“Nalaman ni Ana ang Kanyang Kahalagahan,” Kaibigan, Peb. 2024, 40–41.
Nalaman ni Ana ang Kanyang Kahalagahan
Bakit kailangang maging napakaperpekto palagi ni Mila?
Ang kuwentong ito ay nangyari sa Canada.
“Mamá, hulaan n’yo po.” sabi ng ate ni Ana na si Mila. Itinaas niya ang kanyang report card mula sa paaralan. “Puro A po ang marka ko sa lahat ng klase ko!”
umikot ang mga mata ni Ana. Bakit kailangang maging napakaperpekto palagi ni Mila?
“Magaling,” sabi ni Mamá. “Ipinagmamalaki kita.” Bumaling siya kay Ana. “At kumusta naman ang mga marka mo?”
Iniabot ni Ana kay Mamá ang kanyang report card. “Ayos naman po,” sabi ni Ana, na nakayuko. Nagsikap nang husto si Ana sa paaralan. Pero hindi perpekto ang mga marka niya na tulad ng kay Mila.
“Ipinagmamalaki rin kita,” sabi ni Mamá. Niyakap nito si Ana.
Sinasabi lang niya na iyon para gumanda ang pakiramdam ko, naisip ni Ana. Noon pa man ay mas talino na si Mila kaysa sa kanya.
Pero hindi lang mas mahusay si Mila sa paaralan kaysa kay Ana. Mas mahusay siya sa lahat ng bagay. Mas marami siyang kaibigan. Mas maganda ang buhok niya. Mas mahusay siya sa sports. Mahal ng lahat si Mila.
Sinubukang tumulong ng mga magulang ni Ana.
“Napakahalaga mo, Ana,” sabi ni Papi.
“Maganda ka at ismarte,” sabi ni Mamá.
Pero hindi nadama ni Ana na mahalaga siya o maganda o ismarte. Hindi kumpara kay Mila.
Isang araw naglalaro sina Ana at Mila ng isang board game. “Mukhang ikaw ulit ang nanalo,” ang naiinis na sabi ni Ana.
“Gusto mo bang maglaro ng iba?” tanong ni Mila. “Puwede tayong lumabas. Pustahan tayo matatalo mo ako sa soccer!”
“Hindi!” inis na sabi ni Ana. “Pagod na akong matalo, at pagod na ako na lagi kang mas magaling kaysa sa akin.” Pakiramdam niya ay kumukulo ang kanyang kalooban.
Nanlaki ang mga mata ni Mila. “Sori—”
Tumalikod si Ana at tumakbo sa kanyang silid bago pa nakatapos ng sasabihin si Mila. “Hindi ako magiging perpektong katulad mo kahit kailan!” sabi niya, at ibinalibag ang pinto.
Nahiga si Ana sa kama niya na nakasubsob ang mukha sa unan. Galit na galit siya!
Ilang beses siyang huminga nang malalim. Nang kalmado na siya, lumuhod si Ana para magdasal. “Mahal na Ama sa Langit,” sabi niya, “tulungan Mo po ako. Palagi akong naiinggit kay Mila.” Natahimik ang boses niya. “Parang hindi po magiging sapat ang kabutihan ko kahit kailan. Talaga po bang mahal Mo ako?”
Isang mainit na pakiramdam ang gumuhit mula sa ulo ni Ana hanggang sa kanyang mga paa. Pagkatapos ay may naisip siya. Mahal ng Ama sa Langit ang mga tao dahil mga anak Niya sila. Hindi dahil sa sila ang pinakamagaling. Siguro hindi kailangang maging mas magaling si Ana kaysa kaninuman para mahalin siya. Minamahal na siya ngayon mismo.
Nanatiling nakaluhod si Ana. Ayaw niyang mawala ang magandang pakiramdam. Minahal nga siya ng Ama sa Langit—nang husto.
Maya-maya’y may kumatok nang mahina sa pinto. Si Mamá iyon. Naupo si Mamá sa kama sa tabi ni Ana. “Narinig ko na galit ka.”
Tumango si Ana. “Opo. Pero gumanda na po ang pakiramdam ko ngayon. Alam ko po na hindi ako dapat magalit kay Mila sa pagtanggap niya ng matataas na marka o pagkapanalo. At nagdasal po ako, at nakatulong ito nang malaki.”
Inakbayan ni Mamá si Ana. “Ano ang naging pakiramdam mo nang magdasal ka?”
“Mabuti po,” sabi ni Ana. “Pakiramdam ko po mahalaga ako talaga sa Ama sa Langit.”
Niyapos ni Mamá si Ana. “Noon pa man ay mahalaga ka na talaga—sa Ama sa Langit at sa amin. Pero natutuwa ako na alam mo na iyan ngayon.”
“Ako rin po. Hihingi po ako ng pasensya kay Mila sa pagsigaw ko sa kanya.” Ngumiti si Ana. “At itatanong ko po kung gusto niyang maglaro ng soccer!”