2023
Pagtupad sa Kanyang Pangako
Marso 2023


“Pagtupad sa Kanyang Pangako,” Kaibigan, Mar. 2023, 10–11.

Pagtupad sa Kanyang Pangako

Katatapos ko lang magsinungaling kay Itay. Paano na ngayon?

Ang kuwentong ito ay naganap sa Ghana.

Isang batang lalaking binibinyagan

“Anim na araw na lang, bibinyagan na ako!” sabi ni Happiness. Malapit na iyon!

“Handa ka na ba?” tanong ni Itay.

“Palagay ko po,” sabi ni Happiness.

“Kapag nabinyagan ka, nakikipagtipan ka,” sabi ni Itay. “Naaalala mo ba ang ibig sabihin niyon?”

“Pangako po iyon, ‘di ba?”

Tumango si Itay. “Tama! Nangangako kang sundin si Jesucristo at ang mga kautusan. Nangangako ang Ama sa Langit na pagpapalain at tutulungan ka.”

Ngumiti si Happiness. Alam niya na mahalagang pangako iyon. Sabik na siyang gawin iyon!

Sa wakas ay sumapit ang araw ng kanyang binyag. Nagpalit ng puting damit si Happiness. May dalawa pang batang bibinyagan din. Nakamasid silang lahat habang napupuno ng tubig ang bautismuhan.

Noong siya na ang bibinyagan, lumusong sina Happiness at Itay sa bautismuhan. Binigkas ni Itay ang panalangin sa binyag. Pagkatapos ay pinisil ni Happiness ang kanyang ilong, at inilubog na siya ni Itay sa tubig.

Nang umahon siya, napakaganda ng pakiramdam ni Happiness! Gusto niyang tuparin ang pangako niyang sundin si Jesus. Gusto niyang madama ang ganitong kalinisan at saya magpakailanman. Ayaw niyang makagawa ulit ng maling pasiya.

Makalipas ang ilang araw, nagising si Happiness at binuksan ang water heater para makaligo siya. Natagalan bago uminit ang tubig. Kaya binuksan ni Happiness ang TV. Gusto niyang manood ng cartoons habang naghihintay siya.

Tumawa si Happiness habang pinanonood ang nagsasalitang mga hayop sa screen. Masyadong nakakatawa ang palabas na ito! Hindi nagtagal ay nalimutan na niya ang water heater.

Makalipas ang isang oras, pumasok si Itay sa kuwarto. “Gaano katagal nang nakabukas ang water heater?” tanong nito.

Tumingala si Happiness. Natagalan ang panonood niya ng TV kaysa binalak niya!

“Hindi naman po gaanong matagal,” sabi ni Happiness. “Ilang minuto pa lang po.” Pinatay niya ang TV at tumakbo na para maligo.

Pero maghapong hindi maganda ang pakiramdam ni Happiness. Pagkatapos ng kanyang binyag gusto niyang hindi na makagawa ng maling pasiya kailanman. Pero katatapos lang niyang magsinungaling kay Itay!

Batang lalaking nakapatong ang mga kamay sa kanyang ulo

Bumuntong-hininga si Happiness. Alam na niya ang dapat niyang gawin.

“Itay,” sabi ni Happiness. “Nagsinungaling po ako. Matagal ko pong naiwang bukas ang water heater, pero hindi ko po sinadya. Sorry po.”

“OK lang. Salamat sa pagtatapat mo sa akin,” sabi ni Itay.

“Masama po talaga ang pakiramdam ko dahil sinira ko ang pangako ko sa binyag,” sabi ni Happiness.

Naupo si Itay sa tabi ni Happiness sa sopa. “Nang binyagan ka, hindi mo ipinangako na magiging perpekto ka. Ipinangako mo na sisikapin mong sundin si Jesus.”

Tumango si Happiness. Medyo gumanda ang pakiramdam niya roon.

“At alam mo ba kung ano ang magagawa mo kapag nakagawa ka ng maling pasiya?” tanong ni Itay.

“Magsisi?” sabi ni Happiness.

“Tama! Kapag nagsisisi tayo, pinapatawad tayo ng Ama sa Langit. Pagkatapos ay maaari tayong maging malinis na tulad noong araw na bininyagan tayo. Ang pagsisisi ay bahagi ng pagtupad sa iyong pangako sa binyag.”

Napangiti si Happiness. “Magdarasal ako at hihilingin ko sa Ama sa Langit na patawarin ako.” Masaya siya na maaari niyang tuparin ang kanyang pangako sa binyag.

Isang batang lalaking nakaluhod sa panalangin
PDF ng kuwento

Mga larawang-guhit ni Macky Pamintuan