“Ang Aklat tungkol sa mga Dinosaur,” Kaibigan, Mar. 2023, 22–23.
Ang Aklat tungkol sa mga Dinosaur
Sumimangot si Sophia. Bakit hindi niya puwedeng gustuhin din ang mga dinosaur?
Sina Sophia at Allie ay kambal, at matalik silang magkaibigan. Magkakaiba ang gusto nila, pero mas masaya iyon dahil doon! Gustung-gusto nilang maglaro nang magkasama.
Isang araw sa paaralan, nanghiram si Sophia ng isang aklat tungkol sa mga dinosaur mula sa library. Sabik siyang ipakita iyon kay Allie.
“Hindi mo puwedeng basahin iyan,” sabi ni Timmy, na kaklase niya.
“Bakit naman?” tanong ni Sophia.
“Panlalaki ang aklat na iyan,” sabi nito. “Panlalaki ang mga dinosaur.”
Sumimangot si Sophia. Bakit hindi niya puwedeng gustuhin din ang mga dinosaur? Ipinasok niya ang aklat sa backpack niya. Babasahin pa rin niya iyon.
Buong maghapon, pinag-isipan ni Sophia ang sinabi ni Timmy. Naiinis pa rin siya pag-uwi niya mula sa paaralan.
“Ano ang problema?” tanong ni Inay.
“Sabi po ni Timmy hindi ko puwedeng basahin ang aklat tungkol sa mga dinosaur,” sabi ni Sophia. “Sabi po niya panlalaki lang ang mga dinosaur. Hindi naman po totoo iyon, ‘di ba?”
“Siyempre hindi,” sabi ni Inay.
Tumungo si Sophia. “Eh, bakit po iyon sinabi ni Timmy?”
“Wala siguro siyang kilalang iba pang mga batang babae na gusto ng mga dinosaur,” sabi ni Inay. “Pero hindi tayo ginawang pare-pareho ng Ama sa Langit. At gusto Niyang maging mabait tayo sa isa’t isa.”
Niyakap ni Inay si Sophia. “Pasensya na at tinrato ka ni Timmy nang ganoon. Pero mahal ka ng Ama sa Langit. At mahal din kita.”
“Salamat po, Inay,” sabi ni Sophia. Gumanda na ang pakiramdam niya ngayon.
“Kakausapin ko ang guro mo tungkol dito, OK?” sabi ni Inay.
Tumango si Sophia. “OK po.”
Nakipaglaro si Sophia kay Allie. Gumawa sila ng isang laro na tinatawag na Super Princess Racer, kung saan mga karerista sa kotse ang mga manika ni Allie. Muntik na silang manalo, pero ang Princess Lightning Cheetah ang nanalo! Tuwang-tuwa sina Sophia at Allie.
“Gusto mo bang makita ang aklat tungkol sa mga dinosaur na nakuha ko ngayon?” tanong ni Sophia.
“Sige!” sabi ni Allie.
Ngumiti si Sophia. Natuwa siya na palagi silang masaya ni Allie.
Kinabukasan, may ibinalita ang guro ni Sophia. “Mga bata,” sabi nito, “may gusto akong sabihin sa inyo. OK lang na magustuhan ang iba’t ibang bagay. Lahat ng aklat at laruan natin ay para sa lahat.”
Tuwang-tuwa si Sophia! Sa oras ng pagbabasa, inilabas niya ang aklat tungkol sa mga dinosaur mula sa kanyang backpack.
Lumapit si Timmy sa kanyang desk. “Pasensya na sa pagsasabi ko na hindi mo puwedeng basahin ang aklat na iyon,” sabi nito. “Gusto ko rin ng mga dinosaur.”
“OK lang,” sabi ni Sophia. “Gusto mo bang sabay tayong magbasa?”
“Sige!” Umupo si Timmy sa tabi niya. “Salamat.”
Binuklat ni Sophia ang aklat. Magkaiba sila ni Timmy, pero magandang magbahagi sa isang bagong kaibigan.
Ang kuwentong ito ay naganap sa USA.