2023
Panalangin sa Playground
Disyembre 2023


“Panalangin sa Playground,” Kaibigan, Dis. 2023, 30–31.

Panalangin sa Playground

Sumakit ang ulo ni Davi sa pagsisikap na matuto ng Ingles!

Ang kuwentong ito ay naganap sa England.

Larawan
alt text

Sabik na si Davi sa oras ng paglalaro. Nagsikap siyang makinig na mabuti sa kanyang titser na si Miss Taylor. Pero nahirapan siyang unawain ang sinasabi ni Miss Taylor sa Ingles. Sumakit ang ulo ni Davi dahil doon.

Kalilipat lang ng pamilya ni Davi sa England mula sa Brazil. May bagong bahay siya at bagong paaralan. Pero ang pinakamalaking pagbabago sa lahat ay na may bagong wikang dapat matutuhan ngayon si Davi! Nangulila siya sa dati niyang tahanan. Nangulila siya sa kanyang mga kaibigan na nagsasalitang lahat ng Portuguese tulad niya.

Pumalakpak si Miss Taylor. “Oras na para maglaro!” sabi nito.

Napalukso si Davi mula sa kanyang upuan. Alam niya ang salitang iyon! Puwede siyang kumain at maglaro sa mga swing. At puwede siyang magpahinga mula sa pag-aaral ng Ingles.

Nang lumabas si Davi, inunahan siyang tumakbo ng ibang mga bata para maglaro. Magkakaibigan na sila. At iisa ang wikang sinasalita nilang lahat. Nang subukan ni Davi na makinig sa kanila, muling sumakit ang utak niya. Pakiramdam niya ay nag-iisa siya.

Sana may kaibigan ako, naisip ni Davi. Ano ang dapat kong gawin?

Naalala ni Davi ang sinabi sa kanya ng nanay at tatay niya. “Maaari kang magdasal kahit kailan, kahit saan, at maririnig ka ng Ama sa Langit,” sabi nila.

Ito ang perpektong oras para magdasal!

Tumingin si Davi sa paligid ng playground. Nakakita siya ng isang bahay-bahayan na yari sa kahoy. Pumasok si Davi sa loob. Tahimik doon. Lumuhod siya, humalukipkip, at pumikit.

“Mahal na Ama sa Langit, gusto ko pong makipaglaro sa ibang mga bata. Gusto ko pong matuto ng Ingles. Tulungan N’yo po ako.”

Larawan
alt text

Nang matapos siyang magdasal, sumigla at napayapa ang kalooban ni Davi. Alam niya na kahit wala pa siyang maraming kaibigan, kaibigan niya palagi ang Ama sa Langit.

Pagkatapos ng oras ng paglalaro, bumalik si Davi sa klase. Hirap pa rin siyang maunawaan ang Ingles. Pero nagpasiya siya na patuloy na magsikap!

Nagpraktis nang ilang linggo si Davi. Nagbasa siya ng maraming kuwento sa Ingles. Nakinig siya kay Miss Taylor. Nagpraktis din siyang makipag-usap sa iba pang mga bata.

Tuwing nalulungkot si Davi, nagdarasal siya. Tuwing sumasakit ang ulo niya sa pagsisikap na matuto ng Ingles, nagdarasal siya. At tuwing nagdarasal siya, tinutulungan siya ng Ama sa Langit na makadama ng kapayapaan. Pakiramdam niya ay puwede siyang patuloy na magsikap.

Maraming linggo pa ang lumipas. Mas madali nang maintindihan si Miss Taylor. Nagsimulang makipagkaibigan si Davi at makipag-usap sa kanila. Nanalo pa nga siya ng isang premyo sa paaralan sa pagsisikap na mabuti at pagbabasa nang maayos!

Isang araw isang bagong estudyante ang dumating sa klase ni Davi sa paaralan. Ang pangalan niya ay Leo. Nagmula ito sa ibang bansa at di-gaanong marunong ng Ingles.

Sa oras ng paglalaro, nakita ni Davi si Leo na nakaupong mag-isa sa swing. Mukhang malungkot ito. Naalala ni Davi kung gaano siya kalungkot noong bago pa siya. Ginusto niyang maging kaibigan ni Leo.

Tumakbo si Davi kay Leo. “Hi. Ako si Davi.” Ipinakita niya ang isang football. “Gusto mong maglaro?”

Tumango si Leo at bumaba mula sa swing.

Sumigla si Davi. Natuwa siya na naging kaibigan siya ni Leo, katulad lang ng ang Ama sa Langit ay kaibigan niya.

Larawan
alt text
Larawan
PDF ng Kuwento

Mga larawang-guhit ni Maja Andersen

Print