“Ang Problema sa Pagbabahagi,” Kaibigan, Mar. 2023, 36–37.
Ang Problema sa Pagbabahagi
“Ang pagbabahagi ay isang paraan para ipakita sa isang tao na nagmamalasakit ka sa kanya.”
Crunch, crunch, crunch. Nilunok ni Andrew ang kanyang popcorn at kumuha siya ng isa pang dakot.
Nakasalampak ang kuya niyang si Caleb sa sopa sa tabi niya. “Oy, puwedeng humingi?”
Hindi inalis ni Andrew ang tingin sa TV. “Hindi.”
“Sige na. Mamigay ka.”
Inabot ni Caleb ang mangkok, pero inagaw iyon ni Andrew.
“Huwag! Sinabi ko na sa iyo dati pa. Huwag ka nang humingi ulit!”
“Sige na nga.” Tumayo si Caleb at lumabas ng kuwarto.
Kinabukasan, pumasok si Andrew sa kusina. Gumagawa si Caleb ng kaunting sushi na may kanin, seaweed, at canned pork.
Naglaway si Andrew. “Puwede bang makahingi?”
“Hindi,” sabi ni Caleb.
Nagalit talaga doon si Andrew. Tumakbo siya pababa ng hagdan para magsumbong kay Itay.
“Bakit po napakaramot ni Caleb?” tanong niya.
Sumimangot si Itay. “Nakita ko kahapon na ayaw mo siyang bigyan ng popcorn. Bakit ka bibigyan ni Caleb matapos mo siyang hindi bigyan?”
“Kasi po kapatid ko siya!” sabi ni Andrew.
“Kung gayon, bakit hindi mo siya binigyan?”
“Hindi rin naman po niya ako binibigyan kahit kailan! At saka, ginawa ko po ito para sa sarili ko, hindi para sa kanya,” sabi ni Andrew. Pero medyo hindi maganda ang pakiramdam niya. Masama nga siguro na hindi siya namimigay.
“Alam mo ba na sa Korea, mahalaga talaga ang mamigay?” tanong ni Itay. Ang pamilya ni Andrew ay mula sa Korea. “Ang pagbibigay ay isang paraan para ipakita sa isang tao na nagmamalasakit ka sa kanya. Kaya kung hindi ka mamimigay, para mo na ring sinabi na wala kang malasakit sa kanila.”
“Pero may malasakit po ako kay Caleb.”
Pinag-isipan ni Andrew kung ano ang maaaring gawin ni Jesus. Naalala niya kung paano minahal ni Jesus ang lahat—maging ang mga taong hindi naging mabait sa Kanya.
“Palagay ko po bibigyan ko si Caleb bukas at titingnan ko kung ano ang kalalabasan niyon,” sabi niya kay Itay.
Ngumiti si Itay. “Palagay ko magandang ideya iyan.”
Nang matulog si Andrew nang gabing iyon, naisip niya ang iba pang magagandang bagay na maaari niyang gawin para kay Caleb. Sabik na siyang magsimulang mamigay!
Kinaumagahan, nagising si Andrew sa isang sorpresa. Nagluto na si Caleb ng almusal para lang sa kanya!
“Kinausap ako ni Itay tungkol sa pamimigay,” sabi ni Caleb. “Gusto kong mas bumait pa. Kaya ginawa ko ito para sa iyo.”
“Salamat!” sabi ni Andrew. “Gusto ko ring mas bumait pa.”
Kalaunan nang araw na iyon, nanood ng sine sina Andrew at Caleb. Hinayaan ni Andrew na si Caleb ang pumili. Pagkatapos ay nagluto siya ng kaunting popcorn para lang kay Caleb! Tiningnan niya ang loob ng mangkok. Parang sinasabi ng popcorn na, “KAININ MO AKO!” Pero hindi kumuha si Andrew. Ibinigay niya kay Caleb ang mangkok at sinabing, “Sa iyong lahat ito. Pasensya na hindi kita binigyan dati.”
Buong linggong binahaginan ni Andrew si Caleb. Hinayaan niyang basahin ni Caleb ang kanyang mga aklat. Hinayaan niyang gamitin ni Caleb ang kanyang mga marker. Hinayaan niyang paglaruan ni Caleb ang paborito niyang laruan. Binigyan pa niya si Caleb ng ekstrang oras noong maglaro sila ng isang game.
Nang lalong bahaginan ni Andrew si Caleb, lalo siyang binahaginan ni Caleb! Hindi nagtagal ay palagi na silang gumagawa ng magagandang bagay para sa isa’t isa. Alam ni Andrew na tinutulungan siya ng Ama sa Langit na bahaginan ang kanyang kapatid. Hindi perpekto si Andrew na tulad ni Jesus, pero gusto niyang maging higit na katulad Niya araw-araw.
Ang kuwentong ito ay naganap sa USA.