Maglingkod
Bawat miyembro ay kailangan, at kailangan ng bawat miyembro ng pagkakataong maglingkod.
Noong bata pa ako, nasisiyahan akong tumulong sa aking Tiyo Lyman at Tiya Dorothy sa kanilang bukid. Si Tiyo Lyman ang kadalasang nangunguna sa aming mga proyekto, at si Tiya Dorothy naman ang madalas tumulong at magmaneho ng lumang trak na Dodge. Naaalala ko kung gaano kami nababahala kapag nalulubog kami sa putik o kapag inaakyat namin ang isang matarik na burol: sumisigaw si Tiyo Lyman ng, “Gamitin mo ang compound gear, Dorothy!” Doon ako nagsisimulang magdasal. Kahit paano, sa tulong ng Panginoon at ilang pagkambiyo, napapaandar ni Tiya Dorothy ang trak. Kapag kumapit na ang mga wheel o reweda at nagsimulang umikot, napapaandar ang trak at nagpapatuloy ang trabaho namin.
Ang “paggamit ng compound gear” ay ang pagkambiyo sa espesyal na gear kung saan ang ilang gear ay pinagsama-sama at ikinonekta sa isa’t isa para mas malakas na puwersa ang maihatid ng makina sa mga gulong.1 Sa sabay na paggamit ng compound gear at four-wheel drive, maaari mong makuha ang kinakailangang puwersa para mapaandar ito.
Gusto kong isipin na ang bawat isa sa atin ay bahagi ng compound gear sa ating paglilingkod sa Simbahan—sa mga ward at branch, sa mga korum at auxiliary. Tulad ng mga gear na nakapagbibigay ng mas malakas na puwersa kapag magkakasama, mas malakas ang ating puwersa kapag nagsama-sama tayo. Kapag nagkaisa tayo sa paglilingkod sa isa’t isa, mas marami tayong magagawa nang magkakasama kaysa kung nag-iisa lang tayo. Masayang makibahagi at magkaisa sa ating paglilingkod at pagtulong sa gawain ng Panginoon.
Ang Paglilingkod ay Isang Pagpapala
Ang isa sa malalaking biyaya ng pagiging miyembro sa Simbahan ay ang oportunidad na maglingkod.2 Sinabi ng Panginoon, “Kung mahal ninyo ako kayo ay maglilingkod sa akin,”3 at naglilingkod tayo sa Kanya sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba.4
Kapag naglilingkod tayo, mas napapalapit tayo sa Diyos.5 Nakikilala natin Siya na hindi magagawa sa iba pang paraan. Nadaragdagan ang ating pananampalataya sa Kanya. Nagkakaroon tayo ng tamang pananaw sa ating mga pagsubok. Nagiging mas kasiya-siya ang buhay. Nadaragdagan ang pagmamahal natin sa iba, gayundin ang ating hangaring maglingkod. Sa pamamagitan ng magandang paraang ito, nagiging mas katulad tayo ng Diyos, at mas handang bumalik sa Kanya.6
Tulad ng itinuro ni Pangulong Marion G. Romney: “Ang paglilingkod ay hindi isang bagay na tinitiis natin dito sa lupa para makamtan ang karapatang manirahan sa kahariang selestiyal. Paglilingkod ang pinakadiwa ng buhay na pinadakila sa kahariang selestiyal.”7
Maaaring Maging Mahirap ang Paglilingkod
Ang paglilingkod sa Simbahan, gayunman, ay maaaring maging mahirap kung ang ipinagagawa sa atin ay isang bagay na kinatatakutan natin, kung napapagod na tayong maglingkod, o kung pinagagawa tayo ng isang bagay na sa una ay hindi natin gusto.
Kamakailan ay nakatanggap ako ng bagong asaynment. Naglilingkod ako noon sa Africa Southeast Area. Masayang maglingkod kung saan ang Simbahan ay medyo bago at itinatatag pa lamang, at minahal namin ang mga Banal doon. Pagkatapos ay tinawag akong bumalik sa headquarters ng Simbahan, at sa totoo lang, hindi ako gaanong masaya. Ang pagbabago sa asaynment ay magdadala sa akin sa mga sitwasyong hindi ako pamilyar.
