Mga Pioneer sa Bawat Lupain
Iniligtas ni Margaret ang Barko
Palubog na ang barko! Ano ang magagawa ni Margaret?
Tumayo si Margaret sa kubyerta at tiningnan ang asul na karagatan sa paligid niya. Umakyat-baba ang barko sa malalaking alon.
Ipinagbili ng pamilya ni Margaret ang halos lahat ng mayroon sila para maglayag patungo sa Estados Unidos. Aabutin ng anim na linggo ang paglalakbay. Malungkot si Margaret na lisanin ang kanilang tahanan sa Wales. Ngunit nasasabik siya sa bago niyang tahanan.
Ilang buwan na ang nakararaan, nakilala ng pamilya ni Margaret ang mga missionary mula sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nabinyagan si Margaret at ang kanyang mga magulang. At ngayon, sila ay sasama sa iba pang mga Banal sa Sion.
Napakahirap ng paglalakbay. Maysakit ang ina ni Margaret. Ang kanyang ama ay may sakit din mula sa maraming taon ng pagtatrabaho sa mga minahan ng uling. Kaya inalagaan sila ni Margaret. Inalagaan din niya ang kanyang nakababatang kapatid na lalaki at sanggol na kapatid na babae. Mahirap na gawain iyon. Pero hindi nagreklamo si Margaret.
Kung minsan ay napaka-maalog ng barko kung kaya’t parang magkakasakit din si Margaret. Sa ibang mga pagkakataon ay natakot siya. Kapag natatakot siya, pumipikit siya at humihingi ng tulong sa Ama sa Langit.
Isang araw ay narinig ni Margaret na may sumisigaw. “May butas ang barko! Lulubog na tayo!”
Nag-alala ang lahat. Sinabihan ng kapitan ang lahat na maghanap ng mga timba. Nagtimba ang mga tao ng tubig na nakapasok sa barko at itinapon ito palabas ng barko.
Gustong tumulong ni Margaret. Lumuhod siya sa tabi ng kanyang kama at nagdasal nang husto. “Ama sa Langit, tulungan po Ninyo akong mag-isip ng paraan para makatulong.”
Napuspos ng payapang damdamin ang puso ni Margaret. Alam niya na binabantayan sila ng Ama sa Langit. Tutulungan Niya sila.
Pagkatapos ay may naisip siyang ideya.
Hinila niya ang dalawang puting kumot na yari sa lana mula sa kanyang kama at tumakbo para hanapin ang kapitan. “Heto,” sabi niya. “Pakipasak ito sa butas upang pigilan ang pagpasok ng tubig.”
Nagustuhan ng kapitan ang ideya ni Margaret. Ipinasak niya ang mga kumot sa butas. Pagkatapos ay nagbuhos siya ng isang malaking timba ng mainit na alkitahan sa ibabaw nito. Nang lumamig ang alkitahan, natakpan ang butas!
“Salamat sa pagbigay ng mga kumot mo,” sabi ng kapitan. “Ang mabilis mong pag-iisip ang nagligtas sa atin.”
Ngumiti si Margaret. Alam niya na sinagot ng Ama sa Langit ang kanyang panalangin. Nagsisimula pa lang ang kanyang paglalakbay bilang pioneer, ngunit alam na niya na tutulungan siya ng Ama sa Langit sa bawat hakbang na gagawin niya.