Kaibigan
Mga Kaibigang Sumusunod kay Jesus
Pebrero 2024


“Mga Kaibigang Sumusunod kay Jesus,” Kaibigan, Peb. 2024, 14–15.

Mga Kaibigang Sumusunod kay Jesus

Hindi inasahan ni Saría ang tanong ni Katy.

Ang kuwentong ito ay nangyari sa Australia.

“Babay, Saría! Alam kong gagalingan mo ngayon,” sabi ni Inay.

Lumabas ng kotse si Saría. “Salamat po!”

Gustong anyayahan ngayon ni Saría ang mga kaibigan niya sa kanyang binyag. Tinulungan siya ni Inay na magpraktis sa pag-anyaya sa kanila habang papunta sa eskuwela.

Paluksu-luksong nagpunta si Saría sa malalaking pintuan papasok sa kanyang silid-aralan. Nag-aaral siya noon sa isang paaralang Kristiyano. Ibig sabihin ay sama-sama silang natututong lahat tungkol kay Jesucristo kahit hindi pare-pareho ang simbahan na pinupuntahan nila. Naglagay ang kanyang guro ng iba’t ibang pangalan para kay Jesus sa mga pintuan ng silid-aralan. Mayroong nakasulat doon na “Gumagawa ng mga Himala” at “Aking Diyos.” Ngayon, napansin ni Saría ang isa na nagsasabing “Tumutupad sa Pangako.”

Napangiti si Saría sa tuwa. Kapag nabinyagan na siya, tutupad din siya sa pangako!

Sa oras ng tanghalian, umupo si Saría sa tabi nina Katy at Jenny sa hagdan sa labas ng silid-aralan. Habang kumakain sila, naisip ni Saría na magandang pagkakataon iyon para gawin ang napraktis niya.

Huminga nang malalim si Saría. “Malapit na akong mabinyagan. Gusto mo bang pumunta?”

“Bakit ka bibinyagan ngayon?” tanong ni Katy.

alt text

Sinikap ni Saría na alalahanin ang mga bagay na napraktis nila ni Inay. “Kasi gusto kong gumawa ng tipan. Ang tipan ay isang pangako sa Diyos. Kapag nabinyagan ako, matatanggap ko ang kaloob na Espiritu Santo.”

Inabot ni Katy ang sandwich niya. “Nabinyagan na ako noong baby pa ako.”

“Ako rin,” sabi ni Jenny. “Akala ko lahat ay nabinyagan na noong baby pa sila.”

Nalito si Saría. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin.

Pagkatapos ng klase, ikinuwento ni Saría kay Inay ang nangyari. “Bakit po nabinyagan sina Katy at Jenny noong baby pa sila?”

Umupo si Inay sa tabi niya. “Iba ang paggawa ng ibang mga simbahan sa mga bagay-bagay. Sa ilang simbahan, binibinyagan ang mga baby sa pagwiwisik ng tubig sa kanila. Pero naniniwala tayo na kapag bininyagan tayo, gumagawa tayo ng sagradong tipan. At kailangan ay sapat na ang edad natin para maunawaan ang mga pangakong ginagawa natin.”

Pinag-isipan ni Saría ang iba pang mga pagkakaibang napansin niya sa paaralan. Sumasamba ang mga kaibigan niya sa maraming paraan na naiiba sa nakaugalian niyang gawin.

Niyakap siya ni Nanay. “Maganda ang ginawa mo ngayon.”

Gumanda ang pakiramdam ni Saría. Hindi niya alam kung paano sasagutin ang mga tanong ng kaibigan niya, pero nagawa niya ang lahat ng makakaya niya. Gusto pa rin niyang anyayahan sila sa kanyang binyag.

Kinabukasan, magkasamang naglakad sina Saría at Katy papasok sa klase. May nahulog na bagay si Katy, at dinampot iyon ni Saría para dito. Kuwintas iyon na may krus.

“Salamat!” Kinuha ni Katy ang kuwintas. “Malulungkot ako talaga kapag naiwala ko ito. Ipinapaalala nito sa akin si Jesus.”

Ngumiti si Saría at itinaas ang kanyang singsing na PAT. “Ipinapaalala rin nito sa akin si Jesus. Ang ibig sabihin nito ay ‘piliin ang tama.’ Ipinapaalala nito sa akin na gawin ang mga bagay na gagawin ni Jesus.”

alt text

“Gusto ko ’yan,” sabi ni Katy.

Nakarating sina Saría at Katy sa pintuan ng kanilang silid-aralan. Itinuro ni Katy ang tawag kay Jesus na nasa pintuan na may nakasulat na “Gumagawa ng Daan.”

“Iyan ang paborito ko!” sabi ni Katy.

“Gusto ko rin iyan.”

Sumaya ang pakiramdam ni Saría. Sinabi sa kanya ng kanyang guro na ang ibig sabihin ng “Gumagawa ng Daan” ay gumawa ng paraan si Jesus para mangyari ang mga bagay-bagay. Gumawa ng paraan si Jesus para makaibigan ni Saría ang mga bata mula sa maraming iba’t ibang simbahan! May mga pagkakaiba sila, pero magkakapareho sila sa isang bagay. Mahal nilang lahat si Jesus at gusto nilang sundin Siya. Alam ni Saría na nagpasaya iyon kay Jesus.

PDF ng Kuwento

Mga larawang-guhit ni Violet Lemay