2016
Upang Siya ay Maging Malakas Din
November 2016


Upang Siya ay Maging Malakas Din

Ipinagdarasal ko na tuparin natin ang ating tungkuling tulungan ang iba upang maihanda sila para sa kanilang maluwalhating paglilingkod.

Napakapalad kong makadalo sa pulong na ito kasama ang mga maytaglay ng priesthood ng Diyos. Ang katapatan, pananampalataya, at di-makasariling paglilingkod ng lupong ito ng kalalakihan at kabataang lalaki ay isang makabagong himala. Nangungusap ako ngayong gabi sa mga maytaglay ng priesthood, matanda at bata, na nagkakaisa sa buong-pusong paglilingkod sa Panginoong Jesucristo.

Ipinagkakaloob ng Panginoon ang Kanyang kapangyarihan sa lahat ng may katungkulan sa priesthood na naglilingkod nang karapat-dapat sa kanilang mga tungkulin sa priesthood.

Inilarawan ni Wilford Woodruff, noong siya ang Pangulo ng Simbahan, ang kanyang karanasan sa mga katungkulan ng priesthood:

“Napakinggan ko ang pinakaunang sermon na aking narinig sa Simbahang ito. Kinabukasan ay nabinyagan ako. … Inorden akong Teacher. Nagsimula kaagad ang aking misyon. … Naglingkod ako sa buong misyong iyon bilang Teacher. … Sa kumperensya ay inorden ako bilang Priest. … Nang maorden na ako bilang Priest ipinadala ako … sa isang misyon sa katimugang bansa. Taglagas noon ng 1834. May kasama akong kompanyon noon, at nagsimula kami na walang dalang pera at pagkain. Mag-isa akong naglakbay nang maraming milya at nagturo ng Ebanghelyo, at marami akong nabinyagan na hindi ko makumpirma sa Simbahan, dahil Priest lang ako. … Matagal-tagal din akong naglakbay at nagturo ng Ebanghelyo bago ako naorden bilang Elder. …

“[Ngayon] mga limampu’t apat na taon na akong miyembro ng Labindalawang Apostol. Animnapung taon na akong naglalakbay na kasama nila at ng iba pang mga korum; at nais kong sabihin sa kapulungang ito na sinang-ayunan ako sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos habang nasa katungkulan ako ng isang Teacher, at lalo na habang nanunungkulan ako sa Simbahan bilang Priest, na tulad noong sang-ayunan ako bilang Apostol. Walang pagkakaiba rito basta’t ginagawa natin ang ating tungkulin.”1

Ang kahanga-hangang espirituwal na posibilidad na iyon na walang ipinagkaiba ay ipinahiwatig sa paglalarawan ng Panginoon sa Aaronic Priesthood bilang “karagdagan” sa Melchizedek Priesthood.2 Ang ibig sabihin ng salitang karagdagan ay konektado ang dalawa. Ang koneksyong ito ay mahalaga sa pagiging puwersa at pagpapala ng priesthood, sa daigdig na ito at magpakailanman, sapagkat ito’y “walang simula ng mga araw o katapusan ng mga taon.”3

Simple lang ang koneksyon. Inihahanda ng Aaronic Priesthood ang mga kabataang lalaki para sa mas sagradong pagtitiwala.

“Ang kapangyarihan at karapatan ng nakatataas, o Pagkasaserdoteng Melquisedec, ay humawak ng mga susi ng lahat ng pagpapalang espirituwal ng simbahan—

“Upang magkaroon ng pribilehiyong matanggap ang mga hiwaga ng kaharian ng langit, upang mabuksan ang langit sa kanila, upang makipag-usap sa pangkalahatang pagpupulong at simbahan ng Panganay, at upang ikalugod ang pakikipag-usap at pagharap ng Diyos Ama, at ni Jesus, ang tagapamagitan ng bagong tipan.”4

Ang mga susing iyon ng priesthood ay lubos na nagagamit ng iisang lalaki lamang sa bawat pagkakataon, ang Pangulo at namumunong high priest ng Simbahan ng Panginoon. Pagkatapos, ayon sa delegasyon ng Pangulo, bawat lalaking maytaglay ng Melchizedek Priesthood ay maaaring bigyan ng awtoridad at pribilehiyong magsalita at kumilos sa ngalan ng Maykapal. Walang hanggan ang kapangyarihang iyon. May kinalaman ito sa buhay at kamatayan, sa pamilya at sa Simbahan, sa dakilang pagkatao ng Diyos mismo at sa Kanyang walang-hanggang gawain.

