa sakramento.
Nawa’y maging masigasig tayo para kay Cristo sa pagharap natin sa ating mga paghihirap at pagsubok nang may pagtitiis at pananampalataya at makadama ng kagalakan sa paggawa at pagtupad natin sa ating mga tipan.
Pinatototohanan ko na kilala kayo ng Panginoon. Alam Niya ang inyong mga paghihirap at pangamba. Alam Niya ang inyong pagnanais na paglingkuran Siya nang buong tapat at, oo, maging nang may pagsusumigasig. Nawa’y gabayan at pagpalain Niya kayo sa paggawa nito. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.