“Mga Tunay na Kaibigan?” Kaibigan, Peb. 2024, 36–37.
Mga Tunay na Kaibigan?
Ayaw ni Henry na muling mapag-isa.
Ang kuwentong ito ay nangyari sa USA.
“Oy, halika’t panoorin mo ito,” sabi ni Darren kay Henry. “Nakakatawa ito!”
Nabalisa si Henry. Isang video na naman.
Umupo siya sa tabi nina Darren at Drake sa sopa. Natawa sila sa video, pero gustong magtago ni Henry sa ilalim ng kutson ng sopa para hindi niya marinig ang masasamang salita.
Nang matapos ang video, tumayo kaagad si Henry. “Labas tayo at magbisikleta.”
“Mamaya na,” sabi ni Drake. Patuloy ang pag-scroll ni Darren sa cell phone niya.
Napabuntong-hininga si Henry at muling naupo nang pindutin ni Darren ang play.
Nang magbisikleta si Henry pauwi kalaunan, pinag-isipan niya ang lahat ng iba pang pagkakataon na hindi siya naging komportableng makasama sina Darren at Drake. Tulad noong magsabi sila ng masasamang biro sa paaralan. O magnakaw sila ng mga mansanas mula sa puno ni Mr. Garcia.
Siguro dapat kausapin ko si Inay, naisip ni Henry. Pero paano kung sabihin nito na hindi na siya puwedeng bumarkada kina Darren at Drake? Mag-iisa na lang siya. Ulit.
Naghahanda ng mesa si Inay nang pumasok si Henry. “Oy, kumusta ang araw mo?” tanong nito.
Nagkibit-balikat si Henry. Umupo na sila para maghapunan, at nagdasal si Inay. Hinalo ni Henry ang kanyang sopas nang hindi man lang sumusubo.
“May nangyari ba sa bahay ni Darren ngayon?” tanong ni Inay.
Nabalisa si Henry. Ayaw niyang sabihin dito ang lahat tungkol kina Darren at Drake. Pero siguro magkukuwento siya rito nang kaunti. “Nanood lang po kami ng mga video. Gusto ko po sanang magbisikleta, pero ayaw palagi nina Darren at Drake.”
“May problema ba sa mga video?” tanong nito.
Bumilis ang tibok ng puso ni Henry. Dapat ba niyang sabihin kay Inay? Hindi niya puwedeng sabihin ang tungkol sa masasamang salita. Hindi na niya kayang maging mag-isa ulit. “Parang ayaw ko pong makipag-usap ngayon.”
Huminga nang malalim si Inay. “Alam ko na nahihirapan ka sa paglipat dito. Ang saya-saya mo nang makaibigan mo sina Darren at Drake. Pero sana hindi ka nila pinipilit na gawin o panoorin ang isang masamang bagay. Ang mga tunay na kaibigan ay tinutulungan kang gawin ang tama.”
Yumuko si Henry. “Sina Darren at Drake po ay mga tunay kong kaibigan.”
“Kung gano’n, igagalang nila ang mga desisyon mo. Kahit sabihin mo pang ayaw mo.”
Sa bahay ni Darren kinabukasan, natanim ang mga salitang “mga tunay na kaibigan” sa isipan ni Henry.
“Tingnan mo ang bagong video na ito,” sabi ni Darren.
“Ayaw ko,” sabi ni Henry.
Tinitigan siya nina Darren at Drake.
“Hindi na ako manonood,” sabi niya, nang mas malakas sa pagkakataong ito. “Ayaw ko ang ipinararamdam sa akin ng mga ‘yan.”
“Para kang bata,” sabi ni Drake.
Nagtawanan sina Darren at Drake. Sinimulan nilang tuksuhin si Henry kung paano palaging namumula ang kanyang mukha kapag pinakitaan nila siya ng mga video o kapag nagbibiro sila sa paaralan.
Ito ba ang gagawin ng mga tunay na kaibigan? naisip ni Henry.
Tumayo siya mula sa sopa. “Magbibisikleta ako. Puwede kayong sumama kung gusto ninyo.”
“Hindi,” sabi ni Darren. “Dito lang kami.”
Lumabas mag-isa si Henry. Pagkasara ng pinto sa kanyang likuran, natanto niya na naglaho ang pagkabalisang nadama niya. Sa halip ay gumaan at naging kalmado ang pakiramdam niya.
Pagkatapos ay may natanto pa siyang iba. Hindi siya nag-iisa. Kasama niya ang Espiritu Santo. Malungkot pa rin si Henry tungkol kina Darren at Drake. Pero sinasabi sa kanya ng Espiritu Santo na tama ang kanyang pasiya. Nakangiti, sumakay siya sa kanyang bisikleta at nagbisikleta pauwi.