“Isang Piling Tagakita ang Ibabangon Ko”
Dahil si Joseph ay isang propeta, hindi lamang bintana ang mayroon tayo papunta sa langit—kundi ang mismong pintuan para sa kawalang-hanggan ay bukas para sa atin.
Nang unang nagpakita si Moroni kay Joseph Smith, nagbabala siya na ang “pangalan [ni Joseph] ay makikilala sa kabutihan at kasamaan sa lahat ng bansa.”1 Nakita natin ang katuparan ng propesiyang iyan. Sa digmaan sa pagitan ng mabuti at masama, ang Panunumbalik ng ebanghelyo sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith ay nagbigay ng inspirasyon sa mga naniniwala sa kanya at nagpagalit sa mga taong masidhing sumasalungat sa adhikain ng Sion at maging kay Joseph mismo. Ang labanang ito ay hindi na bago. Nagsimula ito matapos pumunta ang batang si Joseph sa Sagradong Kakahuyan at nagpapatuloy hanggang ngayon, at makikita pa sa internet.
Inihayag mismo ng Panginoon kay Joseph Smith:
“Ang mga dulo ng mundo ay magtatanong tungkol sa iyong pangalan, at ang mga hangal ay ilalagay ka sa panunuya, at ang impiyerno ay sisilakbo ang galit laban sa iyo;
“Samantalang ang dalisay ang puso, at ang marurunong, at ang mararangal, at ang malilinis, ay maghahangad ng payo, at kapangyarihan, at mga pagpapala tuwina mula sa iyong kamay.”2
Ngayon, ibabahagi ko ang aking patotoo sa lahat ng naghahangad na mas maunawaan pa ang banal na misyon ni Joseph Smith Jr., ang Propeta ng Panunumbalik.
Wala tayong dapat ikahiya sa pagpapatotoo sa misyon ni Joseph bilang propeta, tagakita, at tagapaghayag, dahil noon pa man ay kumikilos na ang Panginoon sa pamamagitan ng mga propeta.3 Dahil sa mga katotohanang naipanumbalik sa pamamagitan ni Joseph Smith, mas nalaman natin ang tungkol sa ating Ama sa Langit at sa Tagapagligtas na si Jesucristo. Alam natin ang Kanilang mga banal na katangian, ang kaugnayan Nila sa isa’t isa at sa atin, at ang dakilang plano ng pagtubos na nagtutulot sa atin na makabalik sa Kanilang piling.
Ito ang sinabi ni Pangulong Brigham Young tungkol kay Joseph: “Napagpasiyahan sa mga konseho ng kawalang hanggan, matagal pa bago nilikha ang mundo, na siya … ang nararapat na tao, sa huling dispensasyong ito ng daigdig, na maghatid ng salita ng Diyos sa sangkatauhan, at tumanggap ng kabuuan ng mga susi at kapangyarihan ng Pagkasaserdote ng Anak ng Diyos. Binantayan siya … ng Panginoon, [dahil siya ay] inordenan noon pa sa kawalang-hanggan upang mamuno dito sa huling dispensasyon.”4
Bilang paghahanda para sa dakilang gawaing ito, si Joseph Smith ay isinilang sa isang mapagmahal na pamilya na nakaranas ng maraming pagsubok sa buhay. Sa paglaki ni Joseph, ang kanyang saloobin tungkol sa Diyos “ay matindi at kadalasan ay masidhi,”5 subalit siya ay nalito sa magkakasalungat na ideya tungkol sa relihiyon na itinuturo ng mga mangangaral sa kanyang panahon. Mabuti na lamang at hindi hinayaan ni Joseph na matinag ang pananampalataya niya dahil sa kanyang mga katanungan. Naghanap siya ng mga kasagutan sa Biblia at nakita niya ang payong ito: “Kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios, na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat; at ito’y ibibigay sa kaniya.”6
Paggunita ni Joseph: “Wala sa alinmang sipi sa banal na kasulatan ang nakapukaw nang may higit na kapangyarihan sa puso ng tao kaysa sa nagawa nito sa akin sa oras na ito. Tila pumasok ito nang may malakas na kapangyarihan sa bawat himaymay ng aking puso. Paulit-ulit kong pinagmuni-muni ito.”7
Taglay ang simpleng pananampalataya, sinunod ni Joseph ang pahiwatig ng espirituwal na mga damdaming ito. Nakahanap siya ng liblib na lugar, lumuhod, “at nagsimulang ialay ang mga naisin ng [kanyang] puso sa Diyos.”8 Lubos na kagila-gilalas ang paglalarawan ni Joseph tungkol sa nangyari:
“Ako ay nakakita ng isang haligi ng liwanag na tamang-tama sa tapat ng aking ulo, higit pa sa liwanag ng araw, na dahan-dahang bumaba hanggang sa ito ay pumalibot sa akin.
