“Problema sa Pagkiliti,” Kaibigan, AGO. 2022.
Problema sa Pagkiliti
Masaya lang kapag masaya ang lahat!
“Inay!” sigaw ni Lizzie. “Panay po ang pagkiliti ni Max sa akin! Kahit sinabihan ko na siyang tama na.”
“Hindi naman po!” pabalik na sigaw ni Max. “Kiniliti ko lang naman po siya nang kaunti. At sinusundot niya po ako!”
“Mga bata!” tawag ni Inay mula sa pasilyo. “Akala ko ba magtatatayo tayo ng kutang kumot? Tumigil na kayo sa pag-aaway at tulungan n’yo ako.”
Mabilis na lumayo si Lizzie at tumakbo papunta sa sala. Pero mainit pa rin ang ulo ni Max.
Bakit ba napakasumbungera ni Lizzie? naisip niya habang nagdadabog. Masaya namang magkilitian, ‘di ba? Bukod pa ro’n, lagi akong sinusundot ni Lizzie, at ayaw ko rin ‘yon.
Pagdating ni Max sa sala, nakapaglabas na ng santambak na kumot si Inay. Inabot ni Max ang paborito niyang dilaw na kumot, pero naunang sunggaban iyon ni Lizzie.
Hinablot iyon ni Max mula sa mga kamay niya. “Akin ‘yan!”
“Ibalik mo ‘yan!” Sinunggaban ni Lizzie ang isang unan at hinampas siya sa braso.
“Tama na!” sigaw ni Max. Pero hinampas lang siya ni Lizzie sa kabilang braso.
“Oy, oy, mga bata!” sabi ni Inay. “Hindi ganito ang pagtatayo natin ng kuta.” Umupo siya sa isang kutson sa sahig at hinila sina Max at Lizzie sa tabi niya. “Huminga tayong lahat nang malalim.”
Tumingin si Max sa likod ni Inay at pinandilatan si Lizzie. Pagkatapos ay medyo huminga siya nang malalim.
Inakbayan ni Inay sina Max at Lizzie. “Kung may ginagawa ang isang tao na hindi n’yo gusto at ayaw niyang tumigil, ano ang mararamdaman n’yo?”
“Hindi po maganda,” mahinang sabi ni Lizzie.
“Tama,” sabi ni Inay. “Masaya lang ang sundutan at kilitian at batuhan ng unan kapag masaya ang lahat. Iginagalang natin ang bawat isa sa pamamagitan ng pagtigil kapag sinabihan tayong tama na.”
“Pero kilitian lang naman po,” sabi ni Max.
“Siyempre, maaaring kilitian lang ‘yon para sa ‘yo. Pero baka ayaw talaga ‘yon ni Lizzie,” sabi ni Inay. “Binigyan ng Ama sa Langit ang bawat isa sa atin ng kamangha-manghang katawan para pangalagaan at protektahan. At ang ibig sabihin n’yan ay OK lang na sabihing ‘tama na!’”
“Kung gano’n po ba ay wala nang sundutan?” tanong ni Lizzie.
“Naiinis po ako ‘pag sinusundot ako!” sabi ni Max kay Inay. “Gumawa kaya tayo ng bagong tuntunin sa pamilya? Kapag ayaw pahawak ng isang tao at sinabi niyang ‘tama na,’ tumigil tayo kaagad.”
“Napakagandang ideya n’yan,” sabi ni Inay. “Ano sa palagay mo, Lizzie?”
Ngumiti si Lizzie. “Gusto ko po ‘yon, lalo na kung ibig sabihin niyan ay wala na ring kilitian.”
“Magaling,” sabi ni Inay. “Kapag may humawak sa ‘yo, at ayaw mo, puwede mo siyang sabihan ng huwag.”
“Kahit po kayo ang nang-iinis sa amin?” Ngumisi si Max.
“Oo. Kahit ako pa o si Itay o si Lizzie o isang kaibigan—ang tama na ay tama na. At kung hindi pa rin sila nakinig at hinawakan ka pa rin nila, isumbong mo kaagad sa akin o kay Itay.”
“Pero hindi po ba pagdadaldal ‘yon?” tanong ni Lizzie.
“Hindi pagdadaldal ‘yon,” sabi ni Inay. “At dapat kang magsumbong kahit sabihin n’ong isa na huwag.”
“Ibig po bang sabihin nito ay hindi ko kailangang yakapin si Tita Mindy pagdating niya?” tanong ni Lizzie. “Napakahigpit po kasi niyang yumakap, at ayaw ko ‘yon.”
Ngumiti si Nanay. “Oo, medyo mahigpit ngang yumakap si Mindy. Kumaway ka na lang ‘pag nagpapaalam ka at sabihin mong ‘huwag na po, salamat’ kung gusto ka niyang yakapin. OK lang iyon. May mga taong ayaw ko ring yakapin.”
Pinalaki at pinalungkot ni Max ang mga mata niya. “Ibig sabihin po ba niyan ay ayaw n’yong niyayakap kami?”
Tumawa lang si Inay at niyakap nang mahigpit sina Lizzie at Max. “Hindi, oy, kayo ang mga paborito kong yakapin. Tara na, tapusin na natin ang kuta natin!”
Itinayo nila nang tabi-tabi ang mga kutson para gumawa ng mga pader. Tapos ay kinuha nila ang mga upuan sa kusina at tinakpan ng mga kumot ang mga ito. Gumapang sa loob sina Lizzie at Max at nagtulak ng isa pang kutson sa pasukan para makagawa ng pinto.
Ngumiti si Lizzie at umabot para sundutin si Max.
“Tama na,” sabi ni Max, at tumigil ang daliri ni Lizzie sa mismong harapan niya. Ngumisi siya at inilabas ang kanyang daliri, na handang gantihan ng sundot si Lizzie. “OK. Simula na tayo.”