2016
Ang Mithiing Tunay ng Kaluluwa
November 2016


Ang Mithiing Tunay ng Kaluluwa

Bawat sandali ng natatanging panalangin ay maaaring banal na sandaling iniukol sa ating Ama, sa pangalan ng Anak, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.

Sa mga paghihirap sa mundo, hindi tayo kailanman hinahayaan na mag-isang gawin ang ating gawain, mag-isang makibaka sa buhay, harapin ang ating mga pagsubok o hanapin ang sagot sa mga tanong. Itinuro ni Jesus sa isang talinghaga “na sila’y dapat magsipanalanging lagi, at huwag manganglupaypay.” Ikinuwento Niya ang tungkol sa isang hukom na walang pagsasaalang-alang sa Diyos at walang malasakit sa tao. Paulit-ulit na pumunta sa kanya ang isang balo na nakikiusap na ipaghiganti siya sa kanyang mga kaaway. Sa mahabang panahon, walang anumang ginawa ang hukom para matulungan siya. Ngunit dahil sa matiyaga at walang-tigil na pagsamo ng balo, naisip ng hukom, “Sapagka’t nililigalig ako ng [balong] ito, ay igaganti ko siya, baka niya ako bagabagin ng kapaparito.”

Pagkatapos ay ipinaliwanag ni Jesus:

“Hindi baga, igaganti ng Dios ang kaniyang mga hirang, na sumisigaw sa kaniya sa araw at gabi … ?

“Sinasabi ko sa inyo, na sila’y madaling igaganti niya.”

At pagkatapos ay itinanong ito ng Panginoon: “Gayon ma’y pagparito ng Anak ng tao, makakasumpong kaya siya ng pananampalataya sa lupa?”1

Ang panalangin ay mahalaga sa pagkakaroon ng pananampalataya. Kapag dumating na muli ang Panginoon, makakahanap ba Siya ng mga tao na marunong manalangin nang may pananampalataya at handang tumanggap ng kaligtasan? “Sapagka’t, ang lahat na nagsisitawag sa pangalan ng Panginoon ay mangaliligtas.”2 Tayo ay mga anak ng mapagmahal na Ama sa Langit, at maaari tayong magkaroon ng personal at direktang komunikasyon sa Kanya kapag tayo ay nananalangin “nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo”3 at pagkatapos ay kikilos ayon sa mga sagot na natanggap natin sa pamamagitan ng mga pahiwatig ng Espiritu Santo. May pananampalataya tayong nananalangin, nakikinig, at sumusunod, upang maging isa tayo sa Ama at sa Anak.4

Ang panalangin na may pananampalataya ay nagbubukas ng daan upang matanggap natin ang maluwalhating mga pagpapala ng langit. Itinuro ng Tagapagligtas:

“Magsihingi kayo, at kayo’y bibigyan; magsihanap kayo, at kayo’y mangakasusumpong; magsituktok kayo, at kayo’y bubuksan:

Sapagka’t ang bawat humihingi ay tumatanggap, at siya na naghahanap ay makasusumpong; at sa kanya na kumakatok, siya ay pagbubuksan.”5

Kung tayo ay umaasa na makatanggap, kailangan tayong humingi, maghanap, at kumatok. Sa kanyang paghahanap ng katotohanan, nabasa ni Joseph Smith sa mga banal na kasulatan, “Kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios, na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat; at ito’y ibibigay sa kaniya.”6 Bilang sagot sa kanyang panalangin nang may pananampalataya, ang kalangitan ay nabuksan. Ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo, ay bumaba sa kaluwalhatian at nagsalita kay Joseph Smith, na nagpasimula sa dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon. Para sa atin, ang mahimalang pagpapagaling, makapangyarihang pangangalaga, banal na kaalaman, nakapapanatag na kapatawaran, at natatanging kapayapaan ay ilan sa mga kasagutan na dumarating kapag isinasamo natin ang “mithiing tunay ng [ating] kaluluwa”7 nang may pananampalataya.

