Basahin ang Aklat, Umasa sa Panginoon
Maituturing ba ninyo ang Aklat ni Mormon na inyong saligang bato, na pinagkukunan ninyo ng espirituwal na lakas?
Mary Elizabeth Rollins
Sa aking isipan, inilalarawan ko kayong bagong henerasyon na nanonood o nakikinig sa sesyong ito ng kumperensya saanmang dako ng mundo. May gusto akong ikuwento sa inyo, na maaaring maging kapwa halimbawa at aral sa inyo. Maipapakita nito sa inyo kung paano mas mapapalapit sa Panginoon at magkaroon ng dagdag na lakas na labanan ang tukso.
Tungkol ito sa isang batang babae, na nakatira sa New York, na bago nag-tatlong taong gulang ay naulila sa ama nang lumubog ang bangkang sinasakyan nito sa isang malaking lawa. Lumipat sila ng kanyang ina, kuya, at nakababatang kapatid sa isang lungsod sa ibang estado upang makitira sa tito at tita niya. Nang makalipat na ang pamilya, dumating ang mga missionary at miyembro ng isang kaoorganisang relihiyon sa kanilang bayan na may dalang magandang mensahe tungkol sa Panunumbalik ng ebanghelyo. Ibinahagi nila ang isang kamangha-manghang kuwento tungkol sa isang anghel na naghatid ng sinaunang talaan sa isang binatilyong nagngangalang Joseph Smith, isang talaan na isinalin niya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Nakita mismo ng dalawa sa mga bisita, sina Oliver Cowdery at John Whitmer, ang sinaunang talaan na nakaukit sa mga metal na lamina, at nagpatotoo si Whitmer na nahawakan niya mismo ang mga laminang ginto. Kalalathala pa lang noon ng talaang ito, at dinala ni Brother Whitmer ang aklat. Ang pangalan ng aklat na ito, siyempre pa, ay Aklat ni Mormon.
Nang marinig ng 12-taong-gulang na si Mary na magsalita ang mga missionary tungkol sa aklat, gumanda ang pakiramdam niya. Kahit makapal sa dami ng mga pahina ang Aklat ni Mormon, nasabik si Mary na mabasa ito. Nang umalis si Brother Whitmer, binigyan niya ng isang kopya ng aklat si Brother Isaac Morley, na kaibigan ng tito ni Mary at isang pinuno sa bagong simbahan sa lugar nila.
Isinulat ni Mary kalaunan: “Pumunta ako sa bahay ni [Brother Morley] … at hiniling kong makita ang Aklat; iniabot [niya] ito sa akin, [at] nang tingnan ko ito, nakadama ako ng matinding hangaring basahin ito, kaya hindi ko napigilang hilingin sa kanya na payagan akong maiuwi at mabasa ito. … Sabi niya … halos wala na siyang oras na basahin mismo ang isang kabanata nito, at iilan pa lang sa mga kapatid ang nakakita rito, ngunit nakiusap ako nang husto, at sa huli’y sinabi niya, ‘iha, kung maibabalik mo ang aklat na ito bago mag-almusal bukas ng umaga, ipapahiram ko ito sa iyo.’”
Patakbong umuwi si Mary at gustung-gusto niya ang aklat kaya halos magdamag siyang gising sa pagbabasa nito. Kinaumagahan, nang ibalik niya ang aklat, sinabi ni Brother Morley, “siguro wala kang gaanong nabasa rito” at “palagay ko wala kang masasabi sa akin ni isang salita rito.” Tumayo nang tuwid si Mary at binanggit mula sa alaala ang unang talata sa Aklat ni Mormon. Pagkatapos ay ikinuwento niya sa kanya ang tungkol sa propetang si Nephi. Kalauna’y isinulat ni Mary, “Gulat na tinitigan niya ako, at sinabing, ‘iha, iuwi mo ang aklat at tapusin mong basahin ito, makakapaghintay ako.’”
Hindi nagtagal, natapos basahin ni Mary ang aklat at siya ang unang tao sa kanilang bayan na nakabasa sa buong aklat. Alam niyang totoo ito at na nagmula ito sa Ama sa Langit. Nang basahin niya ang aklat, umasa siya sa Panginoon.
