2016
Kanino Kami Magsisiparoon?
November 2016


Kanino Kami Magsisiparoon?

Sa huli, bawat isa sa atin ay kailangang tumugon sa tanong ng Tagapagligtas na: “Ibig baga ninyong magsialis din naman?”

Ilang taon na ang nakalipas, binisita ng aking pamilya ang Banal na Lupain. Isa sa mga malinaw sa alaala ko sa aming biyahe ang pagbisita sa silid sa itaas sa Jerusalem, ang pinangyarihan ng Huling Hapunan.

Habang nakatayo kami roon, binasa ko sa kanila ang mula sa Juan 17, kung saan sumamo si Jesus sa Kanyang Ama para sa Kanyang mga disipulo:

“Idinadalangin ko sila … upang sila’y maging isa, na gaya naman natin. …

“Hindi lamang sila ang idinadalangin ko, kundi sila rin naman na mga nagsisisampalataya sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita;

“Upang silang lahat ay maging isa; na gaya mo, Ama, sa akin, at ako’y sa iyo, na sila nama’y sumaatin.”1

Tunay akong naantig habang binabasa ko ang mga salitang ito at natagpuan ko ang aking sarili na nagdarasal sa sagradong lugar na iyon upang maging kaisa ako ng aking pamilya at ng aking Ama sa Langit at ng Kanyang Anak.

Ang mahalaga nating kaugnayan sa mga pamilya, kaibigan, sa Panginoon, at sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan ay kabilang sa mga bagay na pinakamahalaga sa buhay. Dahil napakahalaga ng mga ugnayang ito, dapat itong pahalagahan, protektahan, at alagaan.

Isa sa mga makadurog-pusong kuwento sa banal na kasulatan ay nangyari nang “marami sa … mga alagad [ng Panginoon]” ang nahirapang tanggapin ang Kanyang mga turo at doktrina, at “nagsitalikod sila, at hindi na nagsisama sa kanya.2

Nang umalis ang mga alagad na ito, bumaling si Jesus sa Labindalawa at nagtanong, “Ibig baga ninyong magsialis din naman?”3

Sumagot si Pedro:

“Panginoon, kanino kami magsisiparoon? ikaw ang may mga salita ng buhay na walang hanggan.

“At kami’y nagsisisampalataya at nakikilala namin na ikaw ang Cristo, ang Banal ng Dios.”4

Sa sandaling iyon, nang ang iba ay nagtuon sa hindi nila matanggap, pinili ng mga Apostol na magtuon sa talagang pinaniniwalaan at nalalaman nila, at bilang bunga, sila ay nanatiling kasama ni Cristo.

Kalaunan, sa araw ng Pentecostes, natanggap ng Labindalawala ang kaloob na Espiritu Santo. Hayagan silang sumaksi kay Cristo at nagsimulang maunawaan nang lubusan ang mga turo ni Jesus.

Walang pagkakaiba sa ngayon. Para sa ilan, ang paanyaya ni Cristo na maniwala at manatili ay mahirap pa rin—o mahirap tanggapin. Ang ilang alagad ay nahihirapang unawain ang isang partikular na patakaran o turo ng Simbahan. Ang iba naman ay nakatuon sa ating kasaysayan o sa mga pagkakamali ng ilang miyembro at mga lider, noon at ngayon. May iba naman na nahihirapang ipamuhay ang isang relihiyon na masyadong maraming ipinagagawa. Panghuli, ang ilan ay “napagod sa paggawa ng mabuti.”5 Dahil dito at sa iba pa, ang ilang miyembro ng Simbahan ay nalilito sa kanilang pananampalataya, iniisip na baka dapat nilang sundan ang mga “nagsitalikod, at hindi na nagsisama” kay Jesus.

Kung may sinuman sa inyo na nag-aalinlangan sa inyong pananampalataya, itatanong ko rin ang tanong ni Pedro: “Kanino [kayo] magsisiparoon?” Kung pipiliin ninyong maging di-aktibo o iwan ang ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, saan kayo pupunta? Ano ang gagawin ninyo? Ang desisyon na “hindi na magsisama” sa mga miyembro ng Simbahan at sa hinirang na mga pinuno ng Panginoon ay may matagalang epekto na hindi palaging nakikita sa ngayon. Maaaring may ilang doktrina, ilang patakaran, munting bahagi ng kasaysayan na sanhi ng pagdududa ninyo sa inyong pananampalataya, at maaaring madama ninyo na ang tanging paraan para malutas ang pagtatalo sa inyong kalooban ngayon ay ang “hindi na pakikisama” sa mga Banal. Kung kasing-tanda ko na kayo, malalaman ninyo na nalulutas din mag-isa ang mga bagay-bagay. Ang inspiradong pananaw o paghahayag ay maaaring magpaliwanag sa isang isyu. Tandaan, ang Panunumbalik ay hindi isang pangyayari, kundi patuloy itong nagaganap.

