“Carousel ng Kabaitan,” Kaibigan, Mar. 2023, 28–29.
Carousel ng Kabaitan
Naisip ni Damien na hindi na lang sana niya sinigawan ang kapatid niyang babae.
Pagpasok ni Damien sa parke, narinig niya ang masayang tugtog. Dinala siya at ang kapatid niyang musmos na si Adele ng kanyang lola para isakay sa paborito niyang carousel. May masayang laro doon na may mga ring. Sabik na si Damien na ipakita kay Adele kung paano maglaro.
Hindi nagtagal ay nasa pila na sila. Ang carousel ay malaki at makulay, na may maraming inukit na kabayo. Nakaupo ang mga batang nakangiti sa mga kabayo at kumakaway habang ikot ito nang ikot.
“Kung pipili ka ng kabayo na nasa gilid, maaari kang maglaro ng ring game!” sabi ni Damien kay Adele. “Nakikita mo ba ang mga patpat na hawak ng mga bata? At nakikita mo ba ang lalaking may hawak na mga ring?”
Itinuro ni Damien ang trabahador. Nakatayo siya malapit sa carousel na may hawak na ring. Habang nakasakay sila sa carousel, sinubukan ng mga bata na isuksok ang patpat nila sa ring para masikwat iyon. Tuwing may masisikwat silang ring, naglalabas ng bago ang trabahador.
Pumalakpak si Adele. “Gusto kong masikwat ang lahat ng ring!” sabi niya.
Sa wakas ay nakarating sila sa unahan ng linya. Pero iisa na lang ang natitirang kabayo sa carousel.
“Damien,” sabi ni Grand-mère, “bakit hindi natin hayaang si Adele ang sumakay sa huling kabayong ito tutal hindi pa siya nakasakay rito kahit kailan? Sumakay ka na lang sa susunod na ikot.”
“Sige po,” bulong ni Damien. Pinanood niya ang pagtulong ng trabahador kay Adele na sumakay sa makintab na kabayong kulay-brown. Pagkatapos ay inabutan ng trabahador ng patpat si Adele para makasikwat ng mga ring.
Nagsimula ang tugtog, at nagsimulang umikot ang carousel. Pinanood ni Damien si Adele mula sa tabi kasama si Grand-mère. Pero baligtad ang hawak ni Adele sa patpat! Sa halip na hawakan ang patpat sa malaking hawakan, hinawakan niya iyon sa mahaba at payat na dulong pangsikwat sa mga ring.
“Adele, baligtarin mo ang patpat mo!” sigaw niya. Pero parang hindi siya narinig ni Adele dahil sa ingay. Nang maraanan niya ang ring, tinamaan ito ng patpat niya. Pero napakalaki ng hawakan para magkasya sa loob ng ring.
“Adele, ang patpat mo!” muling pagsubok ni Damien. “Hindi ka makakasikwat ng mga ring kapag ganyan ang paghawak mo!”
Pero hindi siya narinig ni Adele. Ngumiti lang si Adele at tumawa habang umiikot ang carousel. Paulit-ulit na tinamaan ng patpat niya ang ring. Wala siyang nasikwat ni isa.
Nainis si Damien. Sinasayang ni Adele ang pag-ikot niya! Kung siya ang nasa carousel, masisikwat niya ang lahat ng ring.
Nang matapos ang pagsakay, tumakbo siya kay Adele.
“Sinabi ko sa iyo kung paano hawakan ang patpat!” sigaw niya. “Bakit hindi ka nakinig sa akin? Maling lahat ang ginawa mo!”
Hindi gumanti ng sigaw si Adele kay Damien. Hindi siya umiyak. Nakatayo lang siya roon at mukhang nanliliit.
Kumabog ang puso ni Damien, at nag-init ang kanyang mukha. Nagalit siyang mapanood na hindi nasikwat ni Adele ang lahat ng ring na iyon! Pero unang pagkakataon lang ni Adele iyon. Bukod pa roon, mukhang masaya naman siya. Pero hindi na ngayon.
Nalungkot nang husto si Damien. Naisip niya na hindi na lang sana niya sinigawan si Adele.
“Sori,” pabulong niyang sinabi. “Hindi maganda ang inasal ko.”
Tumingala si Adele.
“Kung bigyan kaya kita ng ilang tip sa pagsikwat sa mga ring?” sabi ni Damien. “Tatabihan kita sa carousel at tutulungan kita.”
Tumango si Adele.
Pagkatapos ay bumaling si Damien kay Grand-mère. “Puwede po ba kaming bumili ng dalawang tiket para muling makasubok si Adele?”
Ngumiti si Grand-mère. “Siyempre naman.”
Ang kuwentong ito ay naganap sa France.