2023
Si Lillian Lang
Marso 2023


“Si Lillian Lang,” Kaibigan, Mar. 2023, 40–41.

Si Lillian Lang

Ayaw ni Lillian na mag-isa lang siya sa Young Women.

Malungkot na batang babaeng nakatingin sa kanyang likuran

Ngayon ang huling araw ni Lillian sa Primary. Mami-miss ni Lillian ang iba pang mga batang Primary. Tatlo lang sila roon—dalawang batang babaeng mas bata sa kanya at ang batang kapatid niyang si Michael.

“Ano ang pakiramdam mo tungkol sa paglipat sa Young Women?” tanong ng kanyang guro sa Primary.

“Hindi na po ako makapaghintay na makasama sa klase ang mga batang babaeng mas matanda sa akin!” sabi ni Lillian.

“Natutuwa ako at nasasabik ka,” sabi ng kanyang guro. “Sino pa ang makakasama mo sa Young Women?”

Inisip ni Lillian ang mga batang babaeng mas matanda sa kanya sa ward. Katatapos lang ng hayskul nina Summer at Cova. At nakalipat na ng bahay ang pamilya ni Melvina. Teka lang. Ang natira … si Lillian lang.

Ano ang magiging hitsura ng klase niya sa Young Women? Sila lang ng mga guro niya? Parang nakakaasiwa iyon—at malungkot. Isipin pa lang iyon ay kinabahan na si Lillian. Sumimangot siya. Ayaw niyang siya lang mag-isa sa Young Women.

Sa buong maghapon, pinag-isipan ni Lillian ang pagiging kaisa-isang dalagita. Sa hapunan, inikut-ikot niya ang pagkain sa kanyang plato nang hindi ito kinakain. Bumulung-bulong siya nang siya na ang magbabasa sa scripture study ng pamilya nila.

Inilapag ni Inay ang scriptures niya. “Ano ang problema?” tanong nito.

Bumuntong-hininga si Lillian. “Mag-iisa lang po ako sa Young Women!”

Lumipat ng upo si Inay sa tabi ni Lillian. Niyakap siya nito. “Hindi magiging madali iyan,” sabi ni Inay. “Paano ka namin matutulungan?”

Nag-isip sandali si Lillian. “Siguro po puwede nating ipagdasal na may isa pang dalagitang lumipat sa ward. At siguro po puwede akong basbasan ni Itay.”

Ngumiti si Itay. “Magagandang ideya iyan.”

Lumuhod ang pamilya para manalangin. “Ama sa Langit,” pagsisimula ni Lillian, “Masaya po ako na lilipat na ako sa Young Women. Ayaw ko po ng nag-iisa ako, pero kung kalooban po Ninyo iyon, ayos lang po. Tulungan po Ninyo sana akong malaman kung paano ko mapapaganda ang pakiramdam ko. At kung nais po Ninyong bigyang-inspirasyon ang isang pamilya na may dalagitang kaedad ko na lumipat sa aming ward, ayos din po iyon.”

Pagkatapos ng panalangin, ipinatong ni Itay ang kanyang mga kamay sa ulo ni Lillian. “Binabasbasan kita na mapayapa ang kalooban mo tungkol sa paglipat sa Young Women,” sabi ni Itay. “Pagpapalain ka ng Ama sa Langit kapag humingi ka ng tulong sa Kanya.”

Nakadama nga ng kapayapaan si Lillian. Hindi pa niya sigurado kung ano ang magagawa niya para maging mas madali ang paglipat sa Young Women. Pero alam din niya na tutulungan siya ng Ama sa Langit.

Batang babaeng tumatanggap ng basbas

Pagsapit ng Linggo, medyo kinakabahan pa rin si Lillian. Pero naalala niya ang kapayapaang nadama niya matapos ang basbas ni Itay. Alam niyang magiging OK siya.

Sa sacrament meeting, ipinahayag ng bishop na si Sister Barns ang magiging bagong Young Women president. Tumayo si Sister Barns nang tawagin ang pangalan niya. Hindi siya talaga kilala ni Lillian, pero mukhang mabait siya.

Sinabi na ni Inay na noong kaedad siya ni Lillian, naging isa sa pinakamatatalik niyang kaibigan ang Young Women leader niya. Maaaring maging magkaibigan sina Lillian at Sister Barns! Iyon ang sagot sa kanyang panalangin.

Pagkatapos ng sacrament meeting, nagpunta si Lillian sa kanyang bagong classroom. Isang batang babaeng mas matanda sa kanya ang nakatayo sa pasilyo.

“Hi,” sabi ni Lillian. “Bumibisita ka ba sa ward namin?”

Umiling ang bata. “Hindi. Kalilipat lang ng pamilya namin dito.”

Ngumiti si Lillian. “Welcome sa ward namin. Unang araw ko ito sa Young Women.” Naupo sila ng batang babae sa classroom. “Siyanga pala, ako si Lillian.”

“Weh, hindi nga!” sabi ng batang bagong lipat. “Lillian din ang pangalan ko!”

Natawa si Lillian. Sinagot ulit ng Ama sa Langit ang kanyang panalangin! Hindi naman yata magiging malungkot talaga sa Young Women.

Dalawang batang babaeng nag-uusap at may hawak na scriptures

Ang kuwentong ito ay naganap sa Australia.

PDF ng Kuwento

Mga larawang-guhit ni Sue Teodoro