Huwag kailanman talikuran ang mga dakilang katotohanang inihayag sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Huwag tumigil sa pagbabasa, pagninilay, at pagsasagawa ng doktrina ni Cristo na nakapaloob sa Aklat ni Mormon.

Huwag kalimutang mag-ukol ng panahon sa Panginoon sa matatapat na pagsisikap na maunawaan ang inihayag ng Panginoon. Gaya ng sinabi ng mahal kong kaibigan at dating kasamahan na si Elder Neal A. Maxwell, “Huwag nating akalain … na dahil lang sa hindi natin maipaliwanag ang isang bagay ay hindi na ito maipapaliwanag.”6

Kaya bago ninyo gawin ang mapanganib sa espiritu na desisyong umalis, hinihikayat ko kayong tumigil at isiping mabuti bago isuko ang anumang naghatid sa inyo sa patotoo ninyo sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo. Tumigil at isipin ang nadama ninyo rito at bakit ninyo nadama ito. Isipin ang mga pagkakataon nang saksihan ng Espiritu Santo sa inyo ang walang hanggang katotohanan.

Saan kayo pupunta para mahanap ang iba pang katulad ninyo ang paniniwala sa mapagmahal na mga Magulang sa Langit, na nagtuturo sa atin kung paano bumalik sa Kanilang piling magpakailanman?

Saan kayo pupunta para maturuan ng tungkol sa isang Tagapagligtas na siyang pinakamatalik ninyong kaibigan, na hindi lamang nagdusa para sa inyong mga kasalanan kundi dumanas din ng “mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso” upang “ang kanyang sisidlan ay mapuspos ng awa, ayon sa laman, upang malaman niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan,”7 at naniniwala akong kabilang ang kapansanan o kawalan ng pananampalataya?

Saan kayo pupunta para malaman pa ang tungkol sa plano ng Ama sa Langit para sa ating walang hanggang kaligayahan at kapayapaan, isang planong puspos ng kagila-gilalas na mga posibilidad, aral, at patnubay para sa ating buhay dito sa lupa at sa kawalang-hanggan? Tandaan, ang plano ng kaligtasan ay nagbibigay ng kabuluhan, layunin, at direksyon sa mortal na buhay.

Saan kayo pupunta para mahanap ang detalyado at inspiradong estruktura ng organisasyon ng Simbahan kung saan kayo tinuturuan at sinusuportahan ng kalalakihan at kababaihan na talagang tapat sa paglilingkod sa Panginoon sa pamamagitan ng paglilingkod sa inyo at sa inyong pamilya?

Saan kayo pupunta para mahanap ang mga buhay na propeta at mga apostol, na tinawag ng Diyos para bigyan kayo ng isa pang mapagkukunan ng payo, pang-unawa, kapanatagan, at inspirasyon sa mga hamon sa ating panahon?

Saan kayo pupunta para makahanap ng mga taong sumusunod sa itinakdang mga pinahahalagahan at pamantayan na ibinabahagi at gusto ninyong ipasa sa inyong mga anak at mga apo?

At saan kayo pupunta para maranasan ang kagalakan na nagmumula sa nakapagliligtas na mga ordenansa at tipan ng templo?

Mga kapatid, ang pagtanggap at pagsasabuhay ng ebanghelyo ni Cristo ay malaking hamon. Ganito na noon, at ganito pa rin sa hinaharap. Ang buhay ay tulad sa mga hiker na umaakyat sa matarik at mahirap na landas. Natural at normal lamang ang huminto paminsan-minsan habang nasa daan para habulin ang ating hininga, para isiping muli ang ating patutunguhan, at para isaalang-alang muli ang ating bilis o bagal sa paglakad. Hindi lahat ay kailangang tumigil habang nasa daan, ngunit hindi mali ang gawin ang gayon kapag hinihingi ng pagkakataon. Sa katunayan, maaari itong maging positibo sa mga taong sinasamantala ang pagkakataong magpanibago ng lakas sa tubig na buhay ng ebanghelyo ni Cristo.

