“Mga Aktibidad sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin,” Kaibigan, Mar. 2023, 6–7.
Mga Aktibidad sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Para sa home evening, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, o para lang sa paglilibang!
Ang Bagyo
Para sa Mateo 8; Marcos 2; Lucas 7
Kuwento: Basahin ang kuwento tungkol kay Jesucristo na pinapayapa ang bagyo sa pahina 46 o sa Marcos 4:36–41. Pag-usapan kung paano naghahatid sa iyo ng kapayapaan si Jesus.
Awitin: “Aking Nadarama ang Pag-ibig ni Cristo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 42–43)
Aktibidad: Tumayo nang pabilog at hawakan ang mga gilid ng kumot. Maglagay ng bola sa kumot at marahan itong pagulung-gulungin sa kumot, tulad ng barkong sinisiklot ng mga alon. Maghalinhinan sa pagsasabi sa grupo na bilisan, bagalan, o “tumahimik.”
Larong Paghula sa Himala
Para sa Mateo 9; Marcos 5; Lucas 9
Kuwento: Gumawa ng maraming himala si Jesucristo. Pinagaling Niya ang isang lalaking hindi makalakad. Binuhay Niya ang patay na batang babae. Pinagaling Niya ang mga lalaking bulag. (Tingnan sa Mateo 9.) Ano ang iba pang mga himalang ginawa ni Jesus?
Awitin: “Ang mga K’wento kay Jesus,” (Aklat ng mga Awit Pambata, 36)
Aktibidad: Isulat ang ilan sa mga himala ni Jesus sa mga piraso ng papel at ilagay ang mga iyon sa isang mangkok. Pumili ng isang papel, basahin ang himalang nakasulat doon, at idrowing iyon. Maaaring hulaan ng iba kung alin iyon!
Pagtutulungan
Para sa Mateo 11–12; Lucas 11
Kuwento: Sabi ni Jesus, “Madaling dalhin ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan” (Mateo 11:30). Ang pamatok ay tumutulong sa dalawang hayop na magkasamang hilahin ang isang bagay. Kapag pinipili nating sundin si Jesus, matutulungan Niya tayo sa ating mga pagsubok.
Awitin: “If the Savior Stood Beside Me” (ChurchofJesusChrist.org)
Aktibidad: Hilingin sa isang tao na itawid ang isang mabigat na bagay sa kabilang panig ng silid. Pagkatapos ay ipalipat sa kanila ang bagay na iyon na katulong ang isang tao. Pag-usapan kung paano gumagaan ang ating mga pasanin kapag humihingi tayo ng tulong sa Tagapagligtas.
Isulat ang Sarili Mong Talinghaga!
Kuwento: Itinuro ni Jesus ang ebanghelyo gamit ang mga kuwentong tinatawag na “mga talinghaga.” Ang isang ikinuwento Niya ay kung paano maaaring maging malaking puno ang isang munting binhi ng mustasa (tingnan sa Mateo 13:31–32). Ano ang itinuturo Niya noon? Ano ang iba pang mga talinghagang itinuro ni Jesus?
Awitin: “If I Listen with My Heart” (ChurchofJesusChrist.org)
Aktibidad: Ang mga talinghaga ay makakatulong sa atin na mas maunawaan ang ebanghelyo. Buklatin sa pahina 8 para isulat ang sarili mong talinghaga. Ibahagi ang iyong talinghaga sa mga kapamilya o kaibigan.
Sobra-Sobra
Para sa Mateo 14; Marcos 6; Juan 5–6
Kuwento: Minsa’y maghapong nagturo si Jesucristo sa mga tao. Nagutom ang lahat. Pero mayroon lang silang limang buong tinapay at dalawang isda. Binasbasan ni Jesus ang tinapay at isda, at ibinahagi iyon ng mga disipulo sa mga tao. Nagkaroon ng sapat na pagkain para sa mahigit 5,000 katao! (Tingnan sa Mateo 14:15–21).
Awitin: “Sinisikap Kong Tularan si Jesus” (Aklat ng mga Awit Pambata, 40–41)
Aktibidad: Lutuin ang paborito mong resipe ng tinapay, o subukan ang resipe na nasa pahina 8. Pansinin kung paano pinalalaki ng isang bagay na kasingliit ng yeast o lebadura ang buong tinapay. Paano pinalaki ni Jesus ang iyong maliliit na pagsisikap?