Isang gabi habang pinag-iisipan ang mangyayaring pagbabago, napanaginipan ko ang kalolo-lolohan kong si Joseph Skeen. Nalaman ko mula sa kanyang journal na nais niyang maglingkod nang lumipat sila ng kanyang asawang si Maria sa Nauvoo. Kaya, hinanap niya si Propetang Joseph Smith at nagtanong kung paano siya makatutulong. Pinagtrabaho siya ng Propeta sa bukid ng mga Smith at sinabing gawin niya ang lahat ng makakaya niya, at ginawa nga niya ito. Nagtrabaho siya sa bukid ng mga Smith.8
Inisip kong mabuti ang pribilehiyo ni Joseph Skeen sa pagtanggap sa asaynment na iyon sa ganoong paraan. Pagkatapos ay naisip ko na nagkaroon din ako ng ganoong pribilehiyo, gaya ng lahat sa atin. Lahat ng tungkulin sa Simbahan ay mula sa Diyos—sa pamamagitan ng Kanyang mga itinalagang lingkod.9
Nakadama ako ng espirituwal na kumpirmasyon na ang bago kong asaynment ay nagmula sa Diyos. Mahalagang maunawaan natin ito—na ang ating mga tungkulin ay literal na nagmula sa Diyos sa pamamagitan ng ating mga lider ng priesthood. Pagkatapos ng karanasang ito, nagbago ang saloobin ko, at nagkaroon ako ng matinding hangarin na maglingkod. Nagpapasalamat ako sa pagpapala ng pagsisisi at sa pagbabago ng aking puso. Gustung-gusto ko ang bago kong asaynment.
Kahit sa tingin natin ay kagustuhan lang ng mga lider natin sa priesthood ang pagtawag sa atin sa isang tungkulin sa Simbahan o kaya’y ibinigay ito sa atin dahil walang ibang tatanggap nito, tayo ay pagpapalain kapag naglingkod tayo. At kapag kinilala natin na galing sa Diyos ang ating tungkulin at naglingkod tayo nang buong puso, karagdagang lakas ang darating sa ating paglilingkod, at nagiging mga tunay na tagapaglingkod tayo ni Jesucristo.
Kailangan ang Pananampalataya sa Paglilingkod
Kailangan ang pananampalataya sa pagtupad ng mga tungkulin. Di-nagtagal pagkatapos magtrabaho ni Joseph sa bukid, sila ni Maria ay nagkasakit nang malubha. Wala silang pera at wala ring kakilala. Napakahirap na panahon iyon para sa kanila. Isinulat ni Joseph sa kanyang journal, “Nagpatuloy kami sa pagtatrabaho [at] nanatiling matapat sa Simbahan sa kabila ng maliit naming pananampalataya, kahit tinatangka ng diyablo na wasakin kami at ibalik sa aming pinanggalingan.”10
Ako, at maraming iba pang mga inapo, ay walang hanggang magpapasalamat na hindi tumalikod sina Joseph at Maria. Dumarating ang mga pagpapala kapag nagpapatuloy tayo sa ating mga tungkulin at responsibilidad at nagtitiis nang may pananampalataya.
May kilala akong titser ng Gospel Doctrine na nagbibigay ng inspirasyon sa mga miyembro ng kanyang klase, pero hindi ganito noon. Pagkatapos sumapi sa Simbahan, nakatanggap siya ng tungkulin na magturo sa Primary. Pakiramdam niya ay wala siyang mga kasanayan sa pagtuturo, ngunit dahil alam niyang mahalaga ang maglingkod, tinanggap niya ang tungkulin. Kaagad siyang nakadama ng takot, at hindi na siya nagsimba para hindi na siya makapagturo. Buti na lang at napansin ng kanyang home teacher na hindi na siya nagsisimba. Binisita siya nito at inanyayahang bumalik. Tinulungan siya ng bishop at ng mga miyembro ng ward. Kalaunan, taglay ang mas malakas na pananampalataya, nagsimula siyang magturo sa mga bata. Dahil ginagamit niya ang mga alituntuning itinuro sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, pinagpala ng Diyos ang kanyang mga pagsisikap, at naging mahusay siyang titser.11
Ang likas na lalaki o babae na nasa ating lahat ay madaling mangatwiran na hindi tayo maglilingkod dahil “Hindi ako handa, at marami pa akong kailangang matutuhan,” “Pagod na ako at kailangan kong magpahinga,” “Matanda na ako—iba naman ang maglingkod,” o “Marami akong ginagawa at wala akong panahon.”
