2022
Magandang Bagay ang Pagsisisi!
Agosto 2022


Magandang Bagay ang Pagsisisi!

Hindi alam ni Gemma kung bakit siya nagalit.

girl sitting outside with her friend

Nakaupo si Gemma at ang kaibigan niyang si Harper sa ilalim ng puno sa harap ng bahay ni Gemma. Ang puno ay puno ng mga kulay rosas na bulaklak. Napakagandang araw nito.

“Alam mo ba?” sabi ni Harper. “Magtatapos na ang pinsan ko sa elementarya.”

Binunot-bunot ni Gemma ang damuhan. Inisip niyang sana makapagtapos na rin siya.

“Nakakatuwa naman,” sabi niya.

“Magkakaroon kami ng malaking family party para magdiwang,” sabi ni Harper. “Papasok na ang pinsan ko sa middle school sa susunod na taon. Ang swerte niya!”

“Nag-aral na sa middle school ang kapatid ko,” sabi ni Gemma.

“Alam mo ba na makakakuha ka ng sarili mong locker sa middle school?” tanong ni Harper.

“Oo, alam ko!” sabi ni Gemma. “Kasasabi ko lang sa iyo—nag-aral na ang kapatid ko sa middle school.” Bakit ba patuloy na nagyayabang si Harper? naisip ni Gemma. Hindi niya ako binibigyan ng pagkakataong magsalita!

“At gym! Makakapunta sila sa gym araw-araw,“ sabi ni Harper. “Sabi ng pinsan ko—”

“Harper, wala akong pakialam sa sinabi ng pinsan mo,” sabi ni Gemma. “Alam ko na ang lahat ng tungkol sa pagpasok sa middle school.”

Ibinaling ni Harper ang tingin niya sa mga bulaklak na nahulog mula sa puno. Biglang uminit ang mukha ni Gemma. Hindi niya alam kung ano ang gagawin o sasabihin.

Sa wakas ay tumayo si Gemma. Pinagpag niya ang dumi sa kanyang pantalon at tumakbo papasok sa kanilang bahay.

Bakit siya nagalit? Walang namang ginawang mali si Harper. Umupo si Gemma sa gilid ng kanyang kama at huminga nang malalim. Sana hindi niya sinabi iyon kay Harper. Hindi ito mabait na pananalita.

Tumingin siya sa kanyang mesa at nakita ang isang kulay peach na binder na may makintab na puso. Iyon ang aklat ng binyag na ginawa ng kanyang ina. Nasa loob nito ang mga larawan mula sa kanyang buhay at mga mensahe mula sa pamilya at mga kaibigan. Kinuha niya ang binder at binuklat ang mga pahina.

Napansin niya ang isang mensahe. Sabi rito, “Gusto kong malaman mo na ipinagmamalaki ng Ama sa Langit ang inyong pasiyang magpabinyag. Kapag nagkamali ka at nagsisi, patatawarin ka Niya. Magandang bagay ang pagsisisi!”

Huminga nang malalim si Gemma. Ang paraan ng pakikitungo niya kay Harper ay hindi mabuti. Ngunit alam na niya ang gagawin ngayon.

Tumakbo siya sa labas at umupo sa tabi ni Harper. Yumuko si Harper.

“Sorry sa mga sinabi ko. Hindi ako dapat nagalit ,” sabi ni Gemma.

Tumingala si Harper. “Okey lang ‘yon. Alam kong hindi mo sinasadyang sabihin iyon. Salamat sa paghingi ng paumanhin.” Binigyan niya si Gemma ng isang bulaklak na nahulog mula sa puno.

Nang gabing iyon, sinabi ni Gemma kay Inay ang nangyari. “Pinatawad ako ni Harper,” sabi ni Gemma. “Pero kailangan ko pa ring magsisi sa Ama sa Langit. Pwede po ba ninyo akong tulungan?”

“Siyempre naman,” sabi ni Inay. Niyakap nito nang mahigpit si Gemma. “Gusto mo bang ipagdasal ito ngayon?”

Lumuhod sina Gemma at Inay.

girl and mom praying

“Mahal kong Ama sa Langit,” pagdarasal ni Gemma, “Patawad po dahil inaway ko si Harper. Gusto ko pong magsisi at maging mas mabuti.”

Masaya ang pakiramdam ni Gemma habang nagdarasal siya. Masaya siya na kaya niyang makipag-ayos kay Harper. At sa Ama sa Langit. Ang pagsisisi ay isang mabuting bagay!

Page from the August 2022 Friend Magazine.

Mga paglalarawan ni Carolina Farías