2023
Palaging Magkasama
Disyembre 2023


“Palaging Magkasama,” Kaibigan, Dis. 2023, 40–41.

Palaging Magkasama

Masaya si Amir na mabuklod sa templo sa kanyang pamilya.

Ang kuwentong ito ay naganap sa Italy.

Hawak ni Amir ang kamay ni Inay habang naglalakad sila sa airport sa Rome, Italy. Kalilipad lang nila mula sa kanilang tahanan sa Greece. Papunta sila sa templo para mabuklod bilang isang pamilya! Nagmula pa sa malayo ang ate niya para mabuklod sa kanila.

“Nasaan si Lola?” Tanong ni Amir, habang lumilingun-lingon. Medyo tumingkayad siya. Sabik na sabik na siya!

“Makikita natin siya,” sabi ni Inay.

Si “Grandma” ay hindi talaga lola ni Amir, pero gusto niyang isipin na lola nga niya ito. Parang ito ang kanyang missionary angel! Tinulungan nito ang kanyang pamilya na malaman ang tungkol sa ebanghelyo. At ngayo’y tinutulungan sila nitong magpunta sa templo sa unang pagkakataon!

“Hayun siya!” sigaw ni Amir. “Hi, Grandma!”

Larawan
alt text
Larawan
alt text

Kumaway si Amir. Kumaway din si Sister Bush na nakangiti. Lumapit ito at niyakap nang mahigpit si Amir. “Handa ka na ba?”

“Opo!” sabi ni Amir.

Tumawag ng taksi si Sister Bush para ihatid sila sa templo. Tumabi si Amir sa ate niya. Hindi nagtagal ay lumiko sa isang kanto ang taksi, at natanaw na ni Amir ang templo. Napakalaki at napakaganda nito.

“Mas maganda ito kaysa sa mga nasa larawan!” sabi ni Amir.

Naglibot si Amir at ang kanyang pamilya sa bakuran ng templo at kumuha ng ilang retrato. Matagal na nilang pinangarap ang araw na ito.

Nang oras na para pumasok, pakiramdam ni Amir ay naglalakad siya papasok ng langit. Malinis at maliwanag ang loob. Napakabait ng mga temple worker. Pakiramdam ni Amir ay binabantayan siya ng Ama sa Langit. Nadama niyang ligtas siya.

Naghintay si Amir nang magpunta ang kanyang mga magulang at ate sa ibang bahagi ng templo. Sinamahan siyang maghintay ng dalawang mababait na temple worker at binigyan siya ng puting damit na isusuot. Ipinakita nila sa kanya ang isang video tungkol kay Jesucristo. Payapa ang pakiramdam niya.

Nang oras na, inakay siya ng mga temple worker papunta sa itaas. Hinanap ni Amir si Jesus sa mga painting. Masaya siyang malaman na nasa bahay siya ng Diyos.

Maganda ang silid na pinasok nila. Isang malaki at kumikinang na ilaw ang nakabitin sa kisame. Magkaharap ang dalawang malalaking salamin sa dingding. Naroon na at naghihintay ang kanyang pamilya.

Lumuhod sina Inay at Itay sa altar na natatakpan ng malambot na tela at naghawak-kamay. Hiniling ng isang temple worker kay Amir at sa kanyang ate na lumuhod sa altar kasama nila. Pakiramdam nila ay magkakasama sila matapos magkahiwalay sa loob ng mahabang panahon.

Umiyak si Amir dahil sa tuwa. Mukhang masaya rin ang kanyang pamilya. Alam niya na ang mainit na pakiramdam na nadama niya ay ang Espiritu Santo. Natuwa siya na nagkasama-sama silang lahat doon.

Nang oras na para bumalik sa Greece, niyakap ni Amir ang kanyang ate at nagpaalam. Nalungkot siya na kailangan na nilang umalis. Pero alam niya na dahil sa templo, balang-araw ay magkakasama sila palagi.

Larawan
PDF ng Kuwento

Mga larawang-guhit ni Toby Newsome

Print