2016
Pagtatanggol sa Kalayaang Pangrelihiyon
November 2016


Pagtatanggol sa Kalayaang Pangrelihiyon

Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay dapat makibahagi “sa makabuluhang pakikipaglaban para sa kalayaang pangrelihiyon,” sabi ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol sa isang kumperensya para sa kalayaang pangrelihiyon sa Texas, USA, noong Setyembre 2016. “Bawat isa, mula sa mga bata sa kindergarten hanggang sa mga propesyonal at sa mga ina at ama at mga kaibigan at kapitbahay ay dapat literal na nauunawaan kung ano ang kalayaang pangrelihiyon at bakit ito mahalaga.”

Nagsalita rin si Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa pagtatanggol sa kalayaang pangrelihiyon sa isang patriotic service sa Utah, USA, noong Hunyo. “Kamakailan,” sabi niya, “katanggap-tanggap sa marami na ituring ang kalayaang pangrelihiyon na karapatan lamang na sumamba sa halip na karapatan na malayang ipamuhay ang iyong relihiyon sa araw-araw.” Hinikayat niya ang mga taong sumasampalataya na manindigan para sa kalayaang pangrelihiyon sa pamamagitan ng pagiging maalam, pagpapahayag, at pakikibahagi sa mga organisasyon at kaganapan sa kultura, komunidad, at pulitika.

Paulit-ulit na tinalakay ng mga lider ng Simbahan ang paksa tungkol sa kalayaang pangrelihiyon, nagbibigay ng mga mensahe at nakikibahagi sa mga kumperensya sa Australia, Brazil, Mexico, at sa United Kingdom at sa iba’t ibang lugar sa USA. Hanapin ang kanilang mga mensahe at alamin ang tungkol sa kalayaang pangrelihiyon at ano ang magagawa ninyo para protektahan ito sa pamamagitan ng pagbisita sa religiousfreedom.lds.org. Ang ilan sa mga mababasa roon ay partikular na tumutukoy sa Estados Unidos, ngunit ang mga alituntunin ay maaaring iangkop sa iba pang mga bansa.