Mga Aktibidad para sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Para sa home evening, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, o para lang sa paglilibang!
Sining sa Patotoo
Para sa Job 1–3; 12–14; 19; 21–24; 38–40; 42
Kuwento: Si Job ay isang mabuting tao. Pagkatapos ay nawala ang lahat ng mayroon siya—ang kanyang mga hayop, kanyang mga anak, at ang kanyang kalusugan. Nalungkot siya, ngunit patuloy siyang sumampalataya kay Jesucristo. Sabi niya, “Nalalaman ko na ang aking Manunubos ay nabubuhay” (Job 19:25). Pinagpala ng Panginoon si Job dahil sa kanyang pananampalataya.
Awitin: “Ang Manunubos Ko’y Buhay,” (Mga Himno, blg. 77)
Aktibidad: Gumawa ng collage na nagpapakita ng iyong pananampalataya. Tumingin sa mga lumang magasin ng Simbahan at gumupit ng mga larawan ng mga pinaniniwalaan mo, tulad ni Jesus, ng templo, o ng mga banal na kasulatan. Pagkatapos ay idikit ang mga ito sa isang papel at isabit ito.
Sumulat ng Awit
Para sa Mga Awit 1–2; 8; 19–33; 40; 46
Kuwento: Ang mga tao sa Biblia ay sumulat ng mga awitin at tula upang purihin ang Diyos. Mababasa natin ang mga ito sa aklat ng Mga Awit. Tinuturuan tayo ng mga ito na magtiwala kay Jesucristo.
Awitin: “Turuang Lumakad sa Liwanag” (Aklat ng mga Awit Pambata, 70)
Aktibidad: Basahin ang kuwento mula sa banal na kasulatan sa pahina 8. Pagkatapos ay magsulat ng sarili mong awitin o tula na pumupuri sa Diyos! Ang aktibidad sa pahina 12 ay makatutulong sa iyo na magsimula.
Mga Kuwento sa Panalangin
Para sa Mga Awit 49–51; 61–66; 69–72; 77–78; 85–86
Kuwento: Ang ilan sa mga Awit ay parang mga panalangin sa Diyos. Sa Mga Awit 86:7, sinabi ni David, “Sa araw ng aking kaguluhan ay tumatawag ako sa iyo; sapagkat sinasagot mo ako.” Itinuturo ni David sa atin na sinasagot ng Ama sa Langit ang ating mga dalangin.
Awitin: “Panalangin ng Isang Bata,” (Aklat ng mga Awit Pambata, 6.)
Aktibidad: Basahin ang kuwento sa pahina 36. Ikuwento ang isang pagkakataon na nasagot ang iyong panalangin. Isulat ito o magdrowing ng larawan ng iyong kuwento. Pagkatapos ay ipadala ito sa amin sa Kaibigan! Tingnan ang pabalat sa likod para malaman kung paano.
Hulaan Ninyo Kung Sino
Para sa Mga Awit 102–103; 110; 116–119; 127–128; 135–139; 146–150
Kuwento: Sa Mga Awit 139:1–3, itinuro sa atin ni David na mahal tayo ng Ama sa Langit at ni Jesus at na kilala Nila ang bawat isa sa atin.
Awitin: “Aking Nadarama ang Pag-ibig ni Cristo,” (Aklat ng mga Awit Pambata, 42–43).
Aktibidad: Isulat ang pangalan ng bawat tao sa isang maliit na piraso ng papel at ilagay ito sa isang kahon o mangkok. May isang taong kukuha ng isang pangalan. Bawat tao ay maghahalinhinan sa pagtatanong ng oo o hindi na mga tanong hanggang sa mahulaan ng isang tao ang pangalan sa papel. Pag-usapan kung gaano tayo kakilala ng ating Ama sa Langit—ang ating pangalan, kung ano ang gusto nating gawin, at lahat ng bagay tungkol sa atin.