Papahirin ng Diyos ang Lahat ng mga Luha
Kapag tayo ay nanampalataya sa Tagapagligtas, itataas Niya tayo at tutulungan sa lahat ng ating mga pagsubok, at sa huli, dadalhin at ililigtas tayo sa kahariang selestiyal.
Bilang bahagi ng plano ng Ama sa Langit, itinulot Niya na makaranas tayo ng kalungkutan sa ating buhay sa mundo.1 Kahit tila magkakaiba ang mga pagsubok na nararanasan natin, matitiyak natin na sa anumang antas, lahat tayo ay nagdurusa at naghihirap. Dalangin ko na gabayan tayo ng Banal na Espiritu para mas maunawaan natin kung bakit dapat mangyari ang ganito.
Kapag inunawa natin ang mga paghihirap sa buhay nang may pananampalataya kay Cristo, makikita natin na may mabuting layunin sa ating pagdurusa. Ang matatapat ay mararanasan ang katotohanan sa tila magkasalungat na payo ni Pedro. Isinulat niya, “Kung mangagbata kayo ng dahil sa katuwiran ay mapapalad kayo.”2 Kapag ginamit natin ang ating “puso sa pang-unawa,”3 madaragdagan ang ating kakayahan na makayanang mabuti ang mga pagsubok sa ating buhay at matuto mula sa mga pagsubok na ito at mapadalisay nito. Ang pang-unawang ito ang nagbibigay ng kasagutan sa walang kamatayang tanong na “Bakit nangyayari ang masasamang bagay sa mabubuting tao?”
Bawat isang nakikinig ngayon ay nakararanas ng kalungkutan, kawalang pag-asa, pighati, o lumbay. Kung wala ang “mata ng pananampalataya”4 at pagkaunawa sa walang hanggang katotohanan, madalas ay nakikita natin na ang mga nararanasan nating paghihirap at pagdurusa sa buhay ay maaaring palabuin o tabunan ang walang hanggang katotohanan na ang dakilang plano ng Ama sa Langit ay talagang isang walang hanggang plano ng kaligayahan. Wala nang ibang paraan upang makamit ang kaganapan ng kagalakan.5
Ang Diyos ay nag-aanyaya sa atin na harapin nang may pananampalataya ang ating kani-kanyang paghihirap upang anihin natin ang mga pagpapala at matamo ang kaalaman na hindi matututuhan sa ibang paraan. Tinuruan tayo na sundin ang mga utos sa bawat kalagayan at sitwasyon dahil “siya na matapat sa kapighatian, ang gantimpala ng gaya niya ay mas dakila sa kaharian ng langit.”6 At mababasa natin sa banal na kasulatan, “Kung kayo ay malungkot, manawagan sa Panginoon ninyong Diyos nang may pagsusumamo, upang ang inyong mga kaluluwa ay mangagalak.”7
Si Apostol Pablo, na puno din ng kahirapan, ay ginamit ang kanyang sariling mga karanasan para maituro nang matindi at mainam ang walang hanggang pananaw na dumarating kapag matatag at matiyaga tayong nagtitiis. Sabi niya, “Sapagka’t ang aming magaang kapighatian, na sa isang sangdali lamang, ay siyang gumagawa sa amin ng lalo’t lalong bigat ng kaluwalhatiang walang hanggan.”8 Sa madaling salita, malalaman natin sa gitna ng ating mga paghihirap na nagbigay ang Diyos ng walang-hanggan at walang katumbas na gantimpala.
