2022
Handang Magbisikleta
Agosto 2022


Handang Magbisikleta

Gustong sumama ni Quade sa kanyang mga kaibigan. Pero may isa nga lang problema.

dad helping boy ride bike

Kinawayan ni Quade ang kanyang mga kaibigan habang naglalakad siya pauwi mula sa paaralan. “Kitakits!”

“Magbibisikleta kami papunta sa parke sa susunod na linggo. Sasama ka ba?” tanong ni James.

Biglang uminit ang mukha ni Quade.

“Baka,” sabi niya. “Hindi pa ako sigurado.”

Nagmamadaling umuwi si Quade. Inilabas niya ang kanyang berdeng bisikleta sa garahe at pinagpag ang alikabok sa upuan. Wala nang hangin ang mga gulong. Pero hindi mahalaga iyon. Ni hindi nga niya alam kung paano magbisikleta!

“OK ka lang ‘diyan?” tanong ni Itay habang palabas siya mula sa bahay.

“Gusto po ng mga kaibigan ko na magbisikleta sa susunod na linggo,” sabi ni Quade. “Pero hindi ko po alam kung paano. Natatakot po ako na baka pagtawanan nila ako.”

“Meron kang isang linggo para matuto,” sabi ni Itay. “Gusto mo bang magsimula ngayon?”

Tumango si Quade.

Tinulungan ni Itay si Quade na lagyan ng hangin ang mga gulong ng kanyang bisikleta. Pagkatapos ay sumakay si Quade sa bisikleta. Hinawakan niya nang mahigpit ang mga hawakan hanggang sa naging puti ang kanyang mga kamay.

“OK, aalalayan kita. Magsimula ka nang mag-pedal,“ sabi ni Itay.

Nag-pedal paabante si Quade. Ngunit nang magsimulang gumalaw ang bisikleta, kinabahan siya.

“Nakakatakot ito!” sabi niya. Tumalon siya pababa ng bisikleta. Huminga siya nang malalim nang ilang ulit. Pagkatapos ay sumakay ulit siya at muling sumubok. Ngunit ang bisikleta ay gumigiwang-giwang!

“Parang hindi ko po ito kayang gawin,” sabi niya. “Maaari po ba tayong humingi ng tulong sa Ama sa Langit?”

Tumango si Itay. Hinalukipkip ni Quade ang kanyang mga braso at pumikit.

“Mahal kong Ama sa Langit, tulungan po Ninyo akong matutong magbisikleta. “Tulungan po Ninyo akong huwag masyadong matakot.” Sa pangalan ni Jesucristo, amen.” Nang matapos ni Quade ang kanyang panalangin, napanatag siya. Niyakap niya si Itay.

“Handa ka na bang sumubok muli?” tanong ni Itay.

“Opo.”

Tinulungan ni Itay si Quade na sumakay muli sa kanyang bisikleta. Ipinatong ni Quade ang kanyang mga paa sa mga pedal. Hinawakan niya ang mga hawakan at tumingin paharap. Pagkatapos ay nagsimula siyang mag-pedal.

Sa unang ilang pagsubok, hindi mapatakbo ni Quade ang bisikleta. Pero nagpatuloy siya. Sa wakas ay nakarating siya sa dulo ng kalye nang hindi bumabagsak. Ngumiti siya at sumuntok paitaas sa hangin. Nakakapagbisikleta na siya nang walang tulong ni Itay!

Nagawa ko ito!” sabi ni Quade. “Ang saya nito.”

“Ang galing mo!” sabi ni Itay.

Nagpraktis si Quade na magbisikleta araw-araw. Sa sumunod na linggo, pumunta ang kanyang mga kaibigan sa bahay niya. Lahat sila ay nakasakay sa kanilang bisikleta.

“Uy, Quade,” sabi ni James. “Gusto mo bang sumama sa amin sa parke?”

Isinuot ni Quade ang kanyang helmet. “Oo! Salamat sa pag-anyaya sa akin!”

Sumakay si Quade sa kanyang bisikleta. Sa tulong ni Itay at ng Ama sa Langit, handa na siyang magbisikleta!

Page from the August 2022 Friend Magazine.

Larawang-guhit ni Mark Robison