Pagkaraan ng isang buwan ay may espesyal na bisitang dumating sa bahay niya. Ganito ang isinulat ni Mary tungkol sa di-malilimutang paghaharap nang araw na iyon: “Nang makita ako [ni Joseph Smith] seryoso niya akong tiningnan. … Pagkaraan ng isa o dalawang sandali … binigyan niya ako ng isang magandang basbas … at ibinigay na lang sa akin ang aklat, at bibigyan na lang daw niya ng ibang [kopya] si Brother Morley. … Nadama naming lahat na isa siyang tao ng Diyos, dahil nangusap siya nang may kapangyarihan, at may awtoridad.”
Ang batang ito, si Mary Elizabeth Rollins, ay nakakita ng maraming iba pang himala sa kanyang buhay at nanatiling malakas ang patotoo sa Aklat ni Mormon.1 May espesyal na kahulugan sa akin ang kuwentong ito dahil kapatid siya ng kalolo-lolohan ko. Dahil sa halimbawa ni Mary, pati na sa iba pang mga karanasan ko sa buhay, nalaman ko na walang pinipiling edad ang paghahanap at pagkakaroon ng personal na patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon.
Ang Saligang Bato ng Inyong Patotoo
May aral kayong mapupulot sa kuwento ni Mary. Maaari din ninyong madama na mga kabinataan, kadalagahan, at bata, ang nadama niya. Kapag binasa ninyo ang Aklat ni Mormon at nanalangin kayo na may layuning malaman kung ito ay totoo, matatanggap din ninyo ang impresyong natanggap ni Mary. Maaari din ninyong matuklasan na kapag tumayo kayo at nagpatotoo tungkol sa Aklat ni Mormon, madarama rin ninyo ang pagpapatibay ng Espiritu Santo. Mangungusap ang Espiritu Santo sa puso ninyo. Madarama rin ninyo ang pagpapatibay na ito ng Espiritu Santo kapag narinig ninyong magpatotoo ang iba tungkol sa Aklat ni Mormon. Bawat isa sa mga espirituwal na patotoong ito ay maaaring ihantong ang Aklat ni Mormon sa pagiging saligang bato ng inyong patotoo.
Ipaliliwanag ko sa inyo. Inilarawan ni Propetang Joseph Smith, na nagsalin ng Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng “kaloob at kapangyarihan ng Diyos,” ang Aklat ni Mormon bilang “pinakatumpak sa anumang aklat sa mundo, at ang saligang bato ng ating relihiyon.”2
Mula nang unang ilimbag ang Aklat ni Mormon noong 1830, mahigit 174 na milyong kopya na ang nailathala sa 110 iba’t ibang wika, na nagpapakita na ang Aklat ni Mormon pa rin ang saligang bato ng ating relihiyon. Pero ano ang kahulugan nito para sa bawat isa sa inyo?
Sa mga kataga ng arkitektura, ang saligang bato ay ang gitnang bato sa isang pasukang naka-arko. Ito ang batong pangkalso sa pinakasentro at nasa pinakamataas na bahagi ng arko. Ito ang pinakamahalaga sa mga bato dahil pinananatili nito ang mga gilid ng arko sa lugar, kaya hindi ito gumuguho. At ito ang bahagi ng istruktura na tumitiyak na ang pasukan sa ilalim nito ay maaaring daanan.
Sa mga kataga ng ebanghelyo isang kaloob at pagpapala ng Panginoon na ang saligang bato ng ating relihiyon ay isang bagay na nakikita at nahahawakan at mababasa na katulad ng Aklat ni Mormon. Maituturing ba ninyo ang Aklat ni Mormon na inyong saligang bato, na pinagkukunan ninyo ng espirituwal na lakas?
Ipinaliwanag ni Pangulong Ezra Taft Benson ang mga turong iyon ni Joseph Smith. Sabi niya: “May tatlong dahilan kung bakit ang Aklat ni Mormon ang saligang bato ng ating relihiyon. Ito ang saligang bato sa ating patotoo kay Cristo. Ito ang saligang bato ng ating doktrina. Ito ang saligang bato ng patotoo.”
