2023
Kabaitan para sa Pasko
Disyembre 2023


“Kabaitan para sa Pasko,” Kaibigan, Dis. 2023, 4–5.

Kabaitan para sa Pasko

“Sa kanila na po ang tanghalian ko,” sabi niya.

Ang kuwentong ito ay naganap sa Japan.

Tinulungan ni Akari ang nakababata niyang kapatid na si Miori na ilabas ang kanilang Nativity set. Gustung-gusto niyang naghahanda para sa Pasko.

Nakataas ang kamay ng sanggol na si Jesus mula sa sabsaban at may ngiti sa Kanyang mukha. Ngumiti rin si Akari. Naisip tuloy niya kung gaano siya kamahal ni Jesus. Hindi ipinagdiwang ng maraming tao sa Japan ang pagsilang ni Jesucristo nang katulad ng pamilya ni Akari. Pero nagbigay pa rin sila ng mga regalo at nag-ukol ng panahon sa pamilya sa panahon ng Pasko.

Tumunog ang telepono ni Itay. Dinampot niya ito at saglit na nakipag-usap. “Salamat sa paalala,” sabi niya. “Magkita tayo sa Pasko ng umaga.” Ibinaba niya ang telepono.

“Pupunta po ba kayo sa service project?” tanong ni Akari.

“Tama,” sabi ni Itay. “Pupunta ako sa Tokyo para tumulong sa pagbibigay ng pagkain sa mga taong walang tirahan. Tumutulong ang ilang tao sa ating ward taun-taon.”

“Puwede po ba akong sumama ngayon?” tanong ni Akari.

“Oo naman!” sabi ni Itay. “Puwede ring sumama si Miori.”

Sa Pasko ng umaga, maagang gumising ang pamilya ni Akari para magbukas ng mga regalo. Gustung-gusto ni Akari ang regalo niya! Sabik na siyang laruin iyon kalaunan.

Nag-impake ng tanghalian si Inay para sa lahat at niyakap sila at nagpaalam. Pagkatapos ay sumakay na sa tren sina Akari, Itay, at Miori.

Nang makarating ang tren sa Tokyo, inakay ni Itay sina Akari at Miori sa isang parke na maraming tolda at tao.

“Ito ang mga taong paglilingkuran natin,” sabi ni Itay. “Mahirap lang sila, at ang pagkakaroon ng pagkain para sa Pasko ay magiging pagpapala sa kanila.”

Isang grupo ng mga tao ang naglagay ng mga tinapay, mangkok ng noodles, at panghimagas sa mga mesa. Nakita ni Akari ang ilang batang kaedad niya na tumutulong din.

“Lahat ng taong ito po ba ay mula sa simbahan natin?” tanong ni Akari kay Itay.

“Hindi lahat,” sabi ni Itay. “Hindi ba ang galing na napakaraming taong gustong tumulong?”

Larawan
alt text
Larawan
alt text

Naglagay ng pagkain sina Akari, Miori, at Itay sa mga kahon. Pagkatapos ay tumulong sila sa pagbibigay ng mga kahon sa mga taong nakapila. “Maligayang Pasko po,” sabi ni Akari sa bawat tao.

Hindi nagtagal ay naubos na ang lahat ng kahon. Pero may mga tao pa ring nakapila at naghihintay ng pagkain!

Sumimangot si Itay. “Kinulang yata tayo.” Bumaling siya sa mga taong naghihintay. “Ikinalulungkot ko. Ubos na po ang pagkain.”

Ayaw ni Akari na magsialis ang mga taong iyon nang walang pagkain. May magagawa ba siya?

“Sa kanila na po ang tanghalian ko,” sabi niya.

“Magandang ideya!” sabi ni Itay. “Ibigay na nating lahat ang tanghalian natin.” Tumango ang iba pang mga tumutulong. Inilabas nila ang mga baon nilang tanghalian. Lahat ng taong nakapila ay nakakuha ng kaunting pagkain!

Medyo gutom na si Akari, pero OK lang iyon. Mas kailangan ng mga tao sa parke ang pagkain kaysa sa kanya.

“Ipinagmamalaki kita,” sabi ni Itay habang sakay ng tren pauwi. “Ang bait mo para ipamigay ang pagkain mo.”

“Iyon po ang gagawin ni Jesus,” sabi ni Akari.

Sumigla at sumaya ang kalooban ni Akari sa buong maghapon. At hindi lang dahil Pasko na! Masaya siya na nakaya niyang ibahagi ang pagmamahal ng Tagapagligtas.

Larawan
PDF ng Kuwento

Larawang-guhit ni Amanda Yoshida

Print