Inihahanda ng Panginoon ang maytaglay ng Aaronic Priesthood para maging elder na naglilingkod nang may pananampalataya, kapangyarihan, at pasasalamat sa maluwalhating Melchizedek Priesthood na iyon.

Para sa mga elder, mahalaga ang taimtim na pasasalamat para magampanan ang inyong bahagi sa lubos na paglilingkod sa priesthood. Maaalala ninyo noong kayo ay isang deacon, teacher, o priest kung kailan tinulungan at hinikayat kayo ng mga maytaglay ng mas mataas na priesthood sa inyong paglilingkod sa priesthood.

Bawat maytaglay ng Melchizedek Priesthood ay may gayong mga alaala, ngunit maaaring nabawasan na ang diwa ng pasasalamat sa pagdaan ng mga taon. Umaasa ako na mapag-aalab na muli ang damdaming iyon at kasabay nito ang determinasyong ibigay rin sa lahat ng kaya ninyong tulungan ang tulong na minsan ninyong natanggap.

Naaalala ko ang isang bishop na itinuring ako na para bang naabot ko na ang aking potensyal sa kapangyarihan ng priesthood. Tinawag niya ako isang araw ng Linggo noong priest pa ako. Kailangan ko raw siyang samahan sa pagbisita sa ilang miyembro ng aming ward. Parang sinabi niya na ako lang ang pag-asa niya para magtagumpay. Hindi niya ako kailangan. Mahusay ang mga counselor niya sa bishopric.

Binisita namin ang isang maralita at nagugutom na balo. Nais niyang tulungan ko siya na maantig ang puso ng balo, hamunin o sabihan itong magbadyet, at ipangako sa kanya na makakaahon siya hindi lamang upang mapangalagaan ang kanyang sarili kundi upang tulungan din ang iba.

Sumunod naming pinuntahan ang dalawang batang babae para aliwin sa mahirap nilang sitwasyon. Habang paalis kami, mahinang sinabi sa akin ng bishop, “Hindi malilimutan ng mga batang iyon na binisita natin sila.”

Sa sumunod na bahay, nakita ko kung paano anyayahan ang isang di-aktibong lalaki na bumalik sa Panginoon sa pamamagitan ng pagkumbinsi sa kanya na kailangan siya ng mga miyembro ng ward.

Ang bishop na iyon ay isang maytaglay ng Melchizedek Priesthood na tumutulong sa akin na matanto ang aking potensyal at binibigyan ako ng inspirasyon sa pamamagitan ng kanyang halimbawa. Tinuruan niya akong magkaroon ng lakas at ng tapang na pumunta kahit saan sa paglilingkod sa Panginoon. Matagal na siyang pumanaw para tanggapin ang kanyang gantimpala, ngunit naaalala ko pa rin siya dahil tinulungan niya akong umangat noong wala pa akong karanasan bilang maytaglay ng Aaronic Priesthood. Nalaman ko kalaunan na nakinita niya na magkakaroon ako ng mas malalaking responsibilidad sa hinaharap, na hindi ko pa naiisip noon.

Gayon din ang ginawa ng aking ama para sa akin. Siya ay isang mahusay at matalinong maytaglay ng Melchizedek Priesthood. Minsa’y hinilingan siya ng isang Apostol na sumulat ng maikling tala tungkol sa ebidensya ng siyensya sa edad ng mundo. Maingat niya itong isinulat, batid na ilan sa makakabasa nito ay may matinding paninindigan na mas bata ang mundo kaysa iminumungkahi ng ebidensya ng siyensya.

Naaalala ko pa nang iabot sa akin ng aking ama ang isinulat niya at sinabi sa akin, “Hal, may espirituwal na kaalaman ka para malaman kung dapat kong ipadala ito sa mga apostol at propeta.” Hindi ko maalala kung ano ang nakasulat sa papel, ngunit lagi kong pasasalamatan ang magiting na maytaglay ng Melchizedek Priesthood na nakakita sa aking espirituwal na karunungan na hindi ko nakikita.