Itinuro pa ni Pangulong Benson: “Itinuturo sa atin ng Aklat ni Mormon ang katotohanan [at] nagpapatotoo … tungkol kay Cristo. … [Ngunit] mayroon pang iba. May kapangyarihan sa aklat na iyon na magsisimulang dumaloy sa inyong buhay sa sandaling simulan ninyong dibdibang pag-aralan ang aklat. Magkakaroon kayo ng karagdagang lakas para labanan ang tukso. … Magkakaroon kayo ng lakas na manatili sa makipot at makitid na landas.”3
Ang Aking Personal na Patotoo
Sa buhay ko naging saligang bato ng aking patotoo ang Aklat ni Mormon sa maraming taon at sa ilang karanasan ko. Ang isang nakaaantig na karanasan sa pagkakaroon ko ng patotoo ay nangyari noong naglilingkod pa ako bilang missionary sa una kong area: sa Kumamoto, Japan. Kami ng kompanyon ko ay nagpo-proselyte noon sa mga bahay-bahay. May nakilala akong isang lola na magiliw kaming pinapasok sa kanyang tahanan, na tinatawag na genkan sa wikang Hapon. Binigyan niya kami ng malamig na inumin sa mainit na panahong iyon. Hindi pa ako nagtatagal sa Japan, at katatapos ko pa lang basahin ang Aklat ni Mormon at ipinagdarasal kong matiyak kung totoo nga ito.
Dahil bago lang ako sa Japan, hindi ako gaanong marunong magsalita ng wikang Hapon. Katunayan, hindi siguro gaanong naunawaan ng lolang ito ang sinasabi ko. Sinimulan kong turuan siya tungkol sa Aklat ni Mormon, na ikinukuwento kung paano natanggap ni Joseph Smith ang isang sinaunang aklat na nakaukit sa mga lamina mula sa isang anghel at paano niya ito isinalin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos.
Nang patotohanan ko sa kanya na ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos at isa pang tipan ni Jesucristo, nakadama ako ng napakalakas na impresyon, na sinabayan ng nag-aalab na kapanatagan at kapayapaan sa puso ko, na inilarawan sa banal na kasulatan na “ang iyong dibdib ay mag-aalab.”4 Muling pinagtibay sa akin ng damdaming ito sa nakaaantig na paraan na ang Aklat ni Mormon ay totoong salita ng Diyos. Sa oras na iyon, napakatindi ng naramdaman ko at napaluha ako habang kausap ko ang lolang Hapones na iyon. Hindi ko na nalimutan pa ang espesyal na pakiramdam nang araw na iyon.
Ang Inyong Personal na Patotoo
Bawat isa sa inyo ay magkakaroon din ng personal na patotoo tungkol sa aklat na ito! Alam ba ninyo na ang Aklat ni Mormon ay isinulat para sa inyo—at para sa inyong panahon? Ang aklat na ito ay isa sa mga pagpapala ng mabuhay sa tinatawag nating dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon. Bagama’t ang Aklat ni Mormon ay isinulat ng inspiradong sinaunang mga awtor—na karamihan ay mga propeta—sila at ang mga tao sa kanilang panahon ay hindi nagkaroon ng buong aklat na ito. Ngayo’y abot-kamay na ninyo ang sagradong talaang pinakaingatan, tinanggap, at pinangalagaan ng mga propeta, saserdote, at hari! Pribilehiyo ninyong mahawakan ang buong Aklat ni Mormon. Ang nakakatuwa, nakita ng isa sa mga propeta sa Aklat ni Mormon, si Moroni, ang ating panahon—ang inyong panahon. Nakita pa nga niya kayo, sa pangitain, daan-daang taon na ang nakararaan! Isinulat ni Moroni:
“Masdan, ipinakita sa akin ng Panginoon ang mga dakila at kagila-gilalas na bagay hinggil sa … araw na yaon kung kailan ang mga bagay na ito,” ibig sabihi’y ang Aklat ni Mormon, “ay mangyayari sa inyo.