Ang kakayahan ni Pablo na sabihin na ang mga pagsubok, pag-uusig, at pighati sa kanyang buhay ay “magaang” na kapighatian ay taliwas sa tindi ng kanyang paghihirap, na para sa kanya ay nadaig ng walang hanggang pananaw ng ebanghelyo. Napagtitiisan ni Pablo ang lahat ng bagay dahil sa pananampalataya niya kay Jesucristo. Limang beses siyang nilatigo; tatlong beses na pinaghahampas; minsang pinagbabato; tatlong beses na nawasak ang sinasakyang barko; muntik nang mamatay dahil sa pagkalunod, sa mga kamay ng mga tulisan, at maging sa mga bulaang kapatid; nakaranas ng pagod at sakit, gutom at uhaw, at ikinulong sa malamig na piitan nang hubad.9
Marami sa atin ang nagsumamo sa Diyos na alisin ang sanhi ng ating paghihirap, at kung hindi dumating ang tulong na hinahangad natin, natutukso tayong isipin na hindi Siya nakikinig. Nagpapatotoo ako na, kahit sa ganoong mga sandali, dinirinig Niya ang ating mga dalangin, may dahilan para pahintulutan na magpatuloy ang mga paghihirap natin,10 at tutulungan tayong makayanan ang mga iyon.11
Sa isang matapat at mapanimdim na talata, sinasabi sa atin ni Pablo ang isang di-natukoy na “tinik” sa [kanyang] laman na nagdulot sa kanya ng matinding sakit at dahil dito ay tatlong beses siyang nanalangin, nagsusumamo sa Panginoon na alisin ito sa kanya. Bilang tugon sa panalangin ni Pablo, hindi inalis ng Diyos ang tinik kundi nagsalita ng kapayapaan at nagbigay ng pang-unawa sa kanyang puso, sinasabing, “Ang aking biyaya ay sapat na sa iyo: sapagka’t ang aking kapangyarihan ay nagiging sakdal sa kahinaan.” Dahil nakaunawa, natanggap ito ni Pablo at nagpasalamat sa tinik na ibinigay sa kanya. Sabi niya, “Kaya’t bagkus akong … magmamapuri na may malaking galak sa aking kahinaan upang manahan nawa sa akin ang kapangyarihan ni Cristo.”12
Sa pagtatamo ng walang hanggang pananaw na ito sa ating buhay, ang kakayahan nating magtiis ay nadaragdagan, natututuhan nating tulungan ang mga nangangailangan,13 at pinapahalagahan at pinasasalamatan pa ang mga karanasang ibinigay ng Diyos para turuan tayo sa landas tungo sa kawalang-hanggan.
Kapag nakararanas tayo ng paghihirap, maaaring mahirap na ituring ang ating mga pagsubok bilang mga pananda na nagtuturo sa atin sa tamang landas ng pagiging disipulo. Ngunit, matagpuan man natin ang ating mga sarili sa malungkot o masayang kalagayan, ang matuto at makadama ng habag sa mga nagdurusa ay isang pagpapala.
Sa isang asaynment sa stake conference kamakailan lang sa Pilipinas, nadurog ang aking puso nang malaman ko ang trahedyang naranasan ni Brother Daniel Apilado. Si Brother Apilado at ang kanyang asawa ay nabinyagan noong 1974. Tinanggap nila ang ipinanumbalik na ebanghelyo at pagkatapos ng dalawang taon ay ibinuklod sa templo. Pagkatapos nito, sila ay nabiyayaan ng limang magagandang anak. Noong Hulyo 7, 1997, sa panahong naglilingkod pa si Brother Apilado bilang stake president, nasunog ang kanilang munting tahanan. Ang panganay ni Brother Apilado na si Michael ang humila sa kanya palabas sa nasusunog na bahay para iligtas siya, at pagkatapos ay bumalik ito sa bahay para iligtas ang iba pa. Iyon ang huling pagkakataon na nakita ni Brother Apilado na buhay ang kanyang anak. Namatay sa sunog ang asawa ni Brother Apilado na si Dominga at ang lima niyang anak.
Ang katotohanan na si Brother Apilado ay namumuhay nang kalugud-lugod sa Diyos nang maganap ang trahedya ay hindi nakapigil sa trahedya, ni hindi siya iniligtas sa pagdurusang idinulot nito. Ngunit ang kanyang matapat na pagtupad sa kanyang mga tipan at pananampalataya kay Cristo ang nagbigay sa kanya ng katiyakan sa pangakong magkakasamang muli sila ng kanyang asawa at pamilya. Ito ang naging sagisag ng pag-asa sa kanyang kaluluwa.14
Noong bumisita ako ay ipinakilala ako ni Brother Apilado, na ngayon ay stake patriarch na, sa kanyang bagong asawang si Simonette, at sa kanilang dalawang anak na sina Raphael at Daniel. Tunay ngang magagawa at gagawin ni Jesucristo ang “magpagaling ng mga bagbag na puso.”15
Sa pagbabahagi ng kwento ni Brother Apilado, nag-aalala ako na sa tindi ng dusa at hirap na dinanas niya ay baka isipin ng marami na napakagaan ng kanilang mga pighati at paghihirap kung ikukumpara rito. Nakikiusap ako na huwag kayong magkumpara, sa halip ay hangaring matuto at isabuhay ang mga walang hanggang alituntunin habang dumaranas kayo ng mga paghihirap.