Isang gabi, pagkaraan ng ilang taon, matapos akong maorden bilang Apostol, tinawag ako ng propeta ng Diyos at hinilingang basahin ang isang bagay na naisulat tungkol sa doktrina ng Simbahan. Ginugol niya ang gabi sa pagbabasa ng mga kabanata ng isang aklat. Natatawang sinabi niya, “Hindi ko matapos ang pagbabasa nito. Hindi ka dapat magpahinga habang nagtatrabaho ako.” At pagkatapos ay ginamit niya ang lahat halos ng salitang ginamit ng aking ama maraming taon na ang nakalilipas: “Hal, ikaw dapat ang magbasa nito. Malalaman mo kung tama ngang ilathala ito.”

Ang parehong huwarang iyon ng isang maytaglay ng Melchizedek Priesthood sa pagpapakita ng potensyal ng isang tao at pagbibigay ng tiwala ay dumating isang gabi sa isang speech festival na itinaguyod ng Simbahan. Sa edad na 17, hinilingan akong magsalita sa harap ng maraming tao. Wala akong ideya kung ano ang inaasahan sa akin. Hindi ako binigyan ng paksa, kaya’t naghanda ako ng isang talumpati na lampas pa sa nalalaman ko tungkol sa ebanghelyo. Habang nagsasalita ako, natanto ko na nagkamali ako. Naaalala ko pa na pagkatapos kong magsalita, pakiramdam ko ay bigo ako.

Ang sumunod at huling tagapagsalita ay si Elder Matthew Cowley ng Korum ng Labindalawang Apostol. Isa siyang magaling na tagapagsalita—mahal na mahal ng buong Simbahan. Naaalala ko pa na nakatingala ako sa kanya mula sa upuan ko sa tabi ng plataporma.

Nagsimula siyang magsalita sa isang makapangyarihang tinig. Ang talumpati ko raw ay nagpadama sa kanya na nasa isang magandang kumperensya siya. Nakangiti siya nang sabihin niya ito. Napawi ang kabiguang nadama ko at napalitan ng tiwala na balang-araw ay maging katulad ako ng inaakala niya sa akin noon.

Inaakay pa rin ako ng alaala ng gabing iyon na makinig na mabuti kapag nagsasalita ang isang maytaglay ng Aaronic Priesthood. Dahil sa ginawa ni Elder Cowley para sa akin, lagi kong inaasahan na maririnig ko ang salita ng Diyos. Bihira akong madismaya at madalas akong mamangha, at hindi ko mapigilang ngumiti na tulad ni Elder Cowley.

Maraming bagay na maaaring magpalakas sa ating nakababatang mga kapatid na umunlad sa priesthood, ngunit wala nang mas mabisa pa kaysa tulungan natin silang magkaroon ng pananampalataya at tiwala na makaaasa sila sa kapangyarihan ng Diyos sa paglilingkod nila sa priesthood.

Hindi mananatili sa kanila ang pananampalataya at tiwalang iyon mula sa iisang karanasan na natulungan sila kahit ng pinakamagaling na maytaglay ng Melchizedek Priesthood. Ang kakayahang umasa sa mga kapangyarihang iyon ay kailangang linangin sa pamamagitan ng maraming pagpapakita ng tiwala ng mga taong mas maraming karanasan sa priesthood.

Kakailanganin din ng mga maytaglay ng Aaronic Priesthood ang araw-araw at kahit oras-oras na panghihikayat at pagwawasto ng Panginoon mismo sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Mapapasakanila ito kapag pinili nilang manatiling karapat-dapat dito. Depende ito sa mga pagpapasiyang gagawin nila.

Kaya nga kailangan tayong magturo sa pamamagitan ng halimbawa at patotoo na ang mga sinabi ng dakilang pinuno ng Melchizedek Priesthood na si Haring Benjamin ay totoo.5 Ito ay mga salita ng pagmamahal na sinambit sa ngalan ng Panginoon, na nagmamay-ari ng priesthood na ito. Itinuro ni Haring Benjamin kung ano ang kailangan nating gawin upang manatiling dalisay na sapat upang tumanggap ng panghihikayat at pagwawasto ng Panginoon:

“At sa huli, hindi ko masasabi sa inyo ang lahat ng bagay kung saan kayo ay maaaring magkasala; sapagkat maraming magkakaibang daan at mga paraan, na lubhang napakarami kung kaya’t hindi ko na yaon magagawang bilangin.

