“Ang Napakasamang Araw ni Tommy,” Kaibigan, Peb. 2024, 4–5.
Ang Napakasamang Araw ni Tommy
“Uupo lang ako rito para wala nang iba pang masamang mangyari,” sabi ni Tommy.
Ang kuwentong ito ay nangyari sa USA.
Umupo si Tommy sa mga baitang ng hagdan sa harapan ng bahay niya at bumuntong-hininga. Napakapangit na araw!
Nang umagang iyon, natapon sa kanya ang almusal niya. Napakaliit ng tanging malinis na pantalon na nakita niya. Huli na siya sa eskuwela. Hindi siya pinalabas ng kanyang guro sa oras ng paglalaro dahil nalimutan niya ang aklat niya. Pagkatapos, sa daan pauwi mula sa eskuwela, natapilok siya sa bangketa at nasaktan ang tuhod niya. At nang lumabas siya ng bahay para maglaro, na-flat ang gulong ng bisikleta niya. Pangit ang lahat ng nangyari!
“Uupo lang ako rito para wala nang iba pang masamang mangyari,” sabi ni Tommy. Pero lalong sumama ang pakiramdam niya habang nagtatagal siya sa pagkakaupo.
Pagkatapos ay nakarinig ng lagitik si Tommy sa malapit. Tumingala siya at nakita niya si Mr. Johnson na nagkakalaykay ng mga dahon sa bakuran niya. Si Mr. Johnson ay mag-isang nakatira sa kabilang bahay.
Ayaw talaga ni Tommy na magkalaykay ng mga dahon. Pinanood niya ang pagsisikap ni Mr. Johnson na tipunin ang mga dahon at ilagay ang mga iyon sa isang malaking bag. Pero iilang dahon lang ang kaya nitong ipasok doon. Palaging nahuhulog sa lupa ang mga dahon.
Nahihirapan talaga si Mr. Johnson, naisip ni Tommy. Nang kalaykayin ni Itay ang mga dahon, tinulungan siya ni Tommy sa paghawak sa bag. Talagang mahirap para sa iisang tao na gawin ang trabahong iyon.
Bakit walang tumutulong sa kanya? pagtataka ni Tommy.
Pagkatapos ay may natanto si Tommy. Puwede siyang tumulong!
Tinalon ni Tommy ang hagdan at nilapitan si Mr. Johnson. “Ako na po ang hahawak sa bag para sa inyo.”
“Naku, maraming salamat,” sabi ni Mr. Johnson. “Hindi na ako makayuko na tulad ng dati.”
Hinawakan ni Tommy ang bag at tumulong ding punuin ang isa pa. Pagkatapos ay kumuha siya ng kalaykay at tumulong sa pagtitipon ng natirang mga dahon.
Habang nagtutulungan sila, nagkuwento si Mr. Johnson ng mga katatawanan at nakakatuwang mga kuwento. Sumakit ang tiyan ni Tommy sa katatawa. Hindi nagtagal ay nalimutan na niya ang natapon niyang almusal, ang hindi niya paglalaro, at ang nasaktan niyang tuhod.
Nang tawagin siya ni Inay para maghapunan, natanto ni Tommy na nakalaykay na nila ang buong bakuran. At naging masaya iyon!
“Salamat sa tulong mo,” sabi ni Mr. Johnson.
“Wala pong anuman.” Nagpaalam na si Tommy. “Hanggang sa muli po!”
Pumasok na si Tommy sa bahay niya at naupo sa tabi ni Itay sa hapag-kainan.
“Kumusta ang araw mo?” tanong ni Itay sa kanya.
Ngumiti nang husto si Tommy. “Pinakamagandang araw ko po ito!”