2023
Tumakbo Patungo sa Liwanag
Marso 2023


“Tumakbo Patungo sa Liwanag,” Kaibigan, Mar. 2023, 32–33.

Kaibigan sa Kaibigan

Tumakbo Patungo sa Liwanag

Hango sa “Running toward the Light” (video), ChurchofJesusChrist.org.

Batang lalaking tumatakbo habang may dalang backpack

Larawang-guhit ni Adam Nickel

Lumaki ako sa mapanganib na bahagi ng isang malaking lungsod. Isang araw naglalakad ako papasok sa paaralan na may kaunting pera sa bulsa ko. Tumutunog ang mga barya habang naglalakad ako.

Kinailangan kong lampasan ang isang grupo ng ilang batang lalaking mas matanda sa akin. Sinikap kong magmukhang tiwala sa sarili. Sinikap kong huwag matakot. Pero narinig nila ang tunog ng mga barya. Gusto nilang kunin ang mga barya at sinimulan nila akong habulin.

Tumakbo ako nang ubod nang bilis para makalayo. Lumiko ako sa isang eskinita. May nakita akong liwanag sa dulo ng eskinita, kaya tumakbo ako patungo sa liwanag. Hindi nagtagal ay tumigil sila sa pagsunod sa akin, at nakaligtas ako.

Naging huwaran ito sa buhay ko. Tumakbo ako palayo sa masama, at hinanap ko ang mabuti. Kung minsa’y pinanghihinaan ako ng loob, pero patuloy kong sinisikap na hanapin ang liwanag.

Nang mag-aral ako sa kolehiyo, naglaro ako sa basketball team. Karamihan sa mga ka-team ko ay mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nalaman ko ang tungkol sa ebanghelyo mula sa kanila. Natutuhan ko na ako ay anak ng Diyos. Ang ibig sabihin niyan ay madaraig ko ang aking mga paghihirap at magiging mas mabuti ako. Sumapi ako sa Simbahan. Mula noon, sinikap ko na araw-araw na maging higit na katulad ng aking Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo. At magagawa mo rin iyan!

Kapag tumatakbo ka patungo sa liwanag, may pag-asa. Alam mo na tumatakbo ka patungo sa lakas, kapayapaan, at kaligayahan. Kailangan nating lahat na tumakbo patungo sa liwanag.

Masayang Basketball

aktibidad ng mga basketball na ginupit-gupit

Natuto si Elder Johnson tungkol sa ebanghelyo habang naglalaro ng basketball. Ngayo’y ikaw naman!

  1. Gupitin ang mga square sa ibaba at lamukutin ang mga iyon hanggang sa maghugis-bola.

  2. Maghalinhinan sa pag-shoot ng mga bola sa isang mangkok.

  3. Kapag pumasok ang isang bola sa mangkok, buksan ang papel at sagutin ang tanong!

  • Ano ang isang paraan na masusunod mo ang Ama sa Langit?

  • Kailan mo pinili ang tama?

  • Paano mo nakikita ang liwanag ng Diyos sa iyong buhay?

  • Ano ang nagpapadama ng pagmamahal ng Ama sa Langit sa iyo?

  • Paano mo maibabahagi sa iba ang liwanag ng Ama sa Langit?

  • Isulat ang sarili mong tanong!