Kung makakausap ko lang kayo nang isa-isa—“kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha,”16—gusto kong sabihin sa inyo na ang inyong mga paghihirap; ang inyong mga pighati; kalungkutan, pasakit, mga pagdurusa, at anupamang karamdaman—ay nalalamang lahat ng Ama sa Langit at ng Kanyang Anak. Maging matapang! Manampalataya! At maniwala sa mga pangako ng Diyos!
Kasama sa layunin at misyon ni Jesucristo ang “[dalhin] sa kanyang sarili ang mga pasakit at mga sakit ng kanyang mga tao” para “[tulungan] ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan.”17
Upang lubos na matanggap ang mga kaloob na ito na bukas-palad na ibinibigay ng Tagapagligtas, dapat na matutuhan nating lahat na ang pagdurusa ay hindi nagtuturo o nagbibigay sa atin ng anumang mapakikinabangan nang pangmatagalan maliban kung tayo ay kusang magsisikap na matuto mula sa ating mga pagdurusa sa pamamagitan ng pagsampalataya.
Ibinahagi minsan ni Elder Neal A. Maxwell ang natutuhan niya tungkol sa makabuluhang pagdurusa sa mga salitang ito:
“Ang ilang uri ng pagdurusa na natiis nang mabuti, ay makapagpapabuti sa atin. …
“… Bahagi ng pagtitiis nang mabuti ang pagiging mapagpakumbaba, sa gitna ng ating mga pagdurusa, para matuto sa ating mahahalagang karanasan. Sa halip na makaraos lamang tayo sa mga bagay na ito, kailangang danasin natin ang mga ito … sa mga paraang makapagpapabanal sa atin.”18
Napansin ko sa mga buhay at halimbawa ng iba na ang pagkakaroon ng malakas at matibay na pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang mga pangako ay nagbibigay ng tiyak na pag-asa na may mas mabubuting bagay na darating. Ang tiyak na pag-asang ito ay nagpapatatag sa atin, nagbibigay ng lakas at kapangyarihan na kailangan natin para makapagtiis.19 Kapag naiuugnay natin ang ating mga pagdurusa sa katiyakan ng layunin sa ating mortalidad at lalo na sa gantimpalang naghihintay sa atin sa mga lugar sa kalangitan, nadaragdagan ang ating pananampalataya kay Cristo at nakakatanggap tayo ng kaginhawahan sa ating kaluluwa.
Sa gayon makikita natin ang liwanag sa dulo ng lagusan. Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland: “Talagang mayroong liwanag sa dulo ng lagusan. Siya ang Ilaw ng Sanglibutan, ang Maningning na Tala sa Umaga, ang ‘ilaw na walang hanggan, na hindi maaaring magdilim’ [Mosias 16:9]. Siya ang Mismong Anak ng Diyos.”20
Mapapalakas tayo ng kaalamang ang lahat ng mahihirap na karanasan sa buhay na ito ay pansamantala lamang; maging ang madidilim na gabi ay nagiging bukang-liwayway para sa matatapat.
Kapag natapos na ang lahat at napagtiisan natin ang lahat ng bagay na may pananampalataya kay Jesucristo, nasa atin ang pangako na “papahirin ng Dios [ang] bawa’t luha ng [ating] mga mata.”21
Nagpapatotoo ako na ang Ama sa Langit at ang Kanyang Anak na si Jesucristo ay buhay, at Sila ay tumutupad ng mga pangako. Nagpapatotoo ako na lahat tayo ay inaanyayahan ng Tagapagligtas na lumapit at makibahagi sa Kanyang Pagbabayad-sala. Kapag tayo ay nanampalataya sa Kanya, tutulungan Niya tayo sa lahat ng ating mga pagsubok, at sa huli, dadalhin at ililigtas tayo sa kahariang selestiyal. Inaanyayahan ko kayo na lumapit kay Cristo, magtiis nang may lubos na pananampalataya, at maging ganap sa Kanya, at magkaroon ng ganap na kagalakan sa Kanya. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.