2023
French Toast para sa Lahat
Disyembre 2023


“French Toast para sa Lahat,” Kaibigan, Dis. 2023, 20–21.

French Toast para sa Lahat

Ang munting paglilingkod sa Pasko ay nakatulong sa kanila na magkaroon ng bagong kaibigan.

Ang kuwentong ito ay naganap sa Brazil.

Larawan
alt text

Hinawakan ni Rebeca ang kamay ng kanyang kapatid. Tumalon sila mula sa sopa at bumagsak sa karpet. Naghagikgikan ang magkapatid.

“Mas mataas pa!” sabi ni Melissa.

“Mga bata, huwag kayong tumalon-talon sa bahay. Ayaw nating abalahin si Miss Daisy nang napakaaga,” sabi ni Inay mula sa kusina.

Sumimangot sina Rebeca at Melissa at umupo. Kalilipat pa lang nila sa bagong apartment. Si Miss Daisy ang kapitbahay na nakatira sa silong nila.

“Nakita mo na ba si Miss Daisy?” tanong ni Melissa kay Rebeca.

“Hindi pa. Pero natatakot ako sa kanya. Balita ko galit siya sa mga bata,” sabi ni Rebeca.

Nanlaki ang mga mata ni Melissa. “Pero paano na ang tradisyon nating French-toast?

Ilang araw na lang ay Bisperas na ng Pasko. Ang paboritong tradisyon nina Rebeca at Melissa sa pamilya ay ang paggawa ng French toast para ipamigay sa lahat ng kapitbahay nila. Magiging espesyal ang taon na ito dahil ito ang unang pagkakataon na gagawin nila ito sa bagong tahanan nila.

“Siguro dapat nating laktawan ang pinto ni Miss Daisy,” sabi ni Rebeca.

Pagsapit ng Bisperas ng Pasko, gumising ang mga bata na sabik nang gumawa ng French toast.

Tinulungan ni Rebeca si Itay na magbati ng mga itlog, gatas, asukal, at cinnamon. Isinawsaw ni Melissa ang tinapay sa pinaghalong mga sangkap. Pagkatapos ay niluto nila ang tinapay. Hindi nagtagal, nag-amoy cinnamon ang buong apartment nila.

Sa huli, inilagay nila ang French toast sa mga supot at isinulat ang pangalan ng kanilang mga kapitbahay sa bawat isa.

Isinara ni Rebeca ang huling supot. “Handa na!” sabi niya.

Binilang ni Itay ang mga supot at tiningnan ang lahat ng pangalan. “Wala akong nakikita para kay Miss Daisy,” sabi niya.

Nagkatinginan sina Rebeca at Melissa.

“Ayaw po namin siyang bigyan,” sabi ni Rebeca. “Galit po siya sa mga bata.”

Sumimangot si Itay. “Ang tradisyon natin ay magbigay sa lahat ng kapitbahay. Palagay ba ninyo hindi natin dapat gawan si Miss Daisy?”

Alam nina Rebeca at Melissa na tama si Itay. Pinuno nila ang isa pang supot at sinulatan ito ng “Miss Daisy.”

Dinala nila ang mga supot sa bawat kapitbahay. Sa wakas, nakarating sila sa pinto ni Miss Daisy.

Paano kung hindi nito gusto ang pagkain? Paano kung singhalan sila nito?

Huminga nang malalim ang mga bata. Pagkatapos ay kumatok sila sa pinto.

“Sino ‘yan?” tanong ni Miss Daisy. Binuksan nito ang pinto at tiningnan ang magkapatid. Maikli ang puti nitong buhok. Hindi ito gaanong nakakatakot.

Saglit na hindi malaman nina Rebeca at Melissa ang sasabihin.

“Kami po ang nakatira sa itaas,” sabi ni Rebeca.

Iniabot ni Melissa ang supot. “Dinalhan po namin kayo ng French toast. Maligayang Pasko po!”

Larawan
alt text

“Naku, salamat! Gustung-gusto ko ng French toast.” Kinuha ni Miss Daisy ang supot. “At kayo nga ba ang mga bagong kapitbahay ko? Gusto ko sana kayong makilala, pero naisip ko na baka ayaw ninyo sa matatandang katulad ko.”

Nanlalaki ang mga matang nagkatinginan sina Rebeca at Melissa. “Akala po namin ayaw ninyo sa mga bata!” sabi ni Rebeca.

Natawa si Miss Daisy. “Gustung-gusto ko ang mga bata! Tuloy kayo. Ipapakita ko sa inyo ang mga retrato ng mga apo ko.”

Pumasok silang lahat sa apartment ni Miss Daisy. May mga bulaklak sa buong paligid at maraming retrato ng pamilya.

“Maupo kayo. Kagagawa ko lang ng kaunting passionfruit juice,” sabi ni Miss Daisy. Nagbuhos siya ng juice sa mga baso. “Palagay ko napakasarap itambal nito sa masarap na French toast na ito.”

Kinuha ng mga bata at ng kanilang mga magulang ang mga baso ng juice. Ang sarap niyon!

Nalaman nila ang mga pangalan ng mga apo ni Miss Daisy. Nakinig pa nga sila sa Pamaskong musika na kasama ito.

Nagkamali sina Rebeca at Melissa tungkol kay Miss Daisy. Mabait ito. At nakakatuwa rin! Ang French toast sa Pasko ay isang magandang tradisyon. Sa taon na ito, natulungan sila nitong magkaroon ng bagong kaibigan.

Larawan
PDF ng Kuwento

Mga larawang-guhit ni Shawna J. C. Tenney

Print