2022
Ang 15-Minutong Himala
Agosto 2022


Ang 15-Minutong Himala

Malapit nang umalis ang bus. Makakaabot kaya sila?

mom and son running across park

“Tingnan niyo!” Bumulong si Sasha. “Isa pang squirrel.” Masaya siya sa pag-iikot sa sa Sochi Arboretum. Ang higanteng parke ay may maraming uri ng magagandang bulaklak at puno. Sa kanyang tahanan, sa gitnang Russia, maniyebe at malamig pa rin. Ngunit dito sa Sochi, sumisikat ang araw, at parang tagsibol ang hangin.

Pinanood ni Sasha ang squirrel na kinakagat-kagat ang isang mani. Mayroon pa rin itong makapal na balahibo para sa taglamig, ngunit sa tingin ni Sasha ay nasasabik na rin ito para sa tagsibol tulad niya. Ngumiti siya habang ang squirrel ay nagmamadaling umakyat sa isang puno.

Pagkatapos ay biglang tumunog ang telepono ni Mama. “Hello?” sabi ni Mama. Natigilan siya. “Pero akala ko para bukas pa ang mga tiket namin! Para ngayong araw iyon?” Hindi nagtagal ay ibinaba niya ang telepono.

“Sasha! Kailangan na nating umalis ngayon. Ang pagpunta natin sa Skypark ay para ngayong umaga, at aalis na ang bus sa loob ng 15 minuto!”

“Makararating po ba tayo sa sakayan ng bus nang ganoon kabilis?” tanong ni Sasha.

“Sana. Manalangin tayo sa ating puso at gawin ang lahat ng ating makakaya.” Hinawakan ni Mama ang kanyang kamay, at nagsimula silang tumakbo.

Malaki ang Sochi Arboretum. Hindi sigurado si Sasha na mahahanap nila ang daan palabas! Ngunit nagdasal siya sa kanyang puso. Tulungan po Ninyo kaming makarating sa sakayan ng bus sa tamang oras. Talagang gustung-gusto ko pong makapunta sa Skypark.

Ang Skypark ay isang adventure park sa itaas ng mga bundok. Ito ay may higanteng mga swing, mga pader na maaaring akyatin, zipline, at ropes course. Mayroon din itong Skybridge—isang napakahabang tulay na nasa itaas ng ere. Umasa si Sasha na makararating sila roon sa tamang oras.

Sa wakas ay nakalabas sila at naghanap ng taxi. Nakahanap sila kaagad ng taxi! Pumasok sila at sinabi ni Mama sa drayber ang pangalan ng sakayan ng bus.

“Masuwerte ka!” sabi ng drayber. “May alam akong shortcut.”

Tumingin si Sasha sa labas ng bintana habang mabilis nilang dinaraanan ang mga puno sa labas.

“Sa tingin ba ninyo ay aabot tayo?” tanong ni Sasha kay Mama.

Tiningnan ni Mama ang kanyang relo. “Hindi ko alam. Pero nagdasal tayo. At kahit hindi tayo umabot, OK lang. Makikipagsapalaran tayo!”

Hindi nagtagal ay naroon na sila sa sakayan ng bus. Ni hindi pa dumarating ang bus doon! Nahuli sa oras ang pagdating ng bus.

Naghahabol pa rin ng hininga sina Mama at Sasha, ngunit ngumiti si Sasha. “Tama ang drayber na iyon! Swerte nga po tayo.”

“Palagay ko hindi lang tayo sinuwerte, mahal,” sabi ni Mama. “Kung minsan may maliliit tayong himala na nagpapaalala sa atin kung gaano tayo kamahal ng Ama sa Langit.”

Pagkatapos ay biglang dumating ang bus. Sumakay sa bus sina Mama at Sasha papunta sa Skypark. Nagpasalamat si Sasha sa maliit na himalang ito!

Page from the August 2022 Friend Magazine.

Larawang-guhit ni Mitch Miller