Nananalangin tayo sa ating Ama sa pangalan ni Jesucristo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, at dahil dito lahat ng tatlong miyembro ng Panguluhang Diyos ay nakikinig sa ating mga panalangin.

Nananalangin tayo sa ating Ama sa Langit at sa Kanya lamang dahil Siya ay “Diyos sa langit, na walang katapusan at walang hanggan, mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan … , ang tagapaglikha ng langit at lupa, at ng lahat ng bagay na naroroon sa mga yaon.” Bilang ating Tagapaglikha, inutos Niya na tayo ay “nararapat na magmahal at maglingkod sa kanya, ang tanging buhay at tunay na Diyos, at na siya lamang ang tangi [nating] nararapat na sambahin.”8

Sa inyong pagdarasal sa Ama sa Langit nang may pananampalataya, “kanya kayong aaluin sa inyong mga paghihirap, … [at kayo ay maaaring] magpakabusog sa kanyang pagmamahal.”9 Ikinuwento ni Pangulong Henry B. Eyring na ang mga panalangin ng kanyang ama sa panahong iginugupo na ito ng malalang kanser ay nagturo sa kanya tungkol sa malalim na kaugnayan ng Diyos at ng Kanyang mga anak:

“Kapag matindi ang sakit, nakikita namin siya sa umaga na nakaluhod sa gilid ng kama. Napakahina na niya para makabalik sa kama. Sinabi niya sa amin na nagdasal siya para itanong sa kanyang Ama sa Langit kung bakit kailangan niyang magdusa nang husto gayong sinikap niya palagi na magpakabuti. Sinabi niya na dumating ang isang magiliw na sagot: ‘Kailangan ng Diyos ng matatapang na anak.’

“At nagtiis nga siya hanggang sa huli, nagtitiwala na siya ay mahal at pinakikinggan ng Diyos, at tutulungan siya. Mapalad siya na nalaman niya ito kaagad at hindi niya nalimutan kailanman na laging malalapitan ang mapagmahal na Diyos sa pamamagitan ng panalangin.”10

Nananalangin tayo sa pangalan ni Jesucristo dahil ang kaligtasan natin ay na kay Cristo, at “walang ibang pangalan sa silong ng langit, na ibinigay sa mga tao, na sukat nating ikaligtas.”11 Lumalapit tayo sa Ama sa sagradong pangalan ni Jesucristo12 dahil Siya ang ating Tagapamagitan sa Ama at Siya ay nagsusumamo para sa ating kapakanan.13 Siya ay nagdusa, nilabasan ng dugo, at namatay upang luwalhatiin ang Kanyang Ama, at ang Kanyang maawaing pagsamo para sa ating kapakanan ang nagbukas ng daan upang ang bawat isa sa atin ay magtamo ng kapayapaan sa buhay na ito at sa kabilang-buhay. Hindi Niya gustong magdusa at makaranas pa tayo ng mga pagsubok na higit kaysa sa kinakailangan. Nais Niyang lumapit tayo sa Kanya at hayaan Siya na pagaanin ang ating mga pasanin, paghilumin ang ating mga puso, at linisin ang ating mga kaluluwa sa pamamagitan ng Kanyang nakadadalisay na kapangyarihan. Kailanman ay hindi natin gustong banggitin ang Kanyang pangalan sa walang kabuluhan at paulit-ulit na mga salita. Ang taimtim na mga dalanging iniaalay sa banal na pangalan ni Jesucristo ay tanda ng ating tapat na pagmamahal, walang-hanggang pasasalamat, at ng ating matibay na hangaring tularan ang paraan ng Kanyang pananalangin, gawin ang ginawa Niya, at maging katulad Niya.