Mga kapatid, ang pagtanggap at pagtupad ng tungkulin ay pagpapakita ng ating pananampalataya. Maaari tayong magtiwala sa paulit-ulit na itinuro ng ating propetang si Pangulong Thomas S. Monson: “Ginagawang karapat-dapat ng Panginoon ang sinumang tinawag Niya,” at “Kapag nasa gawain tayo ng Panginoon, tayo ay may karapatang tumanggap ng Kanyang tulong.”12 Nababalisa man tayo o hindi tayo interesado, matindi man ang ating takot o sobra tayong naiinip, nais ng Panginoon na tayo ay magsikap at maglingkod.
Wala akong nakikitang anumang indikasyon na walang panahon o napapagod na si Pangulong Monson at ang kanyang mga kasama sa Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawa. Ipinapakita nila sa paraang nakapagbibigay-inspirasyon ang lakas na dumarating sa ating buhay kapag tayo ay nananampalataya, tumatanggap ng mga asaynment, at tinutupad ang mga ito nang may sigasig at dedikasyon. “[Idinagdag nila ang kanilang] lakas”13 maraming taon na ang nakararaan, at nagpapatuloy sila sa pagsulong at pag-unlad.
Oo, naglilingkod sila sa mahahalagang tungkulin, at lahat ng tungkulin o asaynment ay mahalaga. Sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley, dating propeta at Pangulo ng Simbahan: “Sama-sama tayong lahat sa dakilang gawaing ito. … Ang inyong obligasyon sa inyong nasasakupan ay kasingbigat ng aking obligasyon sa aking nasasakupan. Walang tungkulin sa simbahang ito na maliit o di-gaanong mahalaga.”14 Lahat ng tungkulin ay mahalaga.15
Maglingkod Tayo
Magsibangon tayo nang may pananampalataya, “lakas [natin] ay idagdag” at “buong giting magpunyagi” na isulong ang gawain.16 “Gamitin natin ang compound gear,” o pagsasama-samahin natin ang ating lakas, kasama ang matapat na si Tiya Dorothy. Bilang magkakapatid, maglingkod tayo.
Kung gusto ninyong maging masaya ang inyong bishop o branch president, tanungin siya ng, “Paano po ako makakatulong?” “Saan po kaya ako gustong paglingkurin ng Diyos?” Sa kanyang pagdarasal at pagsaalang-alang ng inyong mga responsibilidad sa sarili, pamilya at trabaho, bibigyan siya ng inspirasyon na bigyan kayo ng angkop na tungkulin. Sa pag-set apart sa inyo, babasbasan kayo ng mga lider ng priesthood para tulungan kayong magtagumpay. Kayo ay talagang pagpapalain! Bawat miyembro ay kailangan, at kailangan ng bawat miyembro ng pagkakataong maglingkod.17
Si Jesucristo ang Ating Halimbawa
Ibinigay ni Jesucristo, na ating dakilang Halimbawa, ang Kanyang buhay sa gawain ng Kanyang Ama. Sa Dakilang Kapulungan bago nilikha ang mundong ito, si Jesus na pinili at itinalaga mula pa sa simula, ay nagsabing, “Narito ako, isugo ako.”18 Sa paggawa nito, literal Siyang naging tagapaglingkod nating lahat. Sa pamamagitan ni Jesucristo at ng lakas na natanggap natin dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala, makapaglilingkod din tayo. Tutulungan Niya tayo.19
Ipinaaabot ko ang aking taos-pusong pagmamahal sa mga hindi maaaring makapaglingkod ngayon sa Simbahan sa tradisyunal na paraan dahil sa inyong mga personal na kalagayan, ngunit namumuhay nang naglilingkod. Dalangin ko na pagpalain ang inyong mga pagsisikap. Ipinahahayag ko rin ang aking pasasalamat sa mga tumutupad sa kanilang mga tungkulin linggu-linggo, at gayundin sa mga tatanggap pa lang ng kanilang mga tungkuling maglingkod. Napakahalaga ng lahat ng inyong mga tulong at sakripisyo, lalo na para sa Kanya na inyong pinaglilingkuran. Ang lahat ng naglilingkod ay tatanggap ng biyaya ng Diyos.20
Ano man ang inyong edad o kalagayan, “mithiin” nating maglingkod.21 Maglingkod sa inyong tungkulin. Maglingkod sa misyon. Maglingkod sa inyong ina. Maglingkod sa isang hindi kakilala. Maglingkod sa inyong kapwa. Maglingkod lamang.
Nawa’y pagpalain ng Diyos ang bawat isa sa atin sa ating pagsisikap na maglingkod at maging tunay na mga disipulo ni Jesucristo.22 Pinatototohanan ko na Siya ay buhay at pinamamahalaan Niya ang gawaing ito. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.