“Ngunit ito lamang ang masasabi ko sa inyo, na kung hindi ninyo babantayan ang inyong sarili, at ang inyong mga isipan, at ang inyong mga salita, at ang inyong mga gawa, at susunod sa mga kautusan ng Diyos, at magpapatuloy sa pananampalataya sa inyong mga narinig hinggil sa pagparito ng ating Panginoon, maging hanggang sa katapusan ng inyong mga buhay, kayo ay tiyak na masasawi. At ngayon, O tao, pakatandaan at nang huwag masawi.”6

Batid nating lahat ang nagniningas na mga suligi ng kaaway ng katuwiran na ipinadadala na parang nakakatakot na hangin laban sa mga kabataang maytaglay ng priesthood na mahal na mahal natin. Para sa atin, tila para silang mga kabataang mandirigma, na tinawag ang kanilang sarili na mga anak ni Helaman. Makaliligtas sila, tulad ng mga kabataang mandirigmang iyon, kung pananatilihin nilang ligtas ang kanilang sarili, tulad ng ipinakiusap ni Haring Benjamin na gawin nila.

Hindi nagduda ang mga anak na lalaki ni Helaman. Matapang silang lumaban at nanaig sa mga mananakop dahil naniwala sila sa mga sinabi ng kanilang ina.7 Nauunawaan natin ang kapangyarihan ng pananampalataya ng isang mapagmahal na ina. Malaking tulong ang ibinibigay ng mga ina sa kanilang mga anak na lalaki ngayon. Tayong mga maytaglay ng priesthood ay maaari at kailangang dagdagan ang suportang iyon gamit ng ating determinasyong sundin ang utos na kapag nagbalik-loob na tayo, dapat tayong tumulong na mapalakas ang ating mga kapatid.8

Dalangin ko na tanggapin ng bawat maytaglay ng Melchizedek Priesthood ang pagkakataong inialok ng Panginoon:

“At kung sinuman sa inyo ang malakas sa Espiritu, isama niya siya na mahina, upang siya ay maliwanagan sa buong kaamuan, upang siya ay maging malakas din.

“Kaya nga, isama ninyo yaong inordenan sa nakabababang pagkasaserdote, at isugo sila sa harapan ninyo upang gumawa ng mga tipanan at upang ihanda ang daan, at upang gampanan ang mga tipanan, na hindi ninyo kayang gampanan.

“Masdan, ito ang pamamaraan kung paano ang aking mga apostol, noong unang panahon, ay itinayo ang aking simbahan para sa akin.”9

Kayong mga lider ng priesthood at ama ng mga maytaglay ng Aaronic Priesthood ay makakagawa ng mga himala. Maaari ninyong tulungan ang Panginoon na punan ang hanay ng matatapat na elder ng mga kabataang lalaking tumanggap sa tawag na ipangaral ang ebanghelyo at gawin ito nang may tiwala. Makikita ninyo ang maraming natulungan at nahikayat ninyong manatiling tapat, makasal nang marapat sa templo, at dahil doon ay matulungan at maihanda ang iba.

Hindi na kailangan ng mga bagong aktibidad, pinaghusay na mga materyal sa pagtuturo, o mas magandang social media. Hindi na kailangan ng anumang tungkuling higit pa sa taglay ninyo ngayon. Ang sumpa at tipan ng priesthood ay nagbibigay sa inyo ng kapangyarihan, awtoridad, at patnubay. Dalangin ko na umuwi kayo at pag-aralang mabuti ang sumpa at tipan ng priesthood, na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 84.

Umaasa tayong lahat na mas marami pang kabataang lalaki ang magkakaroon ng mga karanasang katulad ni Wilford Woodruff, na bilang maytaglay ng Aaronic Priesthood ay itinuro ang ebanghelyo ni Jesucristo na may nagpapabalik-loob na kapangyarihan.

Dalangin ko na tuparin natin ang ating tungkuling tulungan ang iba upang maihanda sila para sa kanilang maluwalhating paglilingkod. Buong puso kong pinasasalamatan ang kamangha-manghang mga taong tumulong at nagpakita sa akin kung paano magmahal at tumulong sa iba.

Pinatototohanan ko na hawak ni Pangulong Thomas S. Monson ang lahat ng susi ng priesthood sa lupa sa panahong ito. Pinatototohanan ko na siya, sa habambuhay na paglilingkod, ay naging isang halimbawa sa ating lahat sa pagtulong sa iba bilang maytaglay ng Melchizedek Priesthood. Personal akong nagpapasalamat sa paraan ng pagtulong niya sa akin at ipinakita niya sa akin kung paano tulungan ang iba.

Ang Diyos Ama ay buhay. Si Jesus ang Cristo. Ito ang Kanyang Simbahan at kaharian. Ito ang Kanyang priesthood. Alam ko ito sa aking sarili sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.