“Si Joshua na Pioneer,” Kaibigan, Oktubre 2024, 10–11.
Si Joshua na Pioneer
“Ang isang pioneer ay ang unang taong gumawa ng isang bagay,” sabi ni Itay.
Ang kuwentong ito ay nangyari sa USA.
Patalun-talon si Joshua sa bangketa habang naglalakad sila ng kanyang pamilya pauwi mula sa simbahan. “Alam po ninyo?” sabi niya. “Magbibigay po ako ng mensahe sa Primary sa susunod na Linggo!”
“Pioneer Day sa susunod na Linggo, kung kailan ginugunita natin ang mga pioneer na nagpunta sa Salt Lake Valley,” sabi ni Inay. “Siguro maaari kang magsalita tungkol sa mga pioneer.”
Binigyan nito ng ideya si Joshua. Pag-uwi niya, binuklat-buklat niya ang magasing Kaibigan . Nakita niya ang isang aktibidad na “Idrowing Ito” na nagpakita kung paano magdrowing ng bagon na may takip at mga baka, na tulad ng ginamit ng mga pioneer nang tawirin nila ang kapatagan. Gusto niyang magdrowing ng larawan ng mga pioneer na hahawakan niya habang nagsasalita siya. Inilabas ni Joshua ang mga krayola niya at nagsimulang magdrowing.
Pagkatapos magdrowing ni Joshua, tinulungan siya ni Itay na isulat ang kanyang mensahe. “Ano ba ang gusto mong sabihin tungkol sa mga pioneer?” tanong ni Itay.
Naalala ni Joshua ang isang awitin tungkol sa mga pioneer na pinag-aaralan nila sa Primary. “Ang mga pioneer po ay mga taong naglakad nang naglakad nang naglakad,” sabi niya.
“Tama ka! Ang mga Banal na tumawid sa kapatagan ay naglakad nang napakalayo,” sabi ni Itay. “Pero alam mo ba na isa ka ring pioneer?”
Nagsalubong ang mga kilay ni Joshua. “Dahil po ba naglalakad ako papunta sa paaralan kung minsan?”
Natawa si Itay. “Isa kang pioneer dahil gumagawa ka ng mahihirap na bagay,” sabi nito. “At pinipili mo ang tama, kahit hindi ito palaging madali.”
“Ang galing,” sabi ni Joshua. Espesyal ang pakiramdam na maging pioneer!
“Ang isang pioneer ay ang unang tao ring gumawa ng isang bagay,” sabi ni Itay. “Nang maging bahagi ka ng aming pamilya, natuto ka tungkol sa ebanghelyo at pinili mong sundin si Jesucristo. Dahil diyan, isa ka ring pioneer!”
Si Joshua ay isang ampon. Nakikita pa rin niya ang kanyang tunay na pamilya at nakakasama sila sa paggawa ng masasayang bagay. Pero nang tumira na siya kina Inay at Itay, nalaman niya ang tungkol kay Jesucristo at sa Aklat ni Mormon. Nagsimba siyang kasama nila. Nakapunta pa nga siya sa templo para mabuklod sa bago niyang pamilya.
Napangisi si Joshua. May ideya na siya kung ano ang sasabihin sa mensahe niya.
Buong linggong nagpraktis si Joshua ng sasabihin niya.
“Gusto mo bang samahan kita sa pulpito kapag magsasalita ka na?” tanong ni Itay.
“Palagay ko po kaya kong basahing mag-isa ang lahat ng isinulat ko,” sabi ni Joshua. “Pero puwede po ba ninyong itaas ang larawang idinrowing ko?”
Ngumiti si Itay. “Oo naman.”
Pagsapit ng Linggo, handa na si Joshua. Tumayo siya sa harapan ng kuwarto ng Primary. Tumayo si Itay sa tabi niya at itinaas ang drowing.
“Ngayon ay Pioneer Day,” sabi ni Joshua. “Ang mga pioneer ay mga taong naglakad nang napakalayo. Tulad ng mga Banal na tumawid sa kapatagan.”
Itinuro ni Joshua ang larawang hawak ni Itay.
“Pero ang isang pioneer ay ang unang tao ring gumawa ng isang bagay,” sabi niya.
Tiningnan ni Joshua si Inay. Nakangiti ito sa kanya mula sa likuran ng kuwarto.
“Ako ay isang pioneer,” sabi ni Joshua. “Kapag nabinyagan ako, ako ang magiging unang tao sa tunay kong pamilya na sasapi sa Simbahan.” Ngumisi siya. “Lahat tayo ay maaaring maging mga pioneer sa pamamagitan ng paggawa ng mahihirap na bagay at pagpiling sundin si Jesus. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.”
Masaya si Joshua nang maglakad siya pabalik sa kanyang upuan sa klase ng Primary. Natuwa siyang maging pioneer!