2016
Ang Perpektong Landas Tungo sa Kaligayahan
November 2016


Ang Perpektong Landas Tungo sa Kaligayahan

Nagpapatotoo ako sa dakilang kaloob na plano ng Ama sa Langit para sa atin. Ito ang perpektong landas tungo sa kapayapaan at kaligayahan.

Mahal kong mga kapatid, kapwa dito sa Conference Center at sa buong mundo, labis ang pasasalamat ko sa pagkakataong maibahagi ang mga kaisipan ko sa inyo ngayong umaga.

Limampu’t dalawang taon na ang nakalipas, noong Hulyo 1964, nadestino ako sa New York City nang ganapin doon ang World Fair. Isang umaga binisita ko ang Mormon Pavilion sa fair. Dumating ako bago ipalabas ang pelikula ng Simbahan na Man’s Search for Happiness, na isang paglalarawan ng plano ng kaligtasan na mula noon ay klasiko na sa Simbahan. Katabi ko sa upuan ang isang binatang marahil ay 35 taong gulang. Nagkausap kami sandali. Hindi siya miyembro ng Simbahan. Pagkatapos ay unti-unti nang dumilim, at nagsimula na ang palabas.

Nakinig kami sa tinig ng narrator nang banggitin niya ang makabuluhang mga tanong na angkop sa lahat: “Saan ako nanggaling? Bakit ako narito? Saan ako pupunta pagkamatay ko?” Sabik na nakinig ang lahat para sa sagot, at lahat ng mata ay nakatuon sa screen. Isang paglalarawan ng ating premortal na buhay ang ibinigay, kasama ang paliwanag ukol sa layunin natin sa lupa. Nasaksihan namin ang nakaaantig na paglalarawan ng pagkamatay ng isang lolo at ng maluwalhating pagkikita niya at ng mga mahal niya sa buhay na nauna sa kanya sa daigdig ng mga espiritu.

Sa pagtatapos ng napakagandang paglalarawang ito ng plano ng ating Ama sa Langit para sa atin, tahimik nang naglabasan ang mga manonood, at marami ang naantig sa mensahe ng palabas. Ang katabi kong panauhin ay hindi tumayo. Tinanong ko kung nagustuhan niya ang palabas. Mariin ang sagot niya: “Iyan ang katotohanan!”

Ang plano ng Ama para sa ating kaligayahan at kaligtasan ay ibinabahagi ng ating mga missionary sa buong mundo. Hindi lahat ng nakakarinig sa banal na mensaheng ito ay tatanggapin at yayakapin ito. Gayunman, ang kalalakihan at kababaihan sa lahat ng dako, tulad ng bata kong kaibigan sa New York World’s Fair, ay kinilala ang mga katotohanan nito, at buong katatagang piniling sundin ang ligtas na landas pauwi. Ang kanilang buhay ay tuluyang nagbago.

Napakahalaga sa plano ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Kung wala ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, lahat tayo ay maliligaw ng landas. Hindi sapat, gayunman, ang maniwala lamang sa Kanya at sa Kanyang misyon. Kailangan tayong gumawa at matuto, magsaliksik at magdasal, magsisi at magpakabuti pa. Kailangan nating malaman ang mga batas ng Diyos at ipamuhay ang mga ito. Kailangan nating matanggap ang Kanyang nakapagliligtas na mga ordenansa. Sa paggawa lamang nito natin matatamo ang tunay at walang-hanggang kaligayahan.

Mapalad tayo na nasa atin ang katotohanan. Inutusan tayong ibahagi ang katotohanan. Ating ipamuhay ang katotohanan upang maging marapat tayo sa lahat ng inilalaan ng Ama para sa atin. Wala Siyang ginagawa na hindi para sa ating kapakanan. Sinabi Niya sa atin, “Masdan, ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.”1

Mula sa kaibuturan ng aking kaluluwa, buong pagpapakumbaba kong pinatototohanan ang dakilang kaloob na plano ng ating Ama para sa atin. Ito ay perpektong landas tungo sa kapayapaan at kaligayahan dito at sa mundong darating.

Mga kapatid, iniiwan ko sa inyo ang aking pagmamahal at basbas bilang pangwakas, at ginagawa ko ito sa pangalan ng ating Tagapagligtas at Manunubos na si Jesucristo, amen.