Nananalangin tayo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo dahil “siya na humihingi sa Espiritu ay humihingi alinsunod sa kalooban ng Diyos.”14 Kapag tayo ay nananalangin nang may pananampalataya, magagabayan ng Espiritu Santo ang ating mga isipan upang ang ating mga sasabihin ay naaayon sa kagustuhan ng Diyos. “Huwag humingi upang ubusin lamang sa inyong pagnanasa, kundi humingi nang may katatagang di matitinag, upang hindi kayo sumuko sa tukso, kundi kayo ay maglingkod sa tunay at buhay na Diyos.”15

“Hindi lamang mahalaga na alam natin kung paano magdasal, ngunit mahalaga rin na alam natin kung paano tumanggap ng sagot sa ating panalangin, makahiwatig, maging alerto, upang makita natin sa malinaw na paningin at pang-unawa ang kagustuhan at layunin ng Diyos hinggil sa atin.”16

Ibinahagi ni Pangulong Eyring: “May mga panalangin ako na nasagot. Lubos na maliwanag ang mga sagot na iyon kapag ang hinihingi ko ay nadaraig ng masidhing hangarin ko na malaman kung ano ang nais ng Diyos. Sa gayon ang sagot mula sa mapagmahal na Ama sa Langit ay maipararating sa isipan ng marahan at banayad na tinig at maisusulat sa puso.”17

Si Cristo Kasama ang mga Apostol
Si Jesucristo sa Getsemani

Nang pumasok ang Tagapagligtas sa Halamanan ng Getsemani, labis-labis ang pagdurusa ng Kanyang kaluluwa, maging hanggang sa kamatayan. Sa Kanyang matinding paghihirap, ang tanging malalapitan Niya ay ang Kanyang Ama. Isinamo Niya, “Ama ko, kung baga maaari, ay lumampas sa akin ang sarong ito.” Ngunit idinagdag Niya, “Gayon ma’y huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo.”18 Bagama’t walang kasalanan, ang Tagapagligtas ay inatasang “[dumanas] ng mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso,” kabilang na ang mga pasakit at ang mga karamdaman ng Kanyang mga tao. “[Siya] ay magdurusa ayon sa laman upang madala niya sa kanyang sarili ang mga kasalanan ng kanyang mga tao, upang mabura niya ang kanilang mga kasalanan alinsunod sa kapangyarihan ng kanyang pagtubos.”19 Tatlong beses Niyang idinalangin, “Ama ko, … mangyari nawa ang iyong kalooban.”20 Hindi inalis ang saro. Sa mapagpakumbaba at matapat na panalangin Siya ay pinalakas upang magpatuloy at isakatuparan ang Kanyang banal na misyon na ihanda ang ating kaligtasan, upang tayo ay makapagsisi, maniwala, at sumunod, at magtamo ng mga pagpapala ng walang hanggan.

Nagdarasal si Cristo sa Getsemani

Ang mga sagot na natatanggap natin sa panalangin ay maaaring hindi ang mga ninanais natin. Ngunit sa oras ng pagkaligalig, ang ating mga panalangin ang tutulong sa atin nang may pagmamahal at magiliw na awa. Sa oras ng ating pagsamo, maaaring mapalakas tayo na magpatuloy at gawin ang lahat ng itinalagang gawin natin. Sa Kanyang mga Banal na nabubuhay sa mapanganib na panahon, sinabi ng Panginoon, “Maaliw sa inyong mga puso … ; sapagkat lahat ng laman ay nasa aking mga kamay, mapanatag at malaman na ako ang Diyos.”21

Ang mga panalangin man natin ay inuusal nang sarilinan, sa pamilya, sa simbahan, sa templo, o kahit saan man; nananalangin man tayo nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu upang humingi ng kapatawaran, ng karunungan ng langit, o ng lakas na makapagtiis, lagi tayong nananalangin nang buong puso, patuloy na lumalapit sa panalangin sa Diyos para sa ating kapakanan at sa kapakanan ng mga nakapaligid sa atin. Ang taimtim na mga hangarin na iniaalay nang may pasasalamat sa masaganang pagpapala at pagpapasalamat sa mga aral ng buhay ay itinitimo sa ating mga puso ang katatagan ng pananampalataya kay Cristo, “kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao.”22

Ang panalangin ay isang kaloob mula sa Diyos. Hindi natin kailangang madama na tayo ay naliligaw o nag-iisa. Pinatototohanan ko na bawat sandali ng natatanging panalangin ay maaaring sagradong sandaling iniukol sa ating Ama, sa pangalan ni Jesucristo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.