Ang panganib ay dumarating kapag pinili ng isang tao na gumala palayo sa landas na patungo sa punungkahoy ng buhay.8 Kung minsan ay maaari tayong matuto, mag-aral, at makaalam, at kung minsan ay kailangan tayong maniwala, magtiwala, at umasa.

Sa huli, kailangan nating sagutin ang tanong ng Tagapagligtas: “Ibig baga ninyong magsialis din naman?”9 Kailangan nating lahat na saliksikin ang sarili nating sagot sa tanong na iyan. Para sa ilan, madali ang sagot; para sa iba, mahirap ito. Hindi ako magkukunwaring alam ko kung bakit ang pananampalatayang maniwala ay mas madali para sa ilan kaysa sa iba. Nalulugod lamang akong malaman na ang mga sagot ay parating nariyan, at kung hahangarin natin ang mga ito—talagang maghangad nang may tunay na pagnanais at may buong layunin ng isang mapanalanging puso—mahahanap natin kalaunan ang mga sagot sa ating mga tanong habang nagpapatuloy tayo sa landas ng ebanghelyo. Sa aking paglilingkod, may nakilala akong mga lumihis ng landas at bumalik pagkatapos ng pagsubok sa kanilang pananampalataya.

Taimtim akong umaasa na aanyayahan natin ang marami pang mga anak ng Diyos na hanapin at manatili sa landas ng ebanghelyo upang sila rin ay “kumain ng bunga, na higit na kanais-nais sa lahat ng iba pang bunga.”10

Ang taos kong pagsamo ay na hikayatin, tanggapin, unawain, at mahalin natin ang mga nakikibaka sa kanilang pananampalataya. Hindi natin dapat pabayaan ang sinuman sa ating mga kapatid. Tayo ay nasa iba-ibang katayuan sa landas, at kailangan nating paglingkuran ang bawat isa.

Kung paanong dapat nating buksan ang ating mga bisig sa pagtanggap sa mga bagong convert, gayundin na dapat nating yakapin at suportahan ang mga may katanungan at nag-aalinlangan sa kanilang pananampalataya.

Gamit ang isa pang pamilyar na metapora, dalangin ko na sinumang nag-iisip na umalis sa “Matandang Barko ng Sion,” kung saan ang Diyos at si Cristo ang gumagabay, ay tumigil sandali at mag-isip na mabuti bago gawin ito.

Sana malaman ninyo na kahit bayuhin ng malakas na hangin at mga alon ang matandang barko, na nakasakay ang Tagapagligtas at kaya Niyang patigilin ang unos sa Kanyang utos na, “Pumayapa, tumahimik ka.” Hanggang sa sandaling iyon, hindi tayo kailangang matakot, at kailangang matatag ang ating pananampalataya at malaman na “pati ng hangin at ng dagat ay tumatalima sa kaniya.”11

Mga kapatid, nangangako ako sa pangalan ng Panginoon na hindi Niya kailanman pababayaan ang Kanyang Simbahan at hindi Niya kailanman pababayaan ang sinuman sa atin. Alalahanin ang sagot ni Pedro sa tanong at mga salita ng Tagapagligtas:

“Kanino kami magsisiparoon? ikaw ang may mga salita ng buhay na walang hanggan.

“At kami’y nagsisisampalataya at nakikilala namin na ikaw ang Cristo, ang Banal ng Dios.”12

Pinatototohanan ko na “walang ibang pangalang ibinigay, o anumang daan kung saan ang kaligtasan ay mapapasa mga anak ng tao, tanging kay at sa pamamagitan lamang ng pangalan ni Cristo.”13

Pinatototohanan ko rin na si Jesucristo ay tumawag ng mga apostol at propeta sa ating panahon at ipinanumbalik ang Kanyang Simbahan kasama ang mga turo at utos bilang “isang kanlungan mula sa bagyo, at mula sa poot” na tiyak na darating maliban kung ang mga tao sa mundo ay magsisi at bumalik sa Kanya.14

Pinatototohanan ko rin na “inaanyayahan silang lahat [ng Panginoon] na lumapit sa kanya at makibahagi sa kanyang kabutihan; at wala siyang tinatanggihan sa mga lumalapit sa kanya; maitim at maputi, alipin at malaya, lalaki at babae; … pantay-pantay ang lahat sa Diyos.”15

Si Jesus ang ating Tagapagligtas at Manunubos, at ang Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo ang ligtas na aakay sa atin pabalik sa piling ng ating mga Magulang sa Langit kung mananatili tayo sa landas ng ebanghelyo at susundan ang Kanyang mga yapak. Ito ay pinatototohanan ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.