Kaibigan
Mga Kagat ng Insekto at mga Pagpapala
Pebrero 2024


“Mga Kagat ng Insekto at mga Pagpapala,” Kaibigan, Peb. 2024, 10–11.

Mga Kagat ng Insekto at mga Pagpapala

Kinailangan ni Carlos ng tulong.

Ang kuwentong ito ay nangyari sa USA.

alt text

Sinimangutan ni Carlos ang kanyang sarili sa harap ng salamin sa banyo. Namumula ang kanyang mukha at mga braso. Mas malala pala ang sunburn niya kaysa inakala niya. At maraming makakating kagat ng insekto sa mga braso at binti niya. Masaya ang hiking nila ng klase niya sa Primary, pero ngayon ay mahapdi ang buong balat niya!

Tiningnan ni Carlos ang kanyang backpack na nasa sahig. Nasa loob pa rin niyon ang sunscreen at bug spray na inilagay ni Inay. Dapat ay ginamit niya ang mga iyon tulad ng bilin sa kanya ni Inay. Pero inakala niya na hindi niya kailangan ang mga iyon.

Binuksan ni Carlos ang kabinet at nakita niya ang maliit na bote na laging ginagamit ng nanay niya para sa mga sunburn. Ipinahid niya ang gel sa kanyang mukha. Malamig ang pakiramdam niyon sa kanyang mainit na balat.

Pagkatapos ay naglagay ng gel si Carlos sa mga braso niya. Pero hindi niya makita ang cream para sa kagat ng insekto. Hindi nagtagal ay tumigil na siya sa kahahanap. Kinailangan niya ng tulong. Kailangan niyang makausap si Inay.

Natagpuan niya ito sa kusina. Nang makita nito ang kanyang mukhang may sunburn, mukhang nag-alala siya. Akala ni Carlos magagalit ito sa kanya sa hindi niya paggamit ng sunscreen. Pero hindi pala.

“OK ka lang ba?” tanong nito. “Masakit siguro iyan.”

“Opo.” Napayuko siya. “Puwede po ba ninyo akong tulungan? Sige na po.”

“Oo naman.” Inakay ni Inay si Carlos papunta sa banyo. Binuksan nito ang kabinet at kinuha ang isang maliit na tube.

“Dapat itong makatulong para mawala ang pangangati ng mga kagat ng insekto,” sabi nito. Pinahiran nito ng kaunting cream ang bawat kagat.

“Hayan,” sabi nito, habang isinasara ang tube. “Sana gumanda ang pakiramdam mo diyan.”

“Salamat po, Inay.” Nagbaba ng tingin si Carlos. “Sorry po hindi ko ginamit ang mga inempake ninyo para sa akin. Nakinig sana ako sa inyo. Akala ko alam ko ang pinakamainam gawin, pero hindi pala.”

Hinagkan siya ni Inay sa tuktok ng kanyang ulo. “Walang anuman. Kung minsan inaakala ko na alam ko rin ang pinakamainam. Pagkatapos ay ipinapakita sa akin ng Ama sa Langit na hindi ko talaga alam ang pinakamainam.” Nagsalita ito nang pabulong. “Kahit ang matatanda ay maaaring makagawa ng mali.”

Natawa si Carlos. Pagkatapos ay sumimangot siya. “Kung sumunod po ako sa inyo, hindi sana ako gaanong nasasaktan ngayon.”

“Palagay ko ganyan ang pakiramdam ng maraming anak ng Ama sa Langit kapag sumusuway sila sa Kanya,” sabi ni Inay. “Iniisip nila na sana’y nakinig sila sa Kanya. At nasasaktan Siya para sa Kanyang mga anak kapag nasasaktan sila, tulad ng nasasaktan ako para sa iyo ngayon.”

“Pero mapapaganda po Niya ang pakiramdam nila,” sabi ni Carlos. “Tulad ng pagtulong ninyo sa akin. Hindi po ba?”

“Tama! Kapag nagsisi tayo, maaari tayong tulungan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Pagkatapos ay maaari tayong makagawa ng mas mabubuting pasiya sa hinaharap.”

Ngumiti rin si Carlos. Mahapdi pa rin ang kanyang sunburn at mga kagat ng insekto, pero alam niya na gagaling siya. At sa susunod, maaari siyang gumawa ng mas mabuting pasiya!

PDF ng Kuwento

Larawang-guhit ni Mary Sullivan