2023
Ang Panalangin sa Oras ng Lindol
Marso 2023


“Ang Panalangin sa Oras ng Lindol,” Kaibigan, Mar. 2022, 4–5.

Ang Panalangin sa Oras ng Lindol

Nang magising si Violet, lahat ay umuuga!

Ang kuwentong ito ay naganap sa Peru.

Batang babaeng gulat na gumising habang hawak ang isang kumot

Tulog si Violet nang gisingin siya ng isang dumadagundong na tunog. Noong una, akala niya’y kulog iyon.

Pero lumakas nang lumakas ang dagundong. Inuga nito ang mga bintana sa kuwarto niya.

Mabilis na umupo si Violet. Lumilindol!

Kalilipat lang nila ng pamilya niya sa Peru kamakailan. Alam niya na madalas lumindol dito. At handa sila ng kanyang pamilya para doon at nagpraktis na sila ng gagawin. Pero mas nakakatakot pala ito kaysa inakala niya. Ramdam niyang umuuga ang katawan niya!

Tumakbo si Violet sa kusina at gumapang sa ilalim ng mesa. Makalipas ang ilang segundo, sumama sa kanya ang kapatid niyang lalaki at babae na mas bata sa kanya. Gayundin sina Inay at Itay.

“Mabuti at natatandaan ninyo ang pinraktis natin,” sabi ni Itay. “OK lang ba ang lahat?”

Tumango ang mga kapatid ni Violet.

Pero takot si Violet. Pumikit siya. Mahirap balewalain ang pag-uga sa paligid niya.

Pagkatapos ay naalala ni Violet na magdasal. Humalukipkip siya at yumuko. “Mahal na Ama sa Langit,” bulong niya, “pangalagaan Mo po sana ang pamilya ko.”

Pamilyang nagdarasal sa ilalim ng mesa habang lumilindol

Patuloy na nagdasal si Violet. Pakiramdam niya ay may yumayakap sa kanya. Nang makatapos siya, tumingala siya. Nakahalukipkip sina Inay at Itay. Gayundin ang mga kapatid niya. Nagdarasal silang lahat! Umuuga pa rin ang lupa. Pero nakadama ng kapayapaan si Violet sa kanyang puso’t isipan.

Sa wakas, tumigil ang pag-uga. Nanatili pa sandali si Violet at ang kanyang pamilya sa ilalim ng mesa, para masiguro lang na ligtas sila.

“Ano ang pakiramdam mo?” tanong ni Inay kay Violet.

“OK naman po,” sabi ni Violet. “Noong una po talagang natakot ako. Pero gumanda ang pakiramdam ko nang magdasal ako.” Niyakap niya si Inay. Natuwa siya na natulungan siya ng Ama sa Langit na makadama ng kapayapaan.

PDF ng kuwento

Mga larawang-guhit ni Toby Newsome