“… Nang tumuon sa akin ang liwanag, nakakita ako ng dalawang Katauhan, na ang liwanag at kaluwalhatian ay hindi kayang maisalarawan, nakatayo sa hangin sa itaas ko. Ang isa sa kanila ay nagsalita sa akin, tinatawag ako sa aking pangalan, at nagsabi, itinuturo ang isa—Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!”9
Nakita ni Joseph Smith ang Diyos, ang Amang Walang Hanggan, at si Jesucristo, ang Tagapagligtas at Manunubos ng sanlibutan. Ito ang Unang Pangitain ni Joseph Smith. Nang sumunod na mga taon, isinalin ni Joseph Smith ang Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos. Marami pang nilalang mula sa langit ang dumalaw sa Kanya upang ipanumbalik ang mga katotohanan at awtoridad na nawala sa loob ng maraming siglo. Ang sagradong mga pakikipag-ugnayang ito kay Joseph Smith ang nagbukas sa mga bintana ng langit at sa mga kaluwalhatian ng kawalang-hanggan para sa atin. Ang buhay ni Joseph ay nagsisilbing patotoo na kung sinuman sa atin ang nagkukulang ng karunungan, makahihingi tayo sa Diyos nang may pananampalataya at makatatanggap ng sagot—kung minsan mula sa mga nilalang sa langit ngunit mas madalas sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, na nangungusap sa atin sa pamamagitan ng inspiradong mga kaisipan at nadarama natin.10 Sa pamamagitan ng Espiritu Santo “malalaman [natin] ang katotohanan ng lahat ng bagay.”11
Para sa marami sa atin, nagsisimula tayong magkaroon ng patotoo kay Propetang Joseph Smith kapag binasa natin ang Aklat ni Mormon. Una kong nabasa ang Aklat ni Mormon mula simula hanggang dulo noong estudyante pa ako ng early-morning seminary. Taglay ang aking imahinasyon bilang isang bata, nagpasiya akong magbasa na para bang ako si Joseph Smith, na inaalam ang mga katotohanan sa Aklat ni Mormon sa kauna-unahang pagkakataon. Ang laki ng epekto nito sa buhay ko kaya ipinagpatuloy ko ang pagbabasa ng Aklat ni Mormon sa gayong paraan. Kapag ginagawa ko iyan mas lumalalim ang pagpapahalaga ko kay Propetang Joseph at sa mga katotohanang ipinanumbalik sa mahalagang aklat na ito.
Halimbawa, isipin ninyo kung ano kaya ang naramdaman ni Joseph habang isinasalin niya ang mga talata tungkol sa binyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan. Dahil sinabihan noon si Joseph na huwag sumapi sa anumang simbahan, natural lang na may mga tanong siya tungkol sa nakapagliligtas na ordenansang ito. Ang mga tanong na ito ang naghikayat sa kanya, minsan pa, para manalangin, at dahil sa panalanging iyan dumalaw si Juan Bautista, na nagpanumbalik ng Aaronic Priesthood at ng awtoridad na magbinyag.12
O isipin ninyo kung ano kaya ang naramdaman ni Joseph nang malaman niya sa unang pagkakataon na dinalaw ni Jesucristo ang mga tao sa Western Hemisphere—na tinuruan Niya sila, nanalangin Siya para sa kanila, pinagaling ang kanilang mga maysakit, binasbasan ang kanilang maliliit na anak, iginawad ang awtoridad ng priesthood, at pinangasiwaan ang sakramento sa kanila.13 Maaaring hindi pa ito natanto noon ni Joseph, ngunit ang nalaman niya tungkol sa mga ordenansa at organisasyon ng sinaunang Simbahan ni Cristo ang naghanda sa kanya sa gagawin niyang pagtulong sa Panginoon sa pagpapanumbalik ng Simbahan ding iyon sa lupa.
Habang isinasalin ang Aklat ni Mormon, ipinagdalamhati ni Joseph at ng kanyang asawang si Emma ang pagkamatay ng kanilang sanggol. Noong mga panahong iyon karaniwang itinuturo ng mga mangangaral na ang mga batang namatay nang hindi nabinyagan ay isusumpa magpakailanman. Habang nasasaisip ito, ano kaya ang maaaring nadama ni Joseph nang isalin niya ang mga salitang ito ni propetang Mormon: “Ang … maliliit na anak ay hindi nangangailangan ng pagsisisi, ni ng binyag. … [Dahil] ang maliliit na bata ay buhay kay Cristo, maging mula pa sa pagkakatatag ng daigdig.”14
Marahil ang lubhang kagila-gilalas na talata sa Aklat ni Mormon para sa batang si Joseph ay ang ikatlong kabanata ng 2 Nephi. Ang kabanatang ito ay naglalaman ng sinaunang propesiya tungkol sa isang “piling tagakita” na ibabangon ng Panginoon sa mga huling araw—isang tagakita na nagngangalang [Joseph], na kapangalan ng kanyang ama. Ang propetang ito ay “bibigyan ng malaking pagpapahalaga” at isasakatuparan ang gawain na magiging “malaki ang kahalagahan” sa kanyang mga tao. Siya ay “magiging dakilang katulad ni Moises” at bibigyan ng “kapangyarihang isiwalat ang … salita [ng Diyos].”15 Isipin kung ano kaya ang nadama ni Joseph Smith nang malaman niya na ang propesiyang ito ay tungkol sa kanya! Hindi lang siya nagsasalin ng kasaysayan; isinasalin niya ang isang pangitain sa mga huling araw, ang mahimalang Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo—at si Joseph mismo ang tutulong para isakatuparan ito!
