Ang Misyon na Maglinis
May sorpresa sina Millie at Inay para kay Tiya Alyssa.
Tiningnan ni Inay ang kanyang cellphone. “Naku po! Nasa ospital si Tiya Alyssa.”
Biglang nanlumo si Millie. Alam niya na ang ospital ay isang lugar kung saan nagpupunta ang mga tao kapag malubha ang sakit nila. Ngunit ito ang unang pagkakataon na kailangang manatili roon ang isa sa kanyang kapamilya.
“Ano ang magagawa natin para matulungan siya?” tanong ni Millie.
“Alamin natin.” Tinawagan ni Inay si Tiya Alyssa. Nakapag-hello si Millie, na nagpasaya sa kanya. Sinabi sa kanila ni Tiya Alyssa na isang linggo na siyang maysakit. Umaasa siyang makakauwi siya mula sa ospital pagkalipas ng ilang araw.
“Palagay ko alam ko kung paano natin siya matutulungan,” sabi ni Inay pagkatapos niyang makipag-usap sa telepono. “Kailangan natin ng ilang kagamitan.”
Makalipas ang ilang oras, inakyat nina Millie at Inay ang hagdan papunta sa apartment ni Tiya Alyssa. Dala nila ang isang timba na puno ng mga basahan, sabon, at pang-isis. May misyon sila na maglinis!
Tinulungan muna ni Millie si Inay na hugasan ang mga pinggan. Pagkatapos ay tumulong siya sa pagtupi ng ilang labada. Pinunasan niya ang mesa sa kusina at winalis din ang sahig.
Habang nagtatrabaho siya, naisip ni Millie kung gaano niya kamahal si Tiya Alyssa. Tuwing kailangang magtrabaho nina Inay at Itay sa magkaparehong oras, pinupuntahan siya ni Tiya Alyssa para samahan siya. Kung minsan ay magkasama silang nagpupunta sa parke. Kapwa nila gustong pinanonood ang mga tao na inilalakad ang kanilang mga aso sa tabi ng ilog.
Matapos ang maraming trabaho, sinabi ni Inay na halos tapos na sila. Tinulungan siya ni Millie na maglagay ng malinis na kobre-kama sa kama ni Tiya Alyssa.
“May naisip ako,” sabi ni Inay. “Huwag muna nating sabihin kay Tiya Alyssa kung ano ang ginawa natin. Sa gayong paraan, magiging sorpresa ito kapag nakauwi na siya mula sa ospital!”
Humagikgik si Millie habang iniisip kung ano ang magiging hitsura ng kanyang tiya kapag binuksan na nito ang pinto.
“Mag-iwan din tayo ng maikling sulat sa kanya!” sabi ni Millie.
Nagtupi si Inay ng isang pirasong papel at sumulat sa loob. Nagsulat si Millie, “Sana gumaling po kayo kaagad!” sa harapan at nagdrowing ng maraming puso rito. Iniwan nila ito sa unan ni Tiya Alyssa.
“Salamat sa pagsama sa akin sa isang misyon ng paglilinis ngayong araw,” sabi ni Inay habang pauwi sila. “Magiging masayang-masaya at magugulat si Tiya Alyssa.”
Ngumiti si Millie. Malungkot pa rin siya dahil may sakit si Tiya Alyssa. Ngunit ang pagtulong ay nagpagaan nang kaunti sa damdamin ni Millie. Umasa siyang bubuti na rin ang pakiramdam ng tiyahin niya!