2023
Pagbibilang ng mga Araw Hanggang Pasko
Disyembre 2023


“Pagbibilang ng mga Araw Hanggang Pasko,” Kaibigan, Dis. 2023, 10–11.

Pagbibilang ng mga Araw Hanggang Pasko

Ang paboritong tradisyon ni Mathis ay ang pagsisindi ng mga kandila para sa Pasko.

Ang kuwentong ito ay naganap sa Germany.

Larawan
alt text

“Mathis! Emilian!” pagtawag ni Mama. “Oras na para sindihan ang mga kandila sa wreath.”

Inilapag ni Mathis ang kanyang aklat at tumakbo papunta sa sala. Sumunod sa kanya ang nakababata niyang kapatid na si Emilian.

Maraming gusto si Mathis tungkol sa Pasko. Gustung-gusto niyang gumawa ng lebkuchen cookies. Gustung-gusto niyang magdekorasyon ng Christmas tree. Pero ang paborito niyang bahagi ay ang pagsisindi ng mga kandila para paghandaan ang Pasko.

Tinawag nila itong Advent (pagdating) wreath. Ang wreath ay may apat na kandilang pula na nakapatong sa mga berdeng sanga. Sa Germany, nagsisindi ng kandila ang mga tao tuwing Linggo sa buwan bago sumapit ang Bisperas ng Pasko. Sa unang linggo, sisindihan nila ang isang kandila. Sa sumunod na linggo, sisindihan nila ang dalawa. Sa pangatlo, sisindihan nila ang tatlo. At sa Linggo bago sumapit ang Bisperas ng Pasko, sisindihan nila ang lahat ng apat na kandila.

Pinagmasdan ni Mathis si Papa na tulungan si Emilian na sindihan ang dalawang kandila. Mukhang masaya ang maningning na apoy.

Larawan
alt text

“Mama, ano po ang ibig sabihin ng advent?” tanong ni Mathis.

“Ang advent ay ang panahon bago sumapit ang Pasko,” sabi ni Mama. “Tinutulungan tayo ng mga kandila na bilangin ang mga araw. At gayon din ang ating mga Advent calendar!”

Inabot ni Mama ang magandang bahay na yari sa kahoy sa ibabaw ng bookshelf. Ipinatong niya iyon sa mesa. Tuwang-tuwa si Mathis na makita lang ito.

Mayroon silang dalawang Advent calendar sa taon na ito. Hindi regular na klase ng mga kalendaryo ang mga iyon. Espesyal na klase ang mga iyon, para lang sa Pasko! Ang una ay ang maliit na bahay na yari sa kahoy na may 24 na pintuan—isa para sa bawat araw bago sumapit ang Pasko.

“Ikaw na ang magbubukas ng pinto!” sabi ni Mama.

Ngumiti si Mathis at binuksan ang pinto para sa araw na iyon. May dalawang maliliit na kendi sa loob! Ibinigay niya ang isa kay Emilian.

“Alam n’yo,” sabi ni Papa, “ang ibig ding sabihin ng “advent ay pagdating ng isang tao o ng isang bagay na mahalaga. Naaalala ba ninyo kung kaninong pagdating ang ipinagdiriwang natin sa Pasko?”

“Kay Jesus po!” sabay na sagot nina Mathis at Emilian.

Tumango si Mama. “Naghintay ang mga tao nang libu-libong taon sa pagdating ni Jesucristo. Ipinagdiriwang natin ang Kanyang pagsilang sa Pasko. At balang-araw, paparito Siyang muli sa mundo.”

Inisip ni Mathis kung ano kaya ang pakiramdam kapag muling pumarito si Jesus. Sumigla ang kanyang pakiramdam.

“Buksan mo ang isa pang kalendaryo, Mathis!” sabi ni Emilian.

“OK!” Inabot ni Mathis ang pangalawang kalendaryo. Ginawa iyon ni Oma (Lola) para lang sa kanila. Isang hanger iyon na may nakabitin na 24 na mahahabang laso. Bawat laso ay may nakataling nakatuping papel sa dulo na may nakasulat na isang talata sa banal na kasulatan tungkol kay Jesucristo. Araw-araw bago sumapit ang Pasko nakabasa sila ng isang bagong talata tungkol kay Jesus.

Hinila ni Mathis ang sumunod na papel mula sa ribbon. “Narito, dala ko sa inyo ang magandang balita ng malaking kagalakan para sa buong bayan,” pagbasa niya. “Sapagkat ipinanganak sa inyo ngayon sa lunsod ni David ang isang Tagapagligtas, na siya ang Cristo, ang Panginoon.”*

Nakadama ng kapayapaan si Mathis habang pinanonood niya at ng kanyang pamilya ang pagkliwanag ng mga kandila. Sa loob ng dalawang linggo, sisindihan nila ang lahat ng apat na kandila, at matatapos na ang paghihintay sa Pasko! Pero alam ni Mathis na hindi lang Pasko ang hinihintay nila. Hinihintay nilang dumating si Jesucristo.

Larawan
PDF ng Kuwento

Mga larawang-guhit ni Violet Lemay

Print