Ngayon, mahigit 200 taon na mula noon, malinaw nang nakikita kung paano natutupad ang propesiyang ito. Alam natin ang mga dakilang bagay na naisagawa ni Joseph bilang propeta ng Panginoon. Ngunit tandaan na noong isinalin ni Joseph ang propesiyang ito, nagawa na niya ang ilan sa mga ibinadya ng mga propeta. Bata pa siya noon at nasa mga edad 20 pataas. Hindi pa na-organisa ang Simbahan. Walang mga ward o mga branch, walang mga missionary, at walang mga templo. Kaunti lamang ang nakakakilala kay Joseph Smith, at kabilang dito ang ilan sa mga masigasig na kumakalaban sa kanya. Ngayon tingnan ninyo ang dakilang gawain ng Panginoon na naisagawa sa pamamagitan ng Kanyang tagapaglingkod na si Joseph, sa kabila ng oposisyon laban sa kanya. Hindi ba’t matibay na pinapatunayan ng katuparan ng propesiyang ito ang pagtawag kay Joseph Smith bilang propeta?
Sa sinuman na maaaring nagdududa sa kanilang patotoo kay Joseph Smith o nagugulumihanan sa mali, mapanlinlang, o di-kumpletong impormasyon tungkol sa kanyang buhay at ministeryo, inaanyahahan ko kayong isaalang-alang ang mga ibinunga nito—ang maraming pagpapala na dumarating sa atin sa pamamagitan ng mahimalang misyon ni Joseph Smith, ang Propeta ng Panunumbalik.
Dahil si Joseph ay isang propeta, ang mga paghahayag at mga propeta ay mga bagay na hindi lamang makikita sa nakaraan. Ang “araw ng mga himala”—ng mga pangitain, pagpapagaling, at paglilingkod ng mga anghel—ay hindi tumigil.16
Dahil si Joseph ay isang propeta, bawat isa sa atin ay makatatanggap ng kapangyarihan at pagpapala ng banal na priesthood, kabilang na ang binyag, ang kaloob na Espiritu Santo, at ang sakramento.
Dahil si Joseph ay isang propeta, nasa atin ang mga pagpapala at ordenansa ng templo na nagbibigkis sa atin sa Diyos, ibinibilang tayo sa Kanyang mga tao, at ipinapakita sa atin “ang kapangyarihan ng kabanalan,” na ginagawang posible balang- araw na “[makita ang] mukha ng Diyos, maging [ang] Ama, at [mabuhay].”17
Dahil si Joseph ay propeta, alam natin na ang kasal at pamilya ay napakahalagang bahagi ng plano ng Diyos para sa ating kaligayahan. Alam natin na sa pamamagitan ng mga ordenansa at tipan sa templo, ang ating itinatanging ugnayan ng pamilya ay magtatagal sa walang hanggan.
Dahil si Joseph ay isang propeta, hindi lamang bintana ang mayroon tayo papunta sa langit—kundi ang mismong pintuan para sa kawalang-hanggan ay bukas para sa atin. Makikilala natin ang “iisang Dios na tunay, at siyang [Kaniyang] sinugo, sa makatuwid baga’y si Jesucristo.”18 Ang buhay na walang hanggan ay maaaring mapasaatin.
Higit sa lahat, dahil si Joseph ay propeta, napakarami ng ating saksi, napakarami ng ating patotoo, na si Jesucristo ang Anak ng Diyos at Tagapagligtas ng sanlibutan. Nasa atin ang di-mapapatid na kawing ng mga natatanging saksi ni Jesucristo, kabilang na ang ating propeta ngayon, si Pangulong Thomas S. Monson; ang mga tagapayo sa Unang Panguluhan; at ang mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sa kanilang mga pagsaksi, idinaragdag ko ang aking hamak ngunit tiyak na patotoo: Si Jesucristo ay buhay at pinamumunuan Niya ang Kanyang Simbahan. Si Joseph Smith ang Propeta ng Panunumbalik. Ang priesthood at awtoridad ng Diyos ay naritong muli sa mundo. Nawa ay walang takot nating ipahayag ang ating patotoo at ang ating pasasalamat para sa napakabuting propeta, tagakita, at tagapaghayag ng Panginoon na ito, ang aking dalangin sa banal na pangalan ni Jesucristo, amen.