2023
Ang Puting Stocking
Disyembre 2023


“Ang Puting Stocking,” Kaibigan, Dis. 2023, 36–37.

Ang Puting Stocking

Hindi inakala ni Chakell na magbabago ang kuya niya kahit kailan.

Ang kuwentong ito ay naganap sa USA.

Larawan
alt text

Natawa si Chakell sa nakakatuwang mga retrato ng ate niya. Bisperas ng Pasko noon, at naglalaro sila ng pamilya niya ng drawing game sa paligid ng fireplace.

Bisperas ng Pasko ang paboritong araw ni Chakell sa buong taon. Komportable at masaya ang pakiramdam niya matapos ang lahat ng pagkain at hagikgikan. Ayaw niyang matapos ito!

“Sige,” sabi ni Inay. “Oras na para sa puting stocking!”

Ngumisi si Chakell. Bisperas ng Pasko ang paborito niyang araw, at isa ito sa mga paborito niyang tradisyon.

Sa tinitirhan niya, nagsasabit ng magagarbong stocking ang mga tao sa tabi ng fireplace tuwing Pasko. Sa Pasko ng umaga, mapupuno ng pagkain ang mga ito! Pero mas espesyal ang stocking na ito. Pupunuin ito ni Chakell at ng kanyang pamilya ng mga regalo para kay Jesus.

Inilabas ni Inay ang isang magandang puting stocking na may gintong palamuti. Pagkatapos ay iniabot niya sa bawat tao ang isang maliit na piraso ng papel at lapis. “Isulat ninyo ang isang bagay na gusto ninyong ipangako kay Jesus sa susunod na taon,” sabi niya.

Larawan
alt text

“Pagkatapos ay ilalagay natin ang mga ito sa stocking, at babasahin natin ang mga ito sa susunod na taon sa Bisperas ng Pasko,” dagdag pa ni Itay. “Pero basahin muna natin ang mga ipinangako natin noong nakaraang taon.”

Inabot niya ang stocking at kinuha ang maliliit na piraso ng papel noong nakaraang taon. Ipinamigay niya ang mga ito, at tahimik na binasa ni Chakell ang sa kanya: “Mas tutulong pa ako sa bahay.” Naisip niya na medyo maganda ang ginawa niya sa taon na ito. Pero ano naman ang isusulat niya ngayon?

“Alam ko na kung ano ang isusulat ko!” masayang sabi ng ate niya.

Pinag-isipan ni Chakell kung ano ang maibibigay niya kay Jesus. Ano ang magagawa niyang mas mabuti sa susunod na taon para maging higit na katulad Niya? Ano ang gugustuhin ni Jesus na gawin niya?

Noon niya nakita ang kuya niyang si Braeden, na may isinusulat sa piraso ng papel nito.

Sumimangot si Chakell. Hindi niya makita ang isinulat ng kuya niya, pero sigurado siya na hindi iyon isang bagay na gagawin talaga nito.

Madalas tuksuhin ni Braeden si Chakell, at hindi sila naging mabait sa isa’t isa sa taon na ito. Mahal niya ang kuya niya, pero hindi niya inisip na sisikapin ng kuya niya kahit kailan na maging higit na katulad ni Jesus.

Bakit niya kailangang maging napakasalbahe sa akin? naisip niya.

Minasdan niya nang itupi nito ang kanyang papel at ilagay iyon sa puting stocking.

Nakita ni Braeden na nakatitig siya at ngumiti. “Huwag kang sumilip,” sabi nito.

Muling tiningnan ni Chakell ang kanyang papel at isinulat, “Sisikapin kong maging mabait sa lahat ngayong taon.” Pagkatapos ay inilagay rin niya ang kanyang papel sa stocking.

Hindi nagtagal ay oras na para matulog. Pero hindi mapigil ni Chakell na isipin kung ano ang isinulat ni Braeden. Walang dapat magbasa ng pangako ng sinuman kay Jesus, pero gusto talaga niyang malaman!

Habang naghahandang matulog ang iba, dahan-dahang sumilip si Chakell sa puting stocking. Nakita niya ang papel ni Braeden at binuksan iyon.

“Ipinapangako kong maging mas mabait kay Chakell ngayong taon,” sabi roon.

Larawan
alt text

Hindi siya makapaniwala. Ito ba talaga ang isinulat ni Braeden? Medyo napaluha siya at maingat niyang ibinalik ang papel sa loob ng stocking.

Sinasabi noon ni Inay palagi na ang pagsampalataya kay Jesucristo ay makakatulong sa sinuman na magbago at maging higit na katulad Niya. Tama siguro si Inay. Talaga sigurong matutulungan ni Jesus sila ni Braeden na maging mas mabait sa isa’t isa.

Kinaumagahan habang nakaupo si Chakell para mag-almusal, masigla pa rin ang kalooban niya. Nang bumaba na ng hagdan si Braeden, niyakap niya ito nang mahigpit.

Nanlaki ang mga mata ni Braeden. “Uy, para saan ito?”

“Gusto lang kitang yakapin,” sabi niya. “Maligayang Pasko!”

Ngumisi si Braeden at niyakap din siya. “Maligayang Pasko.”

Larawan
PDF ng Kuwento

Mga larawang-guhit ni Kevin Fales

Print