“Masdan, ako ay nangungusap sa inyo na parang kayo ay naririto, gayon pa man kayo ay wala rito. Ngunit masdan, ipinakita kayo sa akin ni Jesucristo, at nalalaman ko ang inyong mga ginagawa.”5
Para maging saligang bato ng inyong patotoo ang Aklat ni Mormon, narito ang hamon ko sa inyo. Kamakailan ay nalaman ko na maraming kabataang nag-uukol ng halos 7 oras kada araw na nakatingin sa TV, computer, at smartphone screen.6 Nasasaisip ito, maaari bang gumawa kayo ng munting pagbabago? Maaari bang palitan ninyo ang ilang oras ng araw-araw na pagtingin ninyo sa screen—lalo na iyong nakalaan sa social media, internet, video game, o telebisyon—ng pagbabasa ng Aklat ni Mormon? Kung tama ang mga pag-aaral na sinangguni ko, madali kayong makapaglalaan ng oras sa araw-araw na pag-aaral ng Aklat ni Mormon kahit 10 minuto lang sa isang araw. At makapag-aaral kayo sa paraang masisiyahan kayo rito at mauunawaan ninyo ito—sa electronic device man ninyo o sa aklat. Kamakailan ay nagbabala si Pangulong Russell M. Nelson, “Huwag nating gawing parang mabigat na tungkulin ang pagbabasa ng Aklat ni Mormon, na para itong mabilis na paglunok ng mapait na gamot na ipinaiinom sa atin.”7
Para sa ilan sa inyong mga bata, mababasa ninyo ito na kasama ang inyong magulang, lolo o lola, o isang mahal sa buhay. Kung mahirapan kayong basahin ang isang kabanata, talata, o bahagi na magiging dahilan para itigil ninyo ang pagbabasa, laktawan ito at basahin ang sumunod na mga kabanata. Nakikinita ko na tutularan ninyo ang halimbawa ni Mary. Nakikinita ko na masaya kayong maglalaan ng oras at maghahanap ng tahimik na lugar para basahin ang Aklat ni Mormon. Nakikinita ko na mahahanap ninyo ang mga sagot, madarama ninyo ang patnubay, at magkakaroon kayo ng sariling patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon at kay Jesucristo. Kapag binasa ninyo ang aklat, aasa kayo sa Panginoon.
Mababasa ninyo ang mga talata sa natatanging aklat na ito at makakabasa kayo tungkol sa inyong pinakamamahal na Tagapagligtas, ang Panginoong Jesucristo, sa halos lahat ng pahina. Tinatayang isang beses Siyang tinawag sa iba pang titulo kada 1.7 talata.8 Si Cristo mismo ay nagpatotoo sa katotohanan ng aklat na ito sa mga huling araw na ito, na sinasabing, “Yayamang ang inyong Panginoon at inyong Diyos ay buhay ito ay totoo.”9
Nagpapasalamat ako sa paanyaya at pangakong ibinigay ng Panginoon sa pamamagitan ng propetang si Moroni sa bawat isa sa inyo—at sa lahat ng nagbabasa ng Aklat ni Mormon. Magtatapos ako sa pagbasa sa paanyaya at pangakong ito at idaragdag ko ang aking patotoo: “At kapag inyong matanggap ang mga bagay na ito [ang Aklat ni Mormon], ipinapayo ko sa inyo na itanong ninyo sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Cristo, kung ang mga bagay na ito ay hindi totoo; at kung kayo ay magtatanong nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo, kanyang ipaaalam ang katotohanan nito sa inyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.”10
Pinatototohanan ko ang Panunumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw na ito at ang Aklat ni Mormon bilang nahahawakang katibayan ng Panunumbalik na iyan. Kung paano nahikayat ng mga salita ng aklat na ito ang isang 12-taong-gulang na batang babae na tanggapin ang ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo halos dalawang siglo na ang nakararaan, ang mga katotohanang matatagpuan ninyo roon ay magpapasigla at magbibigay-inspirasyon sa inyo sa gayon ding paraan. Palalakasin nito ang inyong pananampalataya, pupuspusin ng liwanag ang inyong kaluluwa, at ihahanda kayo para sa isang hinaharap na halos hindi ninyo kayang unawain.
Sa mga pahina ng aklat, matutuklasan ninyo ang walang-hanggang pagmamahal at di-maarok na biyaya ng Diyos. Kapag sinikap ninyong sundin ang mga turong matatagpuan ninyo roon, madaragdagan ang inyong kagalakan, lalawak ang inyong pang-unawa, at makikita ninyo ang mga sagot na hinahanap ninyo sa maraming hamon sa buhay. Kapag binasa ninyo ang aklat, aasa kayo sa Panginoon. Ang Aklat ni Mormon ang inihayag na salita ng Diyos. Pinatototohanan ko ito, nang buong puso at kaluluwa, sa pangalan